Sa Tatlong Anghel ng Buhay ko

CYMERA_20131014_093727-horz

             Hello sa tatlong pogi kong kapatid! Hindi ko alam kung kailan nyo mababasa ang sulat na ito. Batid ko rin na hindi nyo maiintindihan sa ngayon kung anuman ang nilalaman ng liham na ito kahit basahin ko ito sa  inyong tatlo. Syempre, mga bata pa kayo. Pero sa takdang oras na mabasa nyo ang liham na ito, sana malaman at maunawaan nyo ang gusto kong iparating – kung gaano kayo kahalaga sa akin at kung gaano ko kayo kamahal.  

            Nang dumating kayo sa pamilyang ito, mula sa iyo Lance, naisip ko noon na parang tatanda akong dalaga. Kasi naisip ko na sa paglaki nyo, kailangan matustusan ang mga pangangailangan ninyo lalo na pagdating sa pag-aaral. Gusto ko, bago ako mag-asawa, kahit paano’y patapos na kayo ng kolehiyo para di na gaanong mag-alala sina Mama at Papa. Gusto kong maging maganda ang bukas nyo. Alam ko matagal pa yun bago mangyari pero sana nga lang magawa ko ang responsibilidad na iyon sa kabila ng mga problemang hinaharap natin.

            Pagpasensyahan nyo na rin ang ate nyo kung para akong nagiging “stage mother” dahil alam ko na magagaling kayong mga kapatid ko. Gusto kong kayo ang maging best kaya ginagawa ko ang makakaya ko para tulungan kayo, syempre sa tulong na rin ni Mama at ng mga ate nyo. Inaalalayan namin kayo para di kayo maligaw. Gusto ko makapag-aral kayo ng wala kayong problema (para di kayo matulad sa akin na di nakatapos).

            Lance, pagpasensyahan mo na si Ate kung napapagalitan o napapalo kita. Sana maintindihan mo na ayokong i-tolerate yung ginagawa mong mali o kakulitan. Gusto kong mapabuti ka, at matuto ng mabubuting asal na dadalhin mo sa iyong paglaki. Ganoon din sa’yo Dash. Hmm… sana alam nyo na para rin sa ikakabuti nyo ang ginagawa ko.

            Namimiss ko ang pagdala sa inyo Lance at Dash sa mall. Namamasyal, nakain, at naglalaro pa tayo ng mga games. Natutuwa akong makita na masaya kayo at nag-eenjoy sa pamamasyal. Kinukuhaan ko kayo ng pictures o videos para kahit paano, may memories na maitatago. Minsan kasi, mas inuuna ko pa ang trabaho o gala kaysa sa inyo. Kaya nga pag may pagkakataon, nilulubos-lubos ko na. Kahit paano, napupunan ko ang mga oras na wala ako.

            Bebe Axel, ang aming bunso – ang batang lubhang nagpaiyak sa akin. Alam mo ba, halos di ko na alam ang gagawin nung araw na ipinanganak ka ni Mama sa bahay at  nalagay ka sa alanganin. Kala ko hindi ka na namin makakasama. Walang tigil sa pagdugo yung pusod mo noon. Sabi ni Mama, premature ka raw. Takot na takot ako noon kapag ipinipikit mo ang mga mata mo. Baka kasi hindi ulit magmulat yung mga mata. Kaya pinipilit kita gisingin. Minsan pa nga, minamouth-to-mouth ka na namin ni Mama ng mga oras na iyon kasi baka di ka na nakakahinga.

           Iyak ako ng iyak noon habang naghahanap ng tulong. Ayokong tanggapin na lang ang sinasabi ni Mama noon: “Kung di talaga siya para sa atin, wala tayong magagawa. Ilalagay na lang natin siya sa kahon kung sakaling di na natin sya makakasama pa.” Hindi pwede. Ayoko. Oo, hindi ako Diyos para magdesisyon at huwag pumayag na ganoon ang mangyayari. Pero ayokong sumuko ng walang ginagawa. Mas madali nga naman sa pamilya natin pag ganoon ang nangyari kasi ikaw na ang pang-siyam na supling. Ganumpaman, mas nanaisin ko na mabuhay ka at madadagdagan ang papasanin kong hirap sa pamilya natin. Dahil kapatid kita, at gusto ka namin makasama. Sinikap kong lapitan ang lahat ng kakilala ko. Hanggang sa may tumulong at nakakuha ako ng komadrona na umayos ng problema mo sa pusod. Abot langit ang pasasalamat ko ng mga oras na iyon. At sinabi ko sa sarili ko na gagawin kong lahat para sa’yo.

            Bebe,pagpasensyahan mo na si Ate kung masyadong busy. Kailangan kasi magtrabaho para sa gatas mo at iba pang kailangan sa bahay. Oo, di kita masyadong nakakasama at naaalagaan pero bumabawi naman ako sa day off ko. Nangangawit nga lang ang braso ko pag lagi kitang buhat. Sana lang huwag mo ibato lagi ang cellphone ko pag pinapahiram kita. Baka pati mga pictures mo, mawala at mawalan din ako ng contact sa inyo.                                

            Sa inyong tatlo, pag nagkakasakit kayo, di ako mapakali. Oo, Ate lang ako o hindi ako si Mama. Pero wala akong pakelam kahit maubos yung allowance ko sa mga check-up, laboratory test at gamot basta masiguro ko lang na gumaling kayo. Kahit kakarating ko lang ng bahay at di pa nakakapagpalit ng damit, inuuna ko kayo. Dahil ayokong nahihirapan kayo. Parang nanghihina kasi ako pag ganoon.

            Ginagawa ko ang lahat ng mga makakaya ko. Nilalapitan ko ang ibang tao, kahit ayoko para lang sa inyo. Handa kong lunukin ang pride ko para sa inyo. Kung may mga nagagawa man akong pagkakamali, di lang ito para sa kin kundi para rin sa inyo. Pasensya rin kung minsan bagsak na ang katawan ko para mabantayan kayo pag masama ang pakiramdam nyo. Minsan pagod napagod na ang katawan ko, at pati utak ko’y ganoon din. Mahirap kasi mag isip nang mag-isip para sa pamilyang ito. Pasensya na talaga kung di ko kayang maging si Darna. Andyan naman si Mama, darating na lang ako pag kailangan. Kung maaari nga lang na pagsabayin ko ang trabaho at pamilya. Yung tipong pwede ako mag-multiply ng sarili ko para nagagawa ko lahat ng dapat kong gawin.            

            Gusto ko, maayos kayo bago ko kayo iwanan. Hindi naman habang buhay ay makakasama nyo ako. Pero kung magkaganun man tandaan nyo na nandito lang ako. Lance, Dash, at Axel, sana paglaki nyo, maging mababait kayong mga bata. Huwag sana kayong maging pasaway. Tandaan nyo, dito lang si Ate. Isasakripisyo kong lahat, para lang sa inyo. At kung nasaan man akong lupalop, kayo ang magiging lakas ko – kayo ang prayoridad ko. Mahal na mahal ko kayong tatlo – at kailanman yun ay hindi na magbabago.

2013-06-16 12.07-horz

***********************************************************

Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Sanaysay” ng Saranggola Blog Awards 5



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:
A) Bertdey ni Butchoy (SBA 2013 Entry: Kwentong Pambata)
B) Tahan na,  Nene (SBA 2013 Entry: Maikling Kwento)
C) Alaala ng Kamusmusan (SBA 2013 Entry: Tula)
Sana suportahan nyo ako at maraming salamat . 🙂


 NAIS KO RIN PONG PASALAMATAN ANG MGA SPONSORS:

 

Advertisements
Published in: on October 14, 2013 at 2:49 am  Comments (4)  
Tags: , , ,

Bertdey ni Butchoy

“Yehey! Mama, Papa, bertdey ko na!” sigaw ni Butchoy habang nagmamadaling maglakad papunta sa kusina.

“Butchoy, dahan-dahan ka lang, yung paa mo,” sabi ni Aling Cel.

Lumapit si Mang Daniel sa bunsong anak, “Choy, ilang taon ka na ngayon?”

Inipit ni Butchoy ang isang saklay sa kanyang kaliwang braso at inangat ang 2 kamay. Ipinakita niya ang anim na daliri. “Papa, six na ko !” Pagkababa ng mga kamay, tumingin siya sa ama. “Papa, may cake po ba ako?”

Tumingin si Mang Daniel sa asawa. Napalingon naman si Aling Cel sa anak. “Choy, spaghetti na lang ni Aling Pacing sa tindahan yung handa natin tapos fried chicken.”

Biglang lumungkot ang mukha ni Butchoy. “Wala pong cake?”

“Choy, mahal ang cake, eh. Saka wala pa si Ate mo,” sabi ng tatay niya habang hinahaplos-haplos ang ulo ng anak.

“Ok po, Papa. Papasok na ko ng skul. Babay po!” humalik muna siya sa pisngi ng ama at hinalika din ang ina na di kalayuan sa kanila. “Babay, Mama!”

“Kain ka muna, Buchoy.”

“Humingi na ko ng pandesal kay Kuya Eben po.”

“Sige, ingat ka, ah. Dahan-dahan sa skul.”

“Opo,” sabi ni Butchoy at umalis na.

Sinundan lang ng tingin ni Mang Daniel ang naglalakad na anak. Bunso sa apat na anak nila si Butchoy. Dahil sa aksidenteng nangyari, nakasaklay na ang mabait nilang bunso. Kinder pa lang si Butchoy dahil ayaw nilang mapwersa ang anak sa pag-aaral. Buti malapit lang sa bahay nila ang skul ng anak.

“Cel, agahan ko ang uwi mamaya. Ako na bibili ng spaghetti diyan kay Aling Pacing. Tapos babale ako kay boss mamaya.”

“Sige, kahit mga apat na raan lang. Pambaon at pamasahe nung dalawang high school mo. Sa Sabado pa raw kasi ang uwi ni Ana”.

“Di ko alam, Cel. Alam mo naman si boss, medyo makunat. Pero titingnan ko, ah.”

“Okey lang, Daniel. Kukuha ako ng labada diyan sa kabila para maibili man lang ng bagong tsinelas si Butchoy. Kawawa naman ang anak mo, pudpod na ang tsinelas.”

“Cel, sana maka-recover na anak mo. Sana, ako na lang ang napilayan at hindi siya.”

“Wag mong sabihin yan Daniel. Walang may gusto sa pangyayaring iyon. May awa ang Diyos. Gagaling din siya.” Niyakap ni Cel ang asawa na noo’y nakatayo pa rin sa kanilang pintuan.

“Yung sahod ni Ana, pambayad lang sa bahay at kuryente. Yung kinikita ko naman, pambayad lang sa tindahan at mga utang. Cel, ang hirap. Buti andyan ang mga anak natin. Lalo na si Butchoy. Sila na lang ang iniisip ko kaya pinipilit ko pa rin magsumikap. Pinilit kong tigilan ang mga bisyo ko, ang paninigarilyo at pag-inom ko ng alak para sa kanila. Kasi…” sambit ni Mang Daniel na bakas ang hirap sa boses.

“Kasi mahal mo sila at ayaw mo silang nahihirapan. At para sa akin, sapat na iyon Daniel.”

“Salamat, Cel. Mahal na mahal ko kayo. Ay ! Malapit na nga pala mag-alas otso. Sige aalis na ko,” at hinalikan niya ang asawa sa may pisngi.

 Sa skul ni Butchoy.

“Butchoy pilay!” tawag ng bata habang nagsusulat si Butchoy. Hindi kumibo o lumingon si Butchoy.

“Pilay!” tawag pa ng isa. “Bingi ka ba, pilay?”

Tumigil ang kamay ni Butchoy sapagsusulat. “Isusumbong ko kayo kay titser. Salbahe kayo. Hindi ko naman kayo inaaway, ah.”

“Pilay ka kasi. Hahaha!” at nagtawanan na ang mga bata na nasa clasroom. Napaiyak na lang si Butchoy. Gusto niya na hampasin ang mga bata  ng  saklay niya pero alam niya na masama yun.

“Magsitigil na kayo mga bata.” Napatigil ang mga bata. Dumating na pala ang titser nila na lumabas lang saglit. “Hindi maganda ang ginagawa nyong ‘yan. Ganyan ba ang turo ng mga magulang ninyo sa inyo?”

Yumuko ang mga bata at umiling. “Hindi po, mam.”

“Hindi pala, eh. Paano kung kayo ang naging pilay? Gusto n’yo bang ganyan din ang gawin sa inyo?” tanong  ng guro habang tinitingnan ang mga bata.

“ Hindi po,” muling sagot ng mga bata.

“Ok, mabuti naman. Anong sasabihin nyo ngayon kay Butchoy?”

“Sorry, Butchoy,” sabay-sabay na sabi ng mga kaklase.

Lumapit ang unang batang nang-asar, “Butchoy, sorry ah.”

“Okey lang. Sana wag mo na ulitin,” sabi ni Butchoy na may luha pa rin sa mga mata.

“Oo, Butchoy.”

“Mabuti naman at nagkabati na kayo. Mga bata, nga pala, birthday ni Butchoy ngayon. Kantahan nyo siya ng happy birthday,” sabi ng guro. At kinantahan nga ng mga bata si Butchoy. Pagkatapos nilang kumanta’y naglabas ng spaghetti ang guro para sa recess ng mga bata. Nawala na ang lungkot sa mukha ni Butchoy. Masaya silang kumain at naglaro pagkatapos.

Nang mag-uwian na sina Butchoy, nakita niya sa labas ng room niya ang nanay niya. Inalalayan siya nito hanggang sa makarating sila sa pupuntahan. Inakala ni Butchoy na pauwi na sila, ngunit hindi pala. Nasa harapan na sila ng simbahan.

“Mama, hindi naman Linggo ngayon di ba?” pagtatakang tanong ng bata.

“Anak, birthday mo. Magpapasalamat tayo kay Lord sa lahat ng biyaya niya sa’yo ngayong taon na ito,” paliwanag ni Aling Cel.

“Okey, po,” at pumasok na sila ng simbahan. Pagkatapos nila magsimba, dumaan sila sa kanto para bumili ng fried chicken.  Anim na fried chicken ang binili ni Aling Cel. Dumaan din sila sa tindahan para bumili ng bigas. Nang makarating na sila sa bahay, andoon na si Mang Daniel na nakapaghain  na ng spaghetti na binili kina Aling Pacing.

“Wow, spaghetti! Salamat, Papa.”

“Eto pa anak.” Inilabas niya ang isang paper bag. “Para sa’yo, Butchoy. Regalo namin ni Mama.”

Dahan-dahang kinuha ng bata ang paper bag. Binuksan niya ito at natuwa sa laman. “Ay, Spiderman na tsinelas! Tenk you po.” At isinuot niya ang bagong tsinelas.

Maya-maya’y dumating na ang dalawang kuya ni Butchoy. “Choy, may surprise pa kami sa’yo,” sabi ng Kuya Alfred niya.

“Talaga? Ano po yun?” tanong niya sa mga kuya niya.

“Happy Birthday to you, happy birthday to you…” nilingon ni Butchoy ang pinanggagalingan ng boses na iyon sa may pinto. “Happy birthday, happy birthday… happy birthday Butchoy.”

“Ate Ana! Wow! Cake ko yan?” namimilog ang mata ni Butchoy habang nakatingin sa ate at cake na hawak nito.

“Syempre sa’yo. Tingnan mo, oh. Andito ang pangalan mo. Tapos, may number six na  kandila. O, hipan mo na yung kandila,” sabi ni Ana.

“Butchoy, wish ka muna. Sabihin mo sana may bago ka toys,” sabi ng Kuya Eben niya.

Lumapit si Butchoy sa cake at tinitigan ito. Chocolate cake, at nakasulat ang “Happy Birthday Butchoy!” sa ibabaw ng cake at may nakalagay na Ben 10 na design sa gilid nito. “Ayoko po ng toys! Pwede naman ako manghiram,eh!”

Lumapit at inakbayan pa siya ng isang kuya niya. “Wish ka na lang na sana, dumami baon mo, o kaya naman bagong damit”.

Umiling si Butchoy. “Kuya, ayoko rin nun.” Inantay ng lahat ang sagot ni Butchoy. “Sana po, hindi mahirapan sina Mama at Papa. Sana, di na ko pilay para di ako inaaway at inaasar. Sana, nakakatakbo na rin ako para makipaghabulan kina kuya. Sana po, lagi tayo magkakasama.”  At hinipan niya na ang kandila na nasa cake.

Naluha si Aling Cel sa sinabi ng anak at niyakap ito. “Butchoy, anak, mahal na mahal ka namin kahit pilay ka man , bulag o pangit ka pa.”

Sumimangot si Butchoy. “Mama, di ako pangit. Pogi kaya ako. Di ba, Papa?”

Napangiti si Mang Daniel. “Oo, naman. Pogi ka,Butchoy. Mana ka sa akin,eh.” Lumapit si Mang Daniel sa mag-ina at niyakap angmga ito.

“Labyu, Mama. Labyu, Papa.” Tumingin siya sa ate niya habang yakap siya ng mga magulang. “Labyu, Ate Ana. Saka tenk you sa cake.”

Naluha naman si Ana. “Kaw pa, bunso ka namin. Kaya nga ako umuwi kasi birthday mo,  at dinala ko yung promise kong  cake.”

“Paano naman kami ?” sabi ni Eben.

“Syempre, lab ko rin kayo mga kuya.”

“Sya, tama na nga yan.” Tumayo si  Mang Daniel. “Kumain na tayo. Happy Birthday ulit, Butchoy.”

Sa murang edad ni Butchoy, alam niya na mahal siya ng pamilya niya. At mahal niya rin ang mga ito. Naisip niya rin na parang pansamantalang bahay niya ang skul kung saan ang mga kaklase niya ay parang kapatid niya at ang titser nya ay parang nanay. Pero, wala pa ring papalit sa tahanang kinabibilangan niya na kasama niya ay ang kanyang buong pamilya.

***********************************************************

Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Kwentong Pambata” ng Saranggola Blog Awards 5



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:
A) Tahan na,  Nene (SBA 2013 Entry: Maikling Kwento)
B) Sa Tatlong Anghel ng Buhay ko  (SBA 2013 Entry: Sanaysay)
C) Alaala ng Kamusmusan (SBA 2013 Entry: Tula)
Sana suportahan nyo ako at maraming salamat . 🙂


 NAIS KO RIN PONG PASALAMATAN ANG MGA SPONSORS:

 

Published in: on October 14, 2013 at 12:53 am  Comments (2)  
Tags: , , , ,