Alaala ng Kamusmusan

*************

Sadyang walang permanenteng bagay sa mundo,

Maging ang mga ninanais man ay talagang marubdob,

Asahan mong may mga di pagkakaloob;

Pero bakit pati ang tahanang aking ginusto,

Kinailangang mawala at tuluyang maglaho.

 

Oo, ako’y may kutsarang ginto,

Mga damit at gamit ay madalas na bago,

Ngunit tila puzzle yaring pagkatao,

Na di mabuo-buo dahil sa nawawalang piraso.

 

Si ina at si ama, pinagbuklod ng simbahan;

Sa kanilang pagsasama, ako’y isinilang;

Masasayang sandali’y aking bilang na bilang

Mas tumatak pa sa isipan, masasalimuot nilang hidwaan.

 

Away dito, hagis roon;

Sigawan kanina, iyakan ngayon;

Kaya isang umaga, pagmulat yaring mga mata,

Ni isang gamit o anino ni Papa,

Anumang pilit kong hanap,

Wala akong nahagilap.

 Umalis si ama, sa ibang babae sumama,

Ako at si ina, tuluyan niyang iniwan;

San mali si Mama, saan siya nagkulang?

Bakit siya ang talunan, bakit siya ang luhaan?

Mga palaisipang hanap ay kasagutan ,

Paano ko nga ba malalaman,

Nang abang ina ko’y matulungan.

 

Lumipas ang panahon, tuluyan kong napagtanto,

Na may mga tao, na sadyang marupok;

Kahit nakatali na sa kanyang sinisinta,

At mga anak ay di na mabilang-bilang,

Bubukbukin pa rin ng anay, ang haligi ng tahanan;

Pipilii’y tawag ng laman, at ibang layaw sa katawan;

At iiwan ang tahanan, na tila may bagyong sumalanta.

 

Mula sa pagkakamali ng nakaraan, marami akong natutunan :

Bilang isang lalaki, ako’y magiging matatag,

Sa anumang tukso, di ako patitinag;

Bilang isang haligi, ako’y magiging tapat,

Sa aking magiging anak at kabiyak, kahit milya man ang agwat;

Bilang ama, responsibilidad ang una!

Prayoridad ang pamilya bago ang sinuman;

Pagkat ang pamilyang ninanais ko’y buo,

Walang labis, at lalong walang kulang,

Isang pamilyang matatawag na tahanan,

Na di katulad ng nakagisnan, mula sa aking kamusmusan.

*********************************************************

Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Tula” ng Saranggola Blog Awards 5



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:
A) Bertdey ni Butchoy (SBA 2013 Entry: Kwentong Pambata)
B) Sa Tatlong Anghel ng Buhay ko  (SBA 2013 Entry: Sanaysay)
C) Tahan na,  Nene (SBA 2013 Entry: Maikling Kwento)
Sana suportahan nyo ako at maraming salamat . 🙂


 NAIS KO RIN PONG PASALAMATAN ANG MGA SPONSORS:

 

Advertisements
Published in: on October 14, 2013 at 4:07 am  Comments (4)  
Tags: , , ,

Himig ng Manlalakbay

Isa lamang akong manlalakbay ng ating inang bayan,

Dito sa lupang kinagisnan ay aking nasilayan,

Ang mala-kalabaw na kasipagan

Mula sa ating mga kababayan,

Yan ay mababakas sa ating hagdang-hagdan palayan.

 

Halina’t makisaya sa lalawigan ng Aklan

Sa pista ng Santo Niño kasama ang Ati-Atihan;

Mala-ulap na kaputian ng buhangin

At mala-kristal na tubig yaring karagatan

Dito yan sa Boracay, iyong matatagpuan.

 

Ihanda na ang dyaket at tayo’y humayo

Sapagkat hindi biro ang lamig sa Baguio,

Tunghayan ang pagtatanghal ng mga sundalo

Mula sa mga kadete ng akademyo.

 

Purihin ang Panginoon sa likas na ganda ng Mayon

Tila apa ng sorbetes ang hugis na ‘di yumayaon

Ganap na kalikasan ng Bicol ay sadyang “magayon”

Bundok dito, burol doon; Puno dito, dagat doon.

 

Isama na ang barkada sa kalakhang Maynila,

At doon sa Luneta ay mag-gala-gala;

Pagmasdan ang kasaysayan at kagitingan

Mga bayaning lumaban alang-alang sa kalayaan.

 

Mga salita’y kulang upang bayan ko’y ilarawan

Taglay nitong yumi at halina,

 sa Luzon pa lang ika’y mamamangha na,

Ilibot man yaring mga mata hanggang katimugan,

Maibubulalas mong “Ang ganda ng Pilipinas!”



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:

A)  Ako si Nina, Laking Laguna (Freestyle Blog)

B) Ang Aking Mr. Right (Maikling Kwento)

C) Madyik Sapatos (Kwentong Pambata)

Salamat po sa inyong suporta. 🙂



Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Tula” ng Saranggola Blog Awards 4.

Saranggola Blog Awards

Ang Saranggola Blog Awards 4 ay hatid ng mga sumusunod:

DMCI Homes

Mobeeu

TARAGIS

Teddy Bear ko

Sa pagmulat yaring mga mata,

Di ko man inaasahan

Ikaw ang unang nasisilayan;

Di man ako batiin,

O kahit di mo bigyang-pansin,

Hatid mo pa rin sa akin

Ang ngiting walang kasing tamis.


Araw man o gabi,

Umulan man o hindi,

Di pwedeng di makita,

Di maaring di mayakap,

Pagkat ikaw lang nagpapadama

Ng kasiyahang ako man ay di ko maipaliwanag.


Teddy bear ko

Wag ka sanang magtampo

Kung ako man ay hindi makasama

At lahat ng oras ko sa’yo ay mailaan;

May mga dapat pa kong gawin,

Mga bagay na dapat unahin,

Hayaan mo ako’y babawi

Please muli ka ng ngumiti,

Para kacute-tan mo’y hindi na mabawasan.


O Teddy bear,

Sa tuwing ako’y uuwi,

Ikaw lang ang laruan

Aking hanap-hanap;

At iyong pagkatandaan,

Ika’y aking aalagaan

Magkaroon man ng iba

Mananatili ka sa akin

Di lang bilang laruan,

Kundi isang kaibigan,

Kahit ika’y isang teddy bear lamang.



Published in: on October 15, 2011 at 12:30 pm  Comments (1)  
Tags: , , ,

Ako at Ikaw, Tayo Na! Para sa Bukas Natin at ni Inang Kalikasan



 

Ang Hinahanap ng Lumbay kong Puso

 

Ako ay humimlay

Sa ilalim ng mga bituin,

Habang sa mundo ng panaginip

Naglalakbay ang isipan.

 

Puso ko’y nais makisayaw

Sa mga hayop at ibon ay makiulayaw;

Katawan ko’y gustong lumipad,

Kahit saan mang lupalop mapadpad;

Layungin at sisirin ang dagat

Hanggang sa ang araw ay sumikat

Di maaalintana ang pagod at panghihina

Sa mundong aking tirahan

Pagkat ang ganda ng kalikasan

Sa akin ay nagbibigay rin ng kalakasan.

 

Sa pagmulat ng mata,

Ako ay biglang lumuha

Pangarap na lang pala

Ang lahat ng tinuran

Tirahan ko’y wala na

Huli na ng aking nalaman.

 

Lahat ay aking gagawin

Magbalik lang ang dati,

Sana’y muling maramdaman

Ang magkaroon ng tirahan

Tulad ng paraiso nina Eba at Adan

At nang magkaroon ng katuparan

Ang nasa kalooban.

 



 

Ang Hinanakit ni Ina

 

Ako’y isang dilag na sakdal rikit,

Ni isang kapintasa’y walang masasambit;

Lahat humahanga, lahat napapanganga

Kapag kanila nang namalas taglay kong kagandahan.

 

Lahat na ng tao ay nakasalamuha,

Anuman ang naisin,

Pagkain man o inumin,

Kasuotan man o tirahan,

Pag aking ibinigay

Sa mga mata ko’y bakas ang ligaya.

 

Pero sa paglipas ng panahon,

Kasalukuyang ako’y di na tulad ng noon;

Dilag na hinangaan,

Ngayon ay di na nakikilala;

Matapos abusuhin, ako’y winasak pa

Ng mga taong aking tinulungan;

Sila na dapat sana sa akin ay magyayaman,

Di ko inaasahan

Masama pala ang mapapala.

 

Bakit, o bakit?

Bakit ako ginanito?

Matapos ang lahat,

Ito pa ang natamo;

San nga ba nagkamali,

Ako nga ba’y nagkulang?

Matapos nilang makinabang,

Ginawa pang basahan!

 

Ako’y nakikiusap at nagmamakaawa

Na sana sa abang lingkod

Sila naman ay mahabag;

Dahil sa oras na hindi na kayanin

Sapin-sapin na pasakit,

Baka ang lahat ay akin ng ipagkait;

Kaya’t habang maaga pa

Kayo ay gumawa ng paraan

Nang ang lupit ko ay hindi na matikman.

 



 

Tayo ng Gumising Para sa Isang Bukas

 

Marami ng taon ang mabilis na nagdaan,

Henerasyon at gobyerno’y nagpapalit-palit na,

Ngunit imbis na bumuti, lalo pa atang lumubha

Ang dati ng kalagayan ni Inang Kalikasan.

 

Noo’y iilan lang ang mga gusali’t kabahayan,

Ngayon ay dumami at wala ng paglagyan;

Usok at iba pa, sa hangin ay humalo na

Subukan mang langhapin ay mauubo ka na;

Ang mga katubigan na dati’y nilalanguyan

Ngayo’y kaunti na, ang iba’y kulay uling na,

Gutom at uhaw di na kayang pawiin

Pero ang yaring buhay, kaya ng bawiin;

Mga pagbabagong hindi naging mainam,

Tayong lahat ang syang may kasalanan.

 

Tayo’y may mata, ating ng imulat;

May kamay at paa, ating ikilos na;

Huwag ng antayin na pagsabihan pa

Ating ng tulungan si Inang Kalikasan,

Kung magsasayang pa ng oras,

Baka wala ng bukas

At tayo’y mauwi sa napipintong wakas.

 



 

Published in: on October 15, 2010 at 1:39 pm  Leave a Comment  
Tags: , , , , ,