Ang Hinahanap ng Lumbay kong Puso
Ako ay humimlay
Sa ilalim ng mga bituin,
Habang sa mundo ng panaginip
Naglalakbay ang isipan.
Puso ko’y nais makisayaw
Sa mga hayop at ibon ay makiulayaw;
Katawan ko’y gustong lumipad,
Kahit saan mang lupalop mapadpad;
Layungin at sisirin ang dagat
Hanggang sa ang araw ay sumikat
Di maaalintana ang pagod at panghihina
Sa mundong aking tirahan
Pagkat ang ganda ng kalikasan
Sa akin ay nagbibigay rin ng kalakasan.
Sa pagmulat ng mata,
Ako ay biglang lumuha
Pangarap na lang pala
Ang lahat ng tinuran
Tirahan ko’y wala na
Huli na ng aking nalaman.
Lahat ay aking gagawin
Magbalik lang ang dati,
Sana’y muling maramdaman
Ang magkaroon ng tirahan
Tulad ng paraiso nina Eba at Adan
At nang magkaroon ng katuparan
Ang nasa kalooban.
Ang Hinanakit ni Ina
Ako’y isang dilag na sakdal rikit,
Ni isang kapintasa’y walang masasambit;
Lahat humahanga, lahat napapanganga
Kapag kanila nang namalas taglay kong kagandahan.
Lahat na ng tao ay nakasalamuha,
Anuman ang naisin,
Pagkain man o inumin,
Kasuotan man o tirahan,
Pag aking ibinigay
Sa mga mata ko’y bakas ang ligaya.
Pero sa paglipas ng panahon,
Kasalukuyang ako’y di na tulad ng noon;
Dilag na hinangaan,
Ngayon ay di na nakikilala;
Matapos abusuhin, ako’y winasak pa
Ng mga taong aking tinulungan;
Sila na dapat sana sa akin ay magyayaman,
Di ko inaasahan
Masama pala ang mapapala.
Bakit, o bakit?
Bakit ako ginanito?
Matapos ang lahat,
Ito pa ang natamo;
San nga ba nagkamali,
Ako nga ba’y nagkulang?
Matapos nilang makinabang,
Ginawa pang basahan!
Ako’y nakikiusap at nagmamakaawa
Na sana sa abang lingkod
Sila naman ay mahabag;
Dahil sa oras na hindi na kayanin
Sapin-sapin na pasakit,
Baka ang lahat ay akin ng ipagkait;
Kaya’t habang maaga pa
Kayo ay gumawa ng paraan
Nang ang lupit ko ay hindi na matikman.
Tayo ng Gumising Para sa Isang Bukas
Marami ng taon ang mabilis na nagdaan,
Henerasyon at gobyerno’y nagpapalit-palit na,
Ngunit imbis na bumuti, lalo pa atang lumubha
Ang dati ng kalagayan ni Inang Kalikasan.
Noo’y iilan lang ang mga gusali’t kabahayan,
Ngayon ay dumami at wala ng paglagyan;
Usok at iba pa, sa hangin ay humalo na
Subukan mang langhapin ay mauubo ka na;
Ang mga katubigan na dati’y nilalanguyan
Ngayo’y kaunti na, ang iba’y kulay uling na,
Gutom at uhaw di na kayang pawiin
Pero ang yaring buhay, kaya ng bawiin;
Mga pagbabagong hindi naging mainam,
Tayong lahat ang syang may kasalanan.
Tayo’y may mata, ating ng imulat;
May kamay at paa, ating ikilos na;
Huwag ng antayin na pagsabihan pa
Ating ng tulungan si Inang Kalikasan,
Kung magsasayang pa ng oras,
Baka wala ng bukas
At tayo’y mauwi sa napipintong wakas.
Leave a comment