Ang Love Story Ko

 

Konti pang lip shiner, konting ayos ng kilay, lagay ng blush-on, ikot sa harap ng salamin at tadaaa! Ready ng rumampa.  “Hay, ang ganda ganda ko talaga!” sabi ko sa sarili ko habang nakangiti sa harap ng salamin.

“Girls, san ba ang gala natin?” tanong ko sa mga kaklase kong si Jazmin at Grace na abalang-abala din sa pagpapaganda ng mga sarili.  Kailangan naming mag-unwind kasi kakatapos lang ng nakakastress na midterm exams namin.

“Pass muna ko ‘be, susunduin ako ni Raven mamaya.” sabi ni Jazmin habang pinupunasan niya ang lagpas na lipstick sa labi niya.

“Ako din Ji, nakalimutan mo na ba? Monthsary namin ngayon? Ayieee! Excited na ko. Magmomovie date kami ni Fafa Neil!” bulalas ni Grace habang nagtatalon sa tuwa.

Sinimangutan ko lang siya , “O? Tapos Bibigyan ka ng bulaklak tapos gagala kayo sa park? Korni naman. Gasgas masyado.”

“Yan ka na naman, imbis na pinupulaan mo yung boypren ko, bakit hindi ka na lang humanap ng lovelife?” sagot sakin ni Grace. Umirap lang ako.

“Nako, Ateng, imposibleng magkaroon ng kalove team yan e puro characters sa wattpad ang pinapantansya nyang lokaret na yan,” singit ni Jazmin. “Mukha yang si “the one” o kaya naman “prince charming” na perpekto, as if they exist.”

“Oo, nag-eexist sila noh!”

“Di nga? May kilala ka?”  at tinaasan ako ng kilay ni Jazmin.

“Oo.”

“Sino naman ang prince charming na yan, aber?”

“Si ano…” Hmm.. Napa-isip ako dun, ah. “Si… Si James Mendez!”

“Si James? Yung hunk na team captain ng basketball team? Yung playboy at suplado?” As if naman na mapapansin ka niya tsaka di nagseseryoso sa babae yun.” Paglalahad ni Jazmin na parang alam niya ang lahat ng mga kaganapan sa university.

“Oy, mga palaka kayo! Wag nga kayong mga kontrabida! Bakit? Imposible ba yun? Na mapansin nya ako kahit sikat sya tapos ordinaryo lang ako. Tapos mafa-fall in love sya sakin, tapos magseseryoso na siya kagaya nung… “

“Kagaya nung nabasa mo na naman?” sabay nilang sabi.

“Ah, basta dadating yung panahon na mapapatunayan ko sa inyo yan,” sabi ko habang inaayos ang gamit sa shoulder bag ko. Ok na lahat. Isinakbit ko na ang bag ko at lumabas na kami ng CR.

“Sorry girls ha, pero mauuna na ako. Kanina pa naghihintay si Raven labas, baka mainis sa’kin pag tinagalan ko pa. Bawi na lang ako sa inyo ha. Bye!” paalam ni Jazmin at hinalikan niya kami ni Grace sa pisngi.

“Ako din Ji, ingat ka ha” nagpaalam din si Grace sa akin at hinabol si Jazmin palabas ng school.

Iwanan ba ko? Hayyyy. Manunuod na nga lang ako ng praktis ni Papa James ko. Dumiretso ako sa gym at nakita ko syang nakaupo.Nagpupunas ng pawis. Aww. Tapos na yung praktis? Sayang naman. Umapir sya sa mga kasama niya at mukhang nagpapaalam na sa coach niya. Hay, paalis na siya. Nakakainis.

Ang tangkad niya, pawis na pawis pero gwapo pa rin at ang ganda ng katawan niya. Parang si Cross Sanford lang. Ang gwapo talaga. Teka, mukhang papunta siya sa direksyon ko. Nagsimula akong maglakad papunta sa kanya. Ginandahan ko lalo ang lakad ko tapos yung mukha ko pang-inosente. Mukhang nakatingin din siya sa akin. Ang ganda ng mga mata niya. Naiimagine ko tuloy siya na luluhod sa harap ko sa whitesand beach, habang may fireworks sa kalangitan at nagsasabing “Will you marry me Jiya?”

Blag!

 Aray! natapilok ako. Ang bobo ko naman sa harap pa niya ako nadapa! Nasabi ko sa sarili ko habang hinihimas ang paa ko.

“Okay ka lang? Di ka kasi tumitingin sa daanan mo,”  may naglahad ng kamay sa harap ko.  Ay, seems familiar. Parang nabasa ko na to. Tutulungan niya ko tapos itatanong niya pangalan ko tapos magiging close kami. Tapos main- love siya sa’kin. Grabe, ibang level na to. Di ako makapaniwala.

“Huy, Jiya ok ka lang?” Tumingin ako sa nagmamay-ari ng boses na iyon.

“Ha? Oo okay lang ako.” Napasimangot ako. Ayun si James naglalakad na palayo. So dinaanan nya lang pala ako. At yung kaharap ko ngayon, si Yuriko – kaklase ko sa Integral Calculus. Matalino, mahilig mag-aral, tahimik, yung itsura average lang din. Hindi ngumingiti, di din matropa. In short, malayong malayo sa katayuan ni James.

Inalalayan niya ako hanggang sa makatayo ako. “Sige na, kaya ko na. Salamat” malamig kong sabi. Eh kasi naman hindi naman siya ang inaasahan kong tutulong sakin. Si JAMES. Oo si JAMES!

“Sigurado ka?” sabi pa niya. Hay ang kulit naman nito. Pinagpagan ko ang uniform ko at naglakad. “Oh? See?” Pagkatapos ng dalawang hakbang kumirot ang bukong-bukong ko.  “Aw!”  Ang sakit. Naku naman.

“Kitams? Ang tigas kasi ng ulo.” Napakamot siya sa ulo niya. Inalalayan niya kong umupo at tinanggal ang sapatos ko. “Bakit kasi kailangan mo pa magheels? Ayan tuloy.” Napairap lang ako. Eh maliit nga ako. Paki nya. “Masakit ba?”

 “Ay, hinde. Nasarapan ako. Gusto mo ulitin ko pagkakatapilok ko ?” Bwisit tong Yuriko na to.

“Shh. Your sarcasm won’t help” sabi niya at sinakbit ang bagpack niya sa harap nya. Tumalikod sya sa kin. “Sakay!”

“Ha?”

“Pumasan ka sa likod ko at dadalhin kita sa clinic para magamot yang paa mo.”

“Ayoko!” pagmamatigas ko. “Sige na, di ko na kailangan yung tulong mo,” pagtataboy ko sa kanya.

“Ayaw mo? Ok. Bahala ka dyan. Di mo ba kailangan? Sige, next time wag ka ng magtatanong sa calculus, ha.”

“Oo na nga, sige na.” Kinuha nya yung bag ko at pumasan ako sa likod niya.

“Sasakay din pala, nagpapilit pa,” bumulong siya.

“Hoy! Ang yabang mo! Ibaba mo na nga ako!”

“Wag kang malikot, gusto mo bang madagdagan yung injury mo? Wag kang mag-alala malapit na tayo. Mas lalo kang bumibigat pag naglilikot ka.”

Wala akong nagawa kundi humawak sa balikat niya at tumahimik. Inpernes, ang bait din pala nitong si Yuriko kahit ang weird ng dating nya sa’kin. Ang tahi-tahimik niya kasi.

Nang dumating kami sa clinic, agad tiningnan at ginamot ng nars ang paa ko. Binilinan ako ng nars at umalis na kami.

 “Kamusta pakiramdam?” sabi niya.

“Eto, medyo ok na. Salamat Yuriko, sorry din kasi ang taray ko sayo kanina. Hihihi…” pagpapacute ko pa.

“Wala yun. Kesa naman sa pabayaan kita dun sa gym,” sagot niya sa’kin at pinunasan niya ng panyo ang eyeglasses niya.

“Ahm, Yuriko sasabay na ko sa’yo sa pag-uwi, pero punta muna tayong plasa.”

“Ha? Bakit naman? Gagala ka pa, hindi ka pa nga magaling.”

“Miryenda tayo, libre kita. Dali na!”

“Sige, pero saglit lang ha.” Ngumiti sya. Hus, akala ko magpapapilit pa siya.

Kwentuhan lang kami ng kwentuhan ng kung anu-ano hanggang makarating kami sa plasa. Papasok na ko sa isang fastfood chain pero hinila niya ko papunta sa hilera ng mga kariton na nagtitinda ng proben, kwek-kwek, mani, palamig at kung anu-anu pa. Kumuha siya ng dalawang mangkok na may plastic at binigay niya sa’kin yung isa.

“Ate, magkano po dito sa kwek-kwek?” tanong ko sa nagtitinda habang namimili ng ilalagay sa mangkok ko.  Bago pa sumagot yung babae ay inunahan na siya ni Yuriko.

“Hindi yan kwek-kwek, tokneneng yan. Dose ang isa nyan.”

Ha? Tokneneng? Sounds kadiri. “Kwek-kwek kaya to. Anong akala mo sa’kin, kahapon lang pinanganak?”

“Ganito yan.  Nakikita mo yung maliliit na yan?” sabay turo sa mini versions ng kwek-kwek. “Pag sinabing kwek-kwek pugo ang nasa loob. Pero pag itlog ng manok, tokneneng ang tawag dun.”

“Ahhh… ” Na-amaze lang ako sa sinabi niya. Hindi ko kasi alam yun.

“At alam mo ba, na ang isang itlog na manok ay katumbas ng dalawang itlog ng pugo?” dagdag pa niya.

“Owws, talaga?” Tumango lang siya. “Hahaha! Genius ka talaga, tol! Matropa ka nga minsan. Dami mong trivias,” sabi ko habang nilalagyan ng suka ang mangkok na hawak ko.

“Ilan ba bibilhin mo Yuriko?’” pagtingin ko sa kanan ko ibang tao na yang katabi ko. Ha? Asan na ba yung kausap ko?

            “Ate ilalagay ko na lang sa plastic cups ‘tong bibilhin ko, nawala po bigla yung kasama ko.  Eto po yung bayad, kasama na yung kinuha ng lalaking kasama ko kanina. Salamat po!” Pagkaabot sa akin ng sukli, hinanap ko agad ang kaklase kong missing in action. Nakita ko si Yuriko sa may tapat ng malaking simbahan na di kalayuan sa bilihan namin ng pagkain. May kausap siyang marungis na bata na may hawak na sakong may mga kalakal.

“O eto, may dalawang boteng basyo pa ko sa bag ko. Isama mo na dyan sa kalakal mo para makarami kang benta. Ubusin mo yang pagkain. Teka anu bang gusto mong palamig? Buko juice o sago? Bibilhan kita?”

“Kahit ano po kuya, basta po maiinom,” sabi naman nung batang lalaki habang abala sa pag-ubos ng pagkain niya.

“Ikaw talaga!” sabay tawa at ginulo niya ang buhok ng bata. “Sige, buko juice na lang Utoy, ha. Di kasi healthy pag softdrinks ang inumin mo.”

Hindi ako nakapagsalita. Naantig ang puso ko habang pinapanuod silang dalawa. Parang ang tagal na nilang magkakilala kung mag-usap.

“Uy Jiya, andyan ka pala. Pasensya na, hindi ako nakapagpaalam. Nakita ko kasi na pinagtatabuyan ng ale ang batang ‘to. Kaya tumakbo ako agad para habulin siya. Pasensya na.”

“Ano ka ba? Ayos lang yon, Einstein.” Humarap ako dun sa bata. “ Hi Utoy, ako si Ate Jiya. Meron din akong pagkain dito. Iyo na lang ,” inabot ko sa kanya yung binili kong pagkain. Nawala yung gutom ko. Yun bang makita ko lang yung batang masaya sa ibingay ko, ayos na ko. Ang sarap pala sa pakiramdam.

“Salamat po. Iuuwi ko na lang po ‘to sa bahay. Di pa kumakain mga kapatid ko.”

“Baket? Ilan ba kayong magkakapatid?” usisa ko sa bata.

“Anim po, Ako po pinakamatanda. Yung kapatid kong beybi may sakit ngayon inaalagaan siya ni Nanay. Si Tatay di umuuwi ng bahay.”

Ilang taon ka na ba Utoy?” tanong ko pa.

“Seben po ate.” Naawa ako. Sa murang niyang edad, banat na yung katawan niya sa pangagalakal at paghahanap ng ilalaman sa tyan ng mga kapatid niya araw-araw. Samantalang ako, ang hilig-hilig magpaganda at abalang-abala sa paghahanap ng lovelife.

“ Hmm. May naisip ako. Dahil sa mabait at masipag kang bata, may pupuntahan tayo ni Kuya Yuriko.” Inakay ko yung bata papunta sa isang fastfood chain at kinidatan ko si Yuriko. Siya naman ang nagdala ng sako nung bata.

“Good afternoon ma’am, sir. Kasama niyo po yang bata?” tanong sa amin nung security guard sa entrance. “ Opo manong guard, kakain po kami kasama siya. Wala naman po sigurong problema dun, anu po?”

“Wala naman po Ma’am. Pasok po kayo!” nakangiting sabi sa amin ng guard. Tumingin lang sa akin si Yuriko at lihim na napatawa.

“Humanap na kayo ng uupuan. Ako na ang oorder at magbabayad,” utos ni Estein, este Yuriko sa’kin.

“Ako na Yuriko, treat ko kay Utoy to. “

“Ako na nga kasi, may utang ka pa sa akin di ba?” sabay tumuro ng panguso sa kaliwang paa ko.

Aba sumbatero to. Inirapan ko nga.“Okay, fine.Tatlong spaghetti tapos yung isa may fried chicken. Ikaw na bahala sa drinks. Kahit iced tea na lang, diba sabi mo bawal ang softdrinks?” kumindat ako sa kanya. “ Tapos tatlong sundae at tatlong regular  fries, dine-in lahat.”

“Tara na Utoy hanap tayo ng table natin,” pag-aya ko dun sa bata. Hindi naman nagtagal ay nakahanap din kami ng mauupuan.

“Ang bait ni Kuya Yuriko, no?” sabi ko kay Utoy para may mapag-usapan kami. Ang tahimik kasi niya. Kaya ako yung gumagawa ng paraan para mapalapit ang loob niya sa’kin.

“Opo, palagi niya nga ako binibigyan ng kalakal pag pumupunta ako sa bahay nila. Tapos binibigyan niya din ako ng pagkain.” Naiilang na sagot nya.

“Magkakilala pala kayo ng ungas na yun.”

“Opo. Gusto ko din maging indyinir ate, parang si Kuya Yuriko. Magaling po siyang magbilang. Tinuturuan niya ko magminos at mag-add.”

“Oo, matalino yang kuya Yuriko mo, masipag pati mag-aral” sabi ko habang binabasa ung mga text messages ni Jazmin at Grace. Tahimik lang na nakikitingin si Utoy sa cellphone ko.

Gusto mo bang hiramin? May games ako dito, hmmm. Eto, zombie tsunami. Masaya laruin yan,” Inabot ko sa kanya ang phone at tinuro kung paano laruin yun.

“Mukhang nag-eenjoy kayong dalawa dyan, ah. Ang cute niyong tignan, para kayong mag-ate.” Nakangiting sabi ni Yuriko habang dala dala yung tray ng pagkain. Yung isa naman hawak ng isang service crew.

“Ang ganda naman ng girlfriend mo pare, ang bait pa. Di ko na pakakawalan yan kung ako sayo.”

Natawa lang ako sa narinig, kaibigan pala ni Yuriko yung crew. “Sige po kuya, salamat!” “Tara na kain na tayo!” Excited kong sabi habang kumukuha ng fries na paborito ko.

“Hephephep! Sandali lang Jiya, magpray muna tayo,” pagpigil sa’kin ni Yuriko . Pagkatapos namin magpray, inabot ko yung fries, spaghetti at sundae sa bata.

“Utoy sa iyo lahat yan. Ubusin mo yan, ah. Isipin mo birthday mo ngayon” sabi naman ni Yuriko.

“Tenkyu po” mahinang sabi ng bata. “Utoy, try mo to” sinawsaw ko yung fries sa sundae at isinubo sa kanya. “Sarap diba?” Tumango siya at tinikman lang ni Utoy yung spag at pagkatapos ay isinara na niya yung lalagyan. “Bakit, ayaw mo ba?” tanong ko.

“Ititira ko na lang po sa mga kapatid ko.”

“Hindi Utoy, ubusin mo yan. Magtetake-out tayo para sa mga kapatid mo. Ako na ang magbabayad. Basta enjoyin mo yang pagkain mo kundi magagalit si Ate Jiya.” At sumunod naman si Utoy. Natakot ata.

Pagkatapos naming kumain ay naisipan kong mag-groupie. “Tara Yuriko, picture tayo! Smile kayo ha,” nagcompress kami at si Utoy ang nasa gitna. “One, two, three, smile!” Sa una ang tipid lang ng ngiti ni Utoy. Pero nung kalaunan ay nakikiwacky na din siya sa amin at nakikipose na rin. Yung mga tao sa paligid namin napapatingin lang sa amin, pero wala kaming pakialam, basta masaya kami.

Nung medyo dumidilim na, naisipan na naming ihatid si Utoy sa kanila. Medyo hirap pa rin akong maglakad kasi hindi pa masyadong mgaling yung paa ko. Pagdating namin sa may barong-barong nila, saka ko inabot yung tinake-out namin para sa mga kapatid niya. Humugot ako ng tatlong daan sa wallet ko at inabot ko kay Utoy. Pangshopping ko sana yun kaso naisip ko mas kailangan nila yun.

“Ibigay mo kay Nanay mo ha, para gumaling yung beybi nyo, okay? Mabait kang bata, Utoy. Mag-aaral kang mabuti,” bilin ko pa sa kanya.

“Sige Utoy, uwi na kami. Ihahatid ko pa yung Ate Jiya mo. Pakabait ka,” sabi naman ni Yuriko sa bata at ginulo ang buhok nito.

“Sige po. Salamat po uli, Ate Jiya, Kuya Yuriko!” nakangiti niyang sabi at nagmamadaling pumasok sa bahay. “Nanay! Wengweng! May dala akong dyalibi! May tsiken tsaka prents prays! Masarap ‘to, dali!” Narinig ko pang sigaw ng bata. Napangiti ako.

Sabay naming tinahak ang daan papunta sa terminal ng sasakyan kong trycicle pauwi sa amin. Inaalalayan pa din ako sa paglalakad ni Yuriko, kanina ko pa din napapansin na kanina pa siya nakatitig sa’kin.

“Kanina ka pa nakatingin sa’kin, anu bang meron? Oo, alam kong mukha kong dyosa kaya itigil mo na yan,” pagbibiro ko.

“Wala lang, mabait ka din pala. Akala ko hanggang pagpapaganda lang ang alam mo.”

“Sira!” tinignan ko siya ng masama. “Pero alam mo, hindi ko makikilala yung batang yun kundi dahil sa’yo. Di mo naman sinabi na matagal mo na palang kilala si Utoy.”

“Pag nakakakita kasi ako ng ganoong mga bata, naaalala ko yung mga kapatid ko na maliliit pa. Paano kung mangyari sa kanila yun? Tsaka alam mo ba? Kay Utoy pinakamalapit ang loob ko. Nakikita ko kasi yung sarili ko sa kanya. May mga pangarap siya kagaya ko.”

“ Oo nga naikwento niya sa’kin kanina. Tinuturuan mo pala sya ng Math. Ako din ha. Pwedeng paturo? Malapit na qualifiying exam natin, baka bumagsak ako.”

“Oo ba, ayos lang sa akin yun. Sinisigurado ko sayo, hindi ka babagsak.” Nakangiti niyang sabi sa akin. “Kaya ako nag-aaral ng mabuti para sa mga kapatid ko, at sa magiging pamilya ko.”

“Kaya di ka nagkakagirlfriend, masyado kang seryoso sa pag-aaral,” biro ko uli sa kanya.

“May matagal na akong gusto, kaso di naman niya ako pinapansin, iba kasi yung type niya.”  Meron pala, ang swerte naman nung babae. Sana hindi na sya pansinin nung babae para ako na lang. Ang feeling lang, noh.

“Ganun ba? Mapapansin ka din nun, tiwala lang.” Ngumiti ako sa kanya at iyon na lang ang nasabi ko. Nasa may terminal na pala kami, ngayon ko lang napansin. Sayang, ayoko pang umuwi para maglakad lakad at makipagkwentuhan sa kanya kaso kailangan ko pa ipahinga yung paa ko.

“O sige, Yuriko. Sasakay na ko ha, salamat uli.”

“Am, sige, mag-iingat ka Ji. Lalo na yang paa mo, ingatan mo. Di ka pa masyadong magaling.” Inabot niya sa akin ang gamit ko at pumasok na ko sa loob.

“Am, Yuriko wait,” lumabas ako ng tricycle. “Am, ah… Salamat sa kanina. Yun lang, babay!” Hinalikan ko siya sa pisngi at sumakay na ko. Maski ako nagulat sa ginawa kong iyon.

Nakangiti ako habang nakasakay sa tricycle. Naisipan kong tignan yung mga pictures namin kanina. Ang saya naming tatlo. Halos lahat ng pictures namin nakatingin lang si Yuriko sa akin. Bakit ganon? Hayyyy. Masyado pang maaga para mag-assume ng love story naming dalawa. Yun ay kung meron man.

Basta, masayang-masaya ako ngayon. Kasi napatunayan ko na hindi lang sa mga lalaking ituturing ako bilang prinsesa matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Kundi sa pagtulong sa ibang tao ng bukal sa kalooban kahit hindi ko sila kakilala. Si Yuriko din ang nagpatunay na ang pagiging prinsipe ay wala sa panlabas itsura at katayuan sa buhay – nasa pagkatao yan at ang mga mithiin sa buhay.

Ang galing no? Hindi ko pala kailangang gumaya sa mga nabasa kong storya kasi may sarili pala akong kwento ng buhay. Natitiyak kong mas maganda ito kasi si Lord ang nagsulat nito para sa akin. Hindi man ito patok sa iba dahil hindi ito kakaiba at sobrang nakakakikilig, pero alam kong makakapagbigay ito ng inspirasyon sa ibang tao. Katulad ng pag-inspire sa akin ni Yuriko. 

 

 

***********************************************************

Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Maikling Kwento” ng Saranggola Blog Awards 6. 



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:
A) Tony Pakelamero (SBA 2014 Entry: Kwentong Pambata)
B) Wikang Filipino: Wikang Sariling Atin (SBA 2014 Entry: Tula)
Sana suportahan nyo ako at maraming salamat .🙂


 NAIS KO RIN PONG PASALAMATAN ANG MGA SPONSORS:

 

 

The URI to TrackBack this entry is: https://princessnins.wordpress.com/2014/11/15/ang-love-story-ko-2/trackback/

RSS feed for comments on this post.

2 CommentsLeave a comment

  1. […] B) Ang Love Story Ko (SBA 2014 Entry: Maikling Kwento) […]

  2. Hinalikan agad ni Jiya si Yuriko sa pisngi! Ang bilis naman.hehe Inspiring ang story ni Yuriko🙂 Sana maging successful engineer siya! Nice story.🙂 As I was searching “SBA 2014 Maikling Kwento”, nakita ko ang url mo.hehe God bless! You can read my entry too! First time ko lang sumali sa ganitong writing contest.hehe🙂


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: