Tony Pakelamero

 

“Ate! Bakit di ako makapagfacebook? Tama naman ang nilagay ko,” sabi ng batang nagnenet.

“Baka mali lang yung itinaype mo sa password o email mo,” sagot ng ate niya.

“Hindi, eh. Kanina pa nga ko paulit-ulit ng lagay eh.”

“Sige, tingnan ko nga. Ano ba password mo?”

Binigay ng bata ang password. Sinubukan ng ate niya yung password pero ayaw. “Wala, Junjun. Baka nahack na yung account mo.”

“Hay, sayang naman yung account ko. Dami ko pa naman friends at games,” malungkot na sabi ni Junjun.

“Ganun talaga. Subukan  mo na lang mag-games. Sayang yung hulog mo. O kaya umuwi ka muna.”

“Sige, ate. Mag-games na muna ako.”

Habang naglalaro naman ang dalawa, tumayo naman ang isa pang bata at pumunta sa mesa kung san nagpapalit na piso. “Tao po! Aling Annie?”

Lumabas naman si Aling Annie. “Bakit, Joshua?”

“Aling Annie, kilala niyo po ba kung sino po yung umupo kahapon pagkatapos ko po maglaro?”

“Hindi, eh. Marami kasi akong ginagawa kahapon. Bakit?”

“Hindi po kasi ako nakapaglog-out kahapon. Ayun, may gumalaw po ng account ko. Pinagmumura po yung mga kakilala ko. Tapos kung ano pa po nilagay sa facebook ko.”

“Pasensya ka na, toy. Di natin malalaman kung sino ang gumawa niyan,” sabi ni Aling Annie.

Biglang lumabas ang sampung taong gulang na anak ni Aling Annie. “Ma, magreresearch po ako sa kompyuter.”

“Sige anak. Nga pala, nakita mo ba sino naglaro pagkatapos ng batang ito kahapon? May nakelam kasi ng facebook niya.”

“Hindi ko po alam. Baka po yung mga kasama niya siguro kahapon,” tanggi ni Tony at sinimulan niya na ang pagkokompyuter. Bumalik naman ang bata sa kinauupuan niya habang tinuloy naman ni Aling Annie ang pagluluto.

Nang masiguro ni Tony na wala ng nakatingin, nagbukas siya ng facebook. Pero, facebook pala ni Junjun ang binubuksan niya.

“Ayos! May bagong account na naman ako. Akin na ang facebook mo Junjun,” sabi niya sa sarili. Habang tinitingnan niya ang facebook ni Junjun, tiningnan niya si Totoy na kasalukuyang naglalaro sa pisonet nila.

“Kawawa ka naman, Joshua! Buti nga sa’yo. Hahaha! Nakaganti na rin ako sa’yo. Hindi ka kasi naglog-out. Hahaha!” sa isip isip ni Tony.

Walang kaalam-alam ang mga bata na ang taong nakekelam sa mga facebook nila sa pisonet ay walang iba kung hindi si Tony.

            Ganito palagi ang ginagawa ni Tony. Minsan, pag nakita niya na hindi nakapaglog-out o nakita niya ang ginagamit na password ng mga nagpipisonet, pinapakelaman niya ito at ginagawa kung anong magustuhan niya. Hindi rin ito alam ni Aling Annie dahil marami rin siyang ginagawa at si Tony ang pinagbabantay niya.

 Isang hapon. Nagpaikot-ikot si Tony sa pisonet nila tulad ng lagi niyang ginagawa. At gaya ng inaasahan niya, may batang hindi na naman naglog-out. Bigla itong umalis na para bang nagmamadali. Umupo siya sa pwesto ng bata at naghulog ng piso. Hindi niya nakita ang password ng bata kaya pinagtripan na lang niya ang facebook nito. Nagpost siya ng kung anu-anong larawan sa wall ng bata. Post dito, post doon sa ibang kaibigan ng bata. Pinag-aasar niya pa yung iba – bakla, pangit, badyao at kung anu-ano pang masasakit na salita ang sinend niya sa mga naka-online na kakilala ng bata.

Kinabukasan, may nasalubong si Tony habang naglalakad na pauwi ng bahay nila.

“Hoy, Tony!” sigaw ni Joshua. Madaming kasama si Joshua at halos lahat sa kanila ay namumukhaan niya. Yun ang mga batang naglalaro sa pisonet nila.

“Bakit? Ano ba kelangan mo?” tanong niya kay Joshua.

Lumapit si Joshua at hinawakan ang kwelyo ng polo ni Tony. “Wag ka ng magmaang-maangan pa. Alam na naming kung anong ginagawa mo sa mga facebook ng mga naglalaro sa pisonet nyo – Tony pakilamero”

“Bitiwan mo ko! Wala akong alam sa sinasabi mo!” sigaw ni Tony. At bigla siyang sinuntok ng batang lalaki sa kaliwang pisngi niya.

“Anong wala? Nakita ka namin kahapon.  Totoy, lumapit ka dito!” sigaw ni Joshua. Lumabas ang batang nakita niya kahapon. “Hindi mo ba siya namumukhaan?”

“Malay ko ba? Hindi ko naman siya kilala,” pagsisinungaling niya. “Bitiwan mo na ko.”

“Ako yung batang nagmamadali kahapon. Sinadya kong iwanang bukas yung facebook ko para makita namin kung sino ang makikialam. At nakita namin kung anong ginawa mo,” kwento ni Totoy. “Ang sama mo! Pati mga kamag-anak ko, nilait mo!”

