Tahan na, Nene

           “Ma, kailangan ko ng magulang na dadalo po sa meeting bukas,” sabi ko sa Mama ko na kasalukuyang naglalaba ng mga panahong iyon.

            “Alam mo naman na maraming ginagawa rito sa bahay. Wala rin mag-aalaga kay bunso. Saka dati naman pag may meeting okey naman na wala ako,” sagot ni Mama ng hindi inaalis ang mata sa nilalabhan.

            “Ma naman, kahit ngayon lang, oh. Kasi po…”

            “Ne, high skul ka na. Hindi ka pa rin ba makaintindi na pag sinabi kong hindi pwede, hindi pwede!” sigaw ni Mama at diniinan ang pagkakasabi ng huling dalawang salita.

            “Okey po. Pasensya na po. Alis na po ako,” at tumalikod na ko at naglakad papunta sa pinto.

            “Maaga pa,ah. Nag-almusal ka na ba?”

            “Opo,” pagsisinungaling ko. Wala talaga akong ganang kumain ng mga oras na iyon. “May dadaanan pa po ako.”

            “Sige.”

            Hayyyyy. Nasa labas na ko ng bahay at naglalakad papunta sa eskwela. Tama si Mama. Maaga pa. Alas-singko medya pa lang ng umaga pero kinailangan kong umalis ng bahay ng maaga. Isa sa dahilan ko ay para hindi ako malate. Ngunit sa totoo lang, alas-syete pa ng umaga ang pasok ko sa skul.

            “Ne, saan ka? Sa National High School ka di ba? Sakay ka na!” sigaw ng mamang driver ng traysikel.

            “Hindi po ako sasakay. Salamat na lang po.” At kumaripas na ng takbo ang traysikel. Sa totoo lang, gusto ko talaga sumakay. Yun ay kung libre. Yan ang pinaka-dahilan ko kung bakit maaga ako. Hindi ako humihingi ng baon kay Mama. Inaantay ko na lang siya na mag-abot ng baon. Pag wala siyang inabot, isa lang ibig sabihin noon – naghihigpit na naman kami ng sinturon. Magtitipid kami sa mga gastos sa bahay. Pangalawa, ibig sabihin noon, nasa pinakailalim ako ng listahan niya ng mga “budget priority” at hindi na bago sa akin ang bagay na yun. Panganay ako sa anim na magkakapatid. At mas kailangan ng kapatid ko ang baon at pagkain kaysa sa akin.

            Krrrrrrrrrru. Kumakalam na ang sikmura ko. Nagra-rally na sa gutom. Pero di ko alintana ang gutom. Tumingin lang ako sa mga sasakyang dumadaan. At hinayaan kong liparin ng malamig na hangin ang buhok ko na nagtatago ng luha sa mga mata ko. Labing-limang taon gulang na ko at magtatapos na sa high school. At sa apat na taon na iyon, nakasanayan ko na ang maglakad papasok ng eskwelahan na inaabot ng isang oras. Nasanay na kong ganito. Ang tumayo sa sarili kong paa. Oo, may pamilya ako pero hindi ko maramdamang bahagi ako nito. Anak lang ako sa labas ng bagong pamilya ng nanay ko – at nag-iisa lang ako.  

            “Oh, Nene! Naglalakad ka naman?”

            Nakilala ko ang boses na iyon. “Nay Bella! Magandang umaga po!” Nakita ko ang isang matabang babaeng na nasa L-300 na sasakyan . Siya ang may-ari ng malaking tindahan sa tabi ng paaralan ko.

            “Magandang umaga rin, Nene. Sumabay ka na sa amin. Hindi naman gaanong puno yung loob ng sasakyan.”

            “Naku, salamat po.” Hindi na ko nagpakipot pa. Buti na lang napadaan si Aling Bella. Siya ang laging sumasaklolo sa kin pag naglalakad ako.

            Pagbukas ko ng sasakyan, nakita ko ang kaklase kong si Vince na natutulog  sa upuan. Lagi siyang kasama ng nanay niya pag namamalengke.

            “Ne, nakapag-almusal ka na ba?” tanong ni Mang Joseph, ang asawa ni Aling Bella.

            “Parang di pa kayo nasanay  ‘Tay. Sermon ang almusal ko bago pumasok sa eskwela,” biro ko.

            “Kaw talaga, Ne. Sa bahay ka na mag-almusal.”

            “Salamat po, Nay, Tay! You’re my hero!” masaya kong sinabi sa kanila.

            Pagdating ko sa kanila,umasiste na ko sa pagbaba ng mga gamit. Sa totoo lang, kinuha na kong assistant ng mga magulang ni Vince. Naikwento kasi niya ang buhay ko. Madalas na rin akong makita ng mga magulang niya sa daan bago niya pa ikwento ang tungkol sa akin. Naawa ang mag-asawa sa akin at kinupkop nila ako. At bilang ganti sa ginawa nilang kabutihan, tumutulong ako sa tindahan nila. Masaya na ko sa libreng pagkain at sakay. At higit sa lahat, ang mainit nilang pagtanggap at pag-aalala na di ko nakukuha sa bahay.

            “Tol, wag mo titigan ang pagkain. Baka malusaw,” pang-aasar ni Vince.

            Nagulat naman ako. At dali-daling sumubo ng pagkain – tortang talong at sinangag ang  almusal.

            “Mukhang malalim ang iniisip mo, Tol. Pasensya na kung nagulat kita.”

            “Naku, wala yun!  Bilisan mo na lang yung pagkain mo at baka malate pa tayo. Maliligo ka pa, eh.”

            “Hindi ba pumayag si nanay mo na pumunta sa skul bukas para sa awarding?” pag-aalalang tanong ni Vince.

            Hindi ako sumagot at kumain lang. Sa isip ko, isa lang masasabi ko:  ano pa bang bago? Lagi naman. Kahit noong mga araw na nag-eenrol ako, ako lang mag-isa. Ganoon na lang ang inggit ko kay Vince. Buti pa siya, andyan ang mga magulang niya. Walang pinalalampas na activities at meeting ang nanay niya. Todo suporta rin ito sa lahat ng mga ginagawa nito. Malayung – malayo si Mama kay Aling Bella.  

            “Ne, kung gusto mo, ako na lang ang pupunta para sa iyo. Intindihin mo na lang ang nanay mo. Mahirap talaga ang maging ina lalo kung marami kayo,” sabi ni Aling Bella. “Saka, para mo rin akong pangalawang ina. At alam ko rin na isa kang mabuting bata. Ituloy mo lang ang nasimulan mo. Hindi man nagsasalita ang nanay mo, sigurado naman ako na proud sya sa mga achievements mo.”

            Biglang tumulo ang isang butil ng tubig mula sa mata ko. “Ay, naku. Na-touch naman po ako dun, Nay. Alam nyo ba, nagpapasalamat po ako sa kabutihan ng pamilya nyo sa akin. Salamat po kasi… kahit paano, nararamdaman ko na napupunan yung isang parte ng pagkatao ko na kulang sa akin.”

            Biglang tumahimik ang lahat at walang sinuman ang nagsalita. Maya-maya’y may bumasag sa nakakabinging katahimikan. “And the winner for Best Actress Award, walang iba kundi si Alex Jenina Alcantara!” sigaw ni Vince.

            Nagtawanan kaming lahat sa mesa. “Ano ka ba, Vince? Nagmo-moment ako rito,eh. Walang basagan ng trip,” sabi ko sa kanya.

            “Nag-aalmusal po kasi tayo. Wala tayo sa soap opera. Sige, maliligo na ko, Tol! Baka mamaya, dramahan mo ko ‘pag na-late tayo.”

            Ngumiti lang ako at sinundan ko sya ng tingin habang paalis siya sa mesa. Ang matalik kong kaibigan, slash kuya, slash classmate – yan si Vince para sa akin. Kapag alam niyang may dinadamdam ako, andyan siya sa tabi ko. Kapag nahihirapan ako o may bumabastos sa akin sa kanto, pinagtatanggol nya ko. Sana nga may kuya ako na gaya niya.

            SA CLASSROOM. “Class, eto na announcement ng Top Ten natin,” pagsisimula ni Sir Ren, ang class adviser namin.

            Lahat ng mata at tainga ay nakahanda na sa sasabihin ng aming dakilang ama sa klaseng kinabibilangan ko. Sinimulan na niya basahin ang mga pangalan sa listahan niya na naka-powerpoint pa. Hindi ko alam kung kasama pa ko sa Top Ten. Oo, matataas ang marka ko sa mga quizzes at exam. Ang hindi ko alam ay yung mga grado sa pinasang projects plus yung sa final exam. Bakit? Tatlong araw akong hindi nakapasok dahil may sakit ang stepfather ko. Kaya umextra muna ako sa karinderya na malapit sa bahay namin. Tumulong pa ko sa bahay. Sa totoo lang, si Vince ang nag-abot ng letter mula kay Sir Ren na pinapupunta si Mama. Una, dahil sa absent ako ng tatlong araw. Pangalawa, dahil sa awarding sa Biyernes. Pero hindi ko na inabot kay Mama ang sulat.

            “Top 3, Vince C. Maximo,” pag-anunsyo ng guro.

            “Yes! Sa wakas,nasa Top 3 na ko!” sigaw niVince.

            “Oy, magpaburger ka naman!”  sigaw ng Class Vice President Drei namin.

            “Oo, nga! Burger! Burger!” sabi pa ng ibang kaklase namin.

           “Saka na, pag naging principal na ko ng skul!” sagot naman ni Vince. Nagtawanan lang ang lahat sa classroom.

           “Ehem.” Malakas na sabi ng adviser namin. Biglang tumahimik na ang klase. “Congaratulations, Vince. Ngayon, Top 1 at Top 2 na lang ang hindi ko nasasabi. At dalawa sa Top 5 natin last grading period ang hindi ko pa nababanggit.”

           Napalunok ako. Top 1 ako dati. Ewan ko lang ngayon. Ang tinutukoy na isa pang estudyante ni sir ay si Apple. Hay. Hindi na ako aasang ako pa rin ang Top 1. Isa pa, mahusay naman talaga  siya. Pero ayos lang sa akin, wala naman halaga kay Mama ang standing ko.

           Binuksan ko ang notebook ko at nakita ko ang isang larawan. Eto yung larawan na kuha namin noong recognition ko nung nasa unang baitang palang ako – first honor ako nung mga panahon na iyon. Nakita ko ang saya sa mga ngiti ni Mama. Mukhang nagkakamali ako sa iniisip ko. Marahil nga hindi binibigyang pansin ni Mama sa pag-aaral. Pero sa tingin ko, kaya ganoon ay dahil sa may tiwala siya sa akin at naniniwala siya na kaya ko.   

           “Uunahin ko na ang Top 1. And Top 1 goes to … Jenina!”

           Nabigla ako ng marinig ko ang aking pangalan. Nagpalakpakan ang mga kaklase ko. Lumapit naman si Apple at kinamayan ako. Hindi naman kami magkalaban kasi para ko na siyang kapatid. Masayang kasama ang mga kaklase ko. Bukod kasi sa halos magkakasing edad kami, nagkakasundo rin kami sa ibang bagay, parang si Vince.

           Nakaramdam ako ng tapik sa balikat ko. Nilingon ko kung sinong may gawa nun – si Sir pala. “Sir, salamat po!”

           “Para saan naman, Ne? Sa pagiging Top 1? Ginawa mo ang makakaya mo. Oo, may absent ka pero natapos mo naman ang exams at projects. Excuse ka naman  sa mga activities kaya wala ring bawas o di makakaapekto sa grades mo. Ne, pinagsumikapan mong manatili sa Top 3 ng klase kahit may problema kaya di mo ko dapat pasalamatan.”

           “Sir, nagpapasalamat po ako kasi pag kailangan ko ng consultation sa mga subjects at sa iba pang problema, nandyan kayo. Salamat po,” mangiyak-ngiyak talaga ako. Siguro, masyado lang ako na-stress nitong mga nagdaang araw kaya ganito ako. Akala ko, mag-isa lang ako noon, pero eto, napapaligiran ako ng pamilya ko dito sa skul. Andyan din sina Vince at mga magulang nito. May graduation pa naman. Hindi naman masama kung hindi pumunta si Mama.

           KINABUKASAN. Maaga akong bumangon para magluto ng agahan. Hinanda ko na rin ang baon