Sa Tatlong Anghel ng Buhay ko

CYMERA_20131014_093727-horz

             Hello sa tatlong pogi kong kapatid! Hindi ko alam kung kailan nyo mababasa ang sulat na ito. Batid ko rin na hindi nyo maiintindihan sa ngayon kung anuman ang nilalaman ng liham na ito kahit basahin ko ito sa  inyong tatlo. Syempre, mga bata pa kayo. Pero sa takdang oras na mabasa nyo ang liham na ito, sana malaman at maunawaan nyo ang gusto kong iparating – kung gaano kayo kahalaga sa akin at kung gaano ko kayo kamahal.  

            Nang dumating kayo sa pamilyang ito, mula sa iyo Lance, naisip ko noon na parang tatanda akong dalaga. Kasi naisip ko na sa paglaki nyo, kailangan matustusan ang mga pangangailangan ninyo lalo na pagdating sa pag-aaral. Gusto ko, bago ako mag-asawa, kahit paano’y patapos na kayo ng kolehiyo para di na gaanong mag-alala sina Mama at Papa. Gusto kong maging maganda ang bukas nyo. Alam ko matagal pa yun bago mangyari pero sana nga lang magawa ko ang responsibilidad na iyon sa kabila ng mga problemang hinaharap natin.

            Pagpasensyahan nyo na rin ang ate nyo kung para akong nagiging “stage mother” dahil alam ko na magagaling kayong mga kapatid ko. Gusto kong kayo ang maging best kaya ginagawa ko ang makakaya ko para tulungan kayo, syempre sa tulong na rin ni Mama at ng mga ate nyo. Inaalalayan namin kayo para di kayo maligaw. Gusto ko makapag-aral kayo ng wala kayong problema (para di kayo matulad sa akin na di nakatapos).

            Lance, pagpasensyahan mo na si Ate kung napapagalitan o napapalo kita. Sana maintindihan mo na ayokong i-tolerate yung ginagawa mong mali o kakulitan. Gusto kong mapabuti ka, at matuto ng mabubuting asal na dadalhin mo sa iyong paglaki. Ganoon din sa’yo Dash. Hmm… sana alam nyo na para rin sa ikakabuti nyo ang ginagawa ko.

            Namimiss ko ang pagdala sa inyo Lance at Dash sa mall. Namamasyal, nakain, at naglalaro pa tayo ng mga games. Natutuwa akong makita na masaya kayo at nag-eenjoy sa pamamasyal. Kinukuhaan ko kayo ng pictures o videos para kahit paano, may memories na maitatago. Minsan kasi, mas inuuna ko pa ang trabaho o gala kaysa sa inyo. Kaya nga pag may pagkakataon, nilulubos-lubos ko na. Kahit paano, napupunan ko ang mga oras na wala ako.

            Bebe Axel, ang aming bunso – ang batang lubhang nagpaiyak sa akin. Alam mo ba, halos di ko na alam ang gagawin nung araw na ipinanganak ka ni Mama sa bahay at  nalagay ka sa alanganin. Kala ko hindi ka na namin makakasama. Walang tigil sa pagdugo yung pusod mo noon. Sabi ni Mama, premature ka raw. Takot na takot ako noon kapag ipinipikit mo ang mga mata mo. Baka kasi hindi ulit magmulat yung mga mata. Kaya pinipilit kita gisingin. Minsan pa nga, minamouth-to-mouth ka na namin ni Mama ng mga oras na iyon kasi baka di ka na nakakahinga.

           Iyak ako ng iyak noon habang naghahanap ng tulong. Ayokong tanggapin na lang ang sinasabi ni Mama noon: “Kung di talaga siya para sa atin, wala tayong magagawa. Ilalagay na lang natin siya sa kahon kung sakaling di na natin sya makakasama pa.” Hindi pwede. Ayoko. Oo, hindi ako Diyos para magdesisyon at huwag pumayag na ganoon ang mangyayari. Pero ayokong sumuko ng walang ginagawa. Mas madali nga naman sa pamilya natin pag ganoon ang nangyari kasi ikaw na ang pang-siyam na supling. Ganumpaman, mas nanaisin ko na mabuhay ka at madadagdagan ang papasanin kong hirap sa pamilya natin. Dahil kapatid kita, at gusto ka namin makasama. Sinikap kong lapitan ang lahat ng kakilala ko. Hanggang sa may tumulong at nakakuha ako ng komadrona na umayos ng problema mo sa pusod. Abot langit ang pasasalamat ko ng mga oras na iyon. At sinabi ko sa sarili ko na gagawin kong lahat para sa’yo.

            Bebe,pagpasensyahan mo na si Ate kung masyadong busy. Kailangan kasi magtrabaho para sa gatas mo at iba pang kailangan sa bahay. Oo, di kita masyadong nakakasama at naaalagaan pero bumabawi naman ako sa day off ko. Nangangawit nga lang ang braso ko pag lagi kitang buhat. Sana lang huwag mo ibato lagi ang cellphone ko pag pinapahiram kita. Baka pati mga pictures mo, mawala at mawalan din ako ng contact sa inyo.                                

            Sa inyong tatlo, pag nagkakasakit kayo, di ako mapakali. Oo, Ate lang ako o hindi ako si Mama. Pero wala akong pakelam kahit maubos yung allowance ko sa mga check-up, laboratory test at gamot basta masiguro ko lang na gumaling kayo. Kahit kakarating ko lang ng bahay at di pa nakakapagpalit ng damit, inuuna ko kayo. Dahil ayokong nahihirapan kayo. Parang nanghihina kasi ako pag ganoon.

            Ginagawa ko ang lahat ng mga makakaya ko. Nilalapitan ko ang ibang tao, kahit ayoko para lang sa inyo. Handa kong lunukin ang pride ko para sa inyo. Kung may mga nagagawa man akong pagkakamali, di lang ito para sa kin kundi para rin sa inyo. Pasensya rin kung minsan bagsak na ang katawan ko para mabantayan kayo pag masama ang pakiramdam nyo. Minsan pagod napagod na ang katawan ko, at pati utak ko’y ganoon din. Mahirap kasi mag isip nang mag-isip para sa pamilyang ito. Pasensya na talaga kung di ko kayang maging si Darna. Andyan naman si Mama, darating na lang ako pag kailangan. Kung maaari nga lang na pagsabayin ko ang trabaho at pamilya. Yung tipong pwede ako mag-multiply ng sarili ko para nagagawa ko lahat ng dapat kong gawin.            

            Gusto ko, maayos kayo bago ko kayo iwanan. Hindi naman habang buhay ay makakasama nyo ako. Pero kung magkaganun man tandaan nyo na nandito lang ako. Lance, Dash, at Axel, sana paglaki nyo, maging mababait kayong mga bata. Huwag sana kayong maging pasaway. Tandaan nyo, dito lang si Ate. Isasakripisyo kong lahat, para lang sa inyo. At kung nasaan man akong lupalop, kayo ang magiging lakas ko – kayo ang prayoridad ko. Mahal na mahal ko kayong tatlo – at kailanman yun ay hindi na magbabago.

2013-06-16 12.07-horz

***********************************************************

Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Sanaysay” ng Saranggola Blog Awards 5



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:
A) Bertdey ni Butchoy (SBA 2013 Entry: Kwentong Pambata)
B) Tahan na,  Nene (SBA 2013 Entry: Maikling Kwento)
C) Alaala ng Kamusmusan (SBA 2013 Entry: Tula)
Sana suportahan nyo ako at maraming salamat . 🙂


 NAIS KO RIN PONG PASALAMATAN ANG MGA SPONSORS:

 

Advertisements
Published in: on October 14, 2013 at 2:49 am  Comments (4)  
Tags: , , ,

Ako si Niña, Laking Laguna

               Sa pagmulat pa lang ng aking kamalayan, Laguna na ang aking nasilayan. Sa isang ospital man sa Makati ako’y ipinanganak, dito naman hinubog kung sino ako ngayon.

               Sa pagkakaalala ko, noong ako’y limang taon pa lamang, nanirahan kami sa isang barangay sa San Pedro, Laguna. Wala naman ako masyadong alam noon sa mga lugar doon kasi hindi naman ako laging iginagala ng mga magulang ko. Kaya hanggang pangangapit-bahay lang ang alam kong gawin. Pero isa ang tumatak sa isip ko, ang simbolo ng bayang ito ay isang tandang. Di ko alam kung bakit, ang akala ko pa nga dahil gusto lang nila o mahilig ang mga tao rito sa sabong. Ngunit sa tingin ko, kay San Pedro na tagapag-bantay ng tarangkahan ng langit kinuha ang pangalan nito. At dahil mahilig si San Pedro sa tandang, yun ang ginawa nilang simbolo. Kaya makikita ang estatwa ng tandang kapag pumapasok sa bayang ito.

               Makalipas ang dalawang taon, lumipat kami ng bahay. Napadpad kami sa bayan ng Biñan, Laguna. Hindi ito kalayuan sa pinanggalingan namin dahil magkatabi lang naman ang dalawang bayang ito. Dito na kami namamalagi at dito na rin ako nagdalaga. Hindi man ako masyadong palakaibigan sa mga kapit-bahay namin, marami naman akong naging karanasan sa iba’t ibang sulok nito – unang kilig, unang yakap, unang halik at… madaragdagan pa.                 

               Nakakain na ko ng ipinagmamalaki nitong “Puto Biñan”. Nagawa ko na rin makipagsiksikan sa magulo at masikip na palengke nito. Nakapagpabalik-balik na ko sa munisipyo nito at maging sa bago nitong City Hall. Nakapasok at nakapagsimba na rin ako sa malaking simbahan na malapit lang sa palengke. Nakalusong na rin ako sa isa sa mga pinakabinabahang barangay dito – ang Malaban na katabi lang ng Laguna Bay. Oo, mga karaniwang lugar at gawain lang ito. Ngunit para sa akin, kapag nakakaalis ako ng bahay at nakakapunta sa ibang lugar na iba pa sa barangay ko, ito ay maituturing ko ng pamamasyal. Siguro nga korni ako, pero ganito talaga ako.

               Nag-aral ako ng elementarya sa Biñan Elementary School. Alam ba ninyong si Doña Aurora Quezon, asawa ng dating pangulong Manuel L. Quezon, ang unang naglagay ng bato nung itinatayo pa lang ang eskwelahang ito? At eto pa, hindi ito kalayuan sa bahay ng Maestro ni Jose Rizal kung saan siya nag-aaral noon sa bayang ito. Pero may naisip ako, sana sa mismong paaralan ko na lang siya nag-aral para sikat di ba? Oo nga pala, dito ko rin napag-aralan ang kasaysayan ng Biñan. Isa ako sa napipisil noon upang maging kinatawan ng paaralan namin sa quiz bee ng Biñan Day noong nasa ika-anim na baitang pa lamang ako. Sa kasamaang palad, iba ang napili – ang taong hinahangaan ko ng mga panahong iyon. Ganumpaman, masaya ako dahil higit pa sa karangalan na maari kong makuha sa quiz bee ang aking nakamit, at ito ay ang kaalaman sa bayang aking kinalakihan. Isang bagay na aking babaunin hanggang sa aking pagtanda.

               Nang ako’y magkolehiyo na, napunta naman ako sa bayan ng Los Baños kung saan narito ang isa sa mga kilalang unibersidad sa Pilipinas – ang UP. Pansamatala akong namalagi sa paaralan na ito habang ang pamilya ko naman ay nasa Biñan. Dito ko natutunan ang mamuhay nang malayo sa kanila at matutong tumayo sa aking sariling mga paa gaya ng iba pang estudyante rito na nagmula pa sa mas malalayong lugar gaya ng Cebu, Iloilo at Zamboanga. Malawak ang sakop ng lugar na ito. Parang kasing-laki na nga ng barangay namin ito.

               Hindi lang ito basta paaralan kung tutuusin. Marami kasi akong gustung-gusto sa paaralan na ito. Paalala, hindi po tao ang tinutukoy ko rito. Kahit marami pang gwapo at mga taong kahanga-hanga, wala akong pakialam sa kanila. Hindi dapat umikot ang mundo ko sa kanila. Baka mapauwi pa ako ng hindi oras. At ang mas masama pa, baka hindi na ako nag-iisa dahil maaaring may buhay na sa aking sinapupunan. Ayaw ko nga ng ganoon!

               Magbalik tayo sa sinasabi kong “gusto” ko. Isa rito ang nakahubad malapit sa gusali ng CAS, si Oble. Isa siyang estatwang mas kilala sa tawag na Oblation. Akala ninyo tao, noh? Ito ang simbolo ng mga sangay ng UP na nangangahulugang pagsasakripisyo. May isa pang estatwa akong nakikita na malapit sa luma nitong silid-aklatan, ang Pegaraw. Isang kalabaw na may pakpak na parang Pegasus. Marahil nga ay luma na ang ilan sa mga libro rito pero naglalaman naman ng mga ginintuang – aral (parang ginto lang na nasa lumang baul). Ang gusali ng silid-aklatan ng UPLB ang isa sa mga paborito kong tambayan dahil sa dami nitong libro. At mayroon pang limitadong gamit ng kompyuter at internet, pero libre! Huwag ka nga lang papahuli sa mga bantay na nagfa-facebook o youtube ka. Lagot ka, dahil papagalitan ka nila. >_<

               Kung gusto ko naman mamasyal sa loob ng UPLB, marami rin akong puwedeng pagpilian. Masarap ang humiga, kumain at maglaro sa madamong Freedom Park. Nakita ko pa nga si Kaye Abad ng Angelito noong nagtaping siya para sa programang Precious Hearts Romances – Somewhere in My Heart. Sayang nga hindi ako nakapagpa-autograph tapos, napagalitan pa ako ng direktor. Ang ingay ko kasi sa set nila, eh.

               Subukan ninyong mag-gala sa Botanical Garden na puno ng iba’t ibang halaman at may batis pa! Sa totoo lang, magandang lugar ito para sa magkasintahan para mag-ano… Ahhhh… maglakad, mag-date at kung “ano” pang puwedeng gawin. Maaari ka ring magfield-trip sa IRRI kung saan nagsasaliksik tungkol sa bigas; maglakad sa Mud Spring o sa mabatong Flat Rocks; bumisita sa mga museo tulad ng Science museum na nasa Forestry o ang Arts museum sa D.L Umali Hall, o sa Jamboree na karaniwang pinupuntahan ng mga boy scout o girl scout para mag-camping.

               At higit sa lahat, masaya rin ang mag-hiking sa Bundok ng Makiling. Huwag nga lang maulan kasi sobrang putik. Dati, natatanaw ko lang ito mula sa malayo, pero nung nakapasok na ko sa UPLB, higit pa sa inaasahan ko ang aking nakita. Maganda ang tanawin sa ibaba na di ko karaniwang nakikita. Isa pa, napakasariwa ng hangin na para bang nasa probinsya lang talaga ako.

               Sa labas naman ng paaralan, marami ring maaring puntahan. Malapit lang ang Pansol kung saan maraming buko pie, hot springs at swimming pool. Dito ang karaniwang lugar ng outings at kung anu pang okasyon. Minsan na rin akong nakapunta ng bayan ng Calamba kung saan naroroon ang bahay ni Jose Rizal. Nakikain pa nga ako noong kaarawan niya. Buti pa yung sa kanya, maraming handa at bisita samantalang ako, wala. Nakarating na rin ako sa Sta.Cruz noong kumuha ako ng pinakaaasam-asam kong allowance mula sa scholarship ng dati naming gobernador na si Ning-Ning Lazaro. Nakita ko ang isa sa mga malalaki at lumang simbahan ng Laguna. Isa rin sa laging pinupuntahan dito sa Laguna kapag bakasyon ay ang Pagsanjan Falls. Bukod sa isa mga sikat na lugar ang lalawigang namin pagdating sa pasyalan, patok din itong lugar para mag-relax, manirahan at… mag-honeymoon.

               Oo, marami nang nagbago sa Laguna sa paglipas ng panahon – nabawasan ang mga lupang sakahan, dumami ang mga gusali at mall, napuno ang mga kalsadahan ng mga sasakyan, at nadagdagan pa ang populasyon nito. Ganumpaman, hindi ito tulad ng konkreto o sementong kagubatan tulad ng Maynila. Napanatili pa rin ang pagka-probinsyang lugar nito dahil hindi lahat ng lugar dito ay naging urbanisado na. Mas gusto ko pang mag-gala sa kung saan man sa Laguna dahil madali lang bumiyahe. Tawagin na ninyo akong taong bundok pero, madalas talaga akong maligaw kapag nasa Maynila ako. Dami kasing pasikot-sikot. Nahihilo tuloy ako.

               Oo, isa ang Laguna sa maraming lalawigan sa Pilipinas ngunit isa rin itong malaking pitak sa larawang bumubuo sa kasaysayan at sa bansang ating kinabibilangan. Totoong ang aking ina ay isang Bikolanang mula sa Camarines Sur samantalang ang ama ko ay isang Panggalatok na mula sa Pangasinan – mga lalawigang masasabing dahilan kung bakit “It’s More Fun in the Philippines” dahil dinarayo  ito ng mga turista. Pero sa totoo lang, maniwala kayo o sa hindi, hindi talaga ako marunong magsalita ng mga maka-dugong ilong na wika nila.

               Ganumpaman, ipinagmamalaki ko kung saan ako lumaki dahil ito ang naging hulmahan ng kung sino man ako ngayon. At ito rin ang kagubatang aking kinamulatan at kinasanayan. Hindi man ito kasing-advance ng Makati at Maynila, o kasing-yaman ng iba pang lugar sa Pilipinas, taas-noo kong sasabihin at isisigaw “Taga-Laguna ako”. Kahit alukin pa ako ng isang milyong piso para kalimutan ang Laguna, hindi ko tatanggapin. Pero kung bibigyan pa ako ng isang bilyong piso, pwede na! Siyempre, biro lang iyon. Isa lang masasabi ko – Laguna ang lalawigang laging magiging una sa puso ko.



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:

A) Ang Aking Mr. Right (Maikling Kwento)

B) Himig ng Manlalakbay (Tula)

C) Madyik Sapatos (Kwentong Pambata)

Salamat po sa inyong suporta. 🙂



Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Freestyle Blog” ng Saranggola Blog Awards 4.

Saranggola Blog Awards

          Ang Saranggola Blog Awards 4 ay hatid ng mga sumusunod:

DMCI Homes

Mobeeu

TARAGIS