“Kitams? At marami kaming nakakita. Ngayon, magsisinungaling ka pa?” sabi ni Joshua.

Umiyak si Tony. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi aminin ang ginawa niya. “Oo, na. Aaminin ko na. Ako ang nakikiaalam ng facebook nyo. Patawarin nyo na ko. Hinding-hindi na mauulit. Pramis!”

“Wala ng magagawa ang sori mo,” sigaw ng isang bata.

“Oo, nga. Bugbugin na yang pakelamerong yan!” dagdag pa ng isa.           

“Wag! Sige na. Sori na nga, eh,” pakiusap niya. Pero mukhang di na mapipigilan ang mga bata na inihahanda na ang mga kamao upang bugbugin siya.

“Lord, tulungan nyo ko. Pinapangako ko, hindi na po ako uulit,” dasal niya. Pumikit si Tony at inantay na lang ang mangyayari.

“Mga bata! Anong ginagawa nyo dyan? Magsi-uwi na kayo!”

Nagsitakbuhan ang mga bata maliban kay Joshua. “Joshua! Sasama ka sa kin sa guidance. Bitiwan mo na yang batang yan.”

Hindi pa rin binibitiwan ni Joshua ang polo. Lumapit ang guro at tinanggal ang kamay ng bata sa polo ni Tony. Pareho niyang dinala ang dalawang bata sa guidance office.

Sa guidance office, hindi nagsasalita ang dalawang bata kaya minabuti ng guro na ipatawag ang mga magulang nila. Unang dumating si Aling Annie.

“Mam, ano pong nangyari?” Tiningnan niya si Tony. Nakita niyang may pasa ang mukha nito. “Sino ang may gawa sa’yo niyan, anak?”

“Si Joshua po.” Itinuro niya ang batang kaharap niya.

“Teka, kaw yung bata nung isang araw. Bakit mo sinuntok ang anak ko?”

“Si Tony po kasi. Siya po yung nakekelam ng facebook ng mga naglalaro sa pisonet nyo Aling Annie. Nakita po namin siya kahapon,” sabi ni Joshua habang nakayuko. “Galit na galit ako sa kanya kaya ko po siya sinuntok.”

“Misis, nakita po ng isa sa mga guro namin na maraming batang nakapalibot sa kanya. Kukuyugin na ata siya. Sa tingin ko po’y may atraso ang anak nyo sa lahat ng batang ‘yon,” sabi ng guidance councilor.

“Tony, tumingin ka sa kin. Totoo ba ang sinsabi ng batang ito?” tanong ng nanay niya.

Tumango lang si Tony. “Anak, ano naman mamapala mo kapag pinakelaman mo ang facebook ng iba? Masaya ka bang magpost ng kung anu-ano? At ano napala mo? Ayan!” Tinuro nito ang nasa mukha niya. “Magpasalamat ka na lang at yan lang ang inabot mo.”

“Sori po, Ma.”

“Wag ka sa kin mag-sori. Dun ka sa mga batang naagrabyado mo humingi ng tawad. Hindi biro ang ginawa mo sa kanila. Hindi mo ba naisip ang sasabihin o gagawin ng mga taong kakilala nila? Anak, naiintindihan mo ba kung ano sinasabi ko?” sermon ni Aling Annie

“Opo.” Tiningnan niya si Joshua. “Joshua, pasensya na. Hindi ko na talaga uulitin. Sana mapatawad mo na ko.” Hindi sumagot ang bata.

“Misis, wag na po kayo mag-aalala. Bibigyan po namin ng disciplinary action ang batang ito at kakausapin din namin ang magulang niya. Mahigpit namin ipinagbabawal ang pang-bubully dito sa eskwalahan.”

“Mam, ano pong gagawin nyo sa kanya?” tanong ni Tony.

“Baka isuspende namin siya ng ilang araw,” sagot ng guro.

“Wag na po, mam. Ako po ang may kasalanan. Ako na lang po ang parusahan nyo. Kahit maglinis po ako ng skul, ayos lang po,” pakiusap niya.

Napatingin sa kanya si Joshua. “Ayos lang, Tony. Wag mo ng gawin yun. Basta humingi ka na lang ng tawad sa iba.”

“Misis, mukhang maayos na ang dalawang batang ito. Pero kailangan pa rin natin sila bigyan ng parusa. At Tony, may kasalanan ka rin, pareho kayong maglilinis ng gym sa loob ng tatlong araw. Sana di na ito maulit pa.”

“Opo, Mam!” sagot ng dalawang bata.

 Nalaman ni Tony ang kahalagahan ng respeto sa iba at ang tunay na paggamit ng facebook. Kaya magmula noon ay hindi na nakelam si Tony ng facebook ng iba. Maliban lamang kung nagpapatulong sa kanya. Humingi rin siya ng tawad sa iba pa at di rin nagtagal ay naging kaibigan niya ang mga ito lalo na ang batang si Joshua – ang bago niyang bespren.

 

***********************************************************

Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Kwentong Pambata” ng Saranggola Blog Awards 6



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:
A) Ang Love Story Ko (SBA 2014 Entry: Maikling Kwento)
B) Wikang Filipino: Wikang Sariling Atin (SBA 2014 Entry: Tula)
Sana suportahan nyo ako at maraming salamat .🙂


 NAIS KO RIN PONG PASALAMATAN ANG MGA SPONSORS:

 

The URI to TrackBack this entry is: https://princessnins.wordpress.com/2014/11/15/tony-pakelamero/trackback/

RSS feed for comments on this post.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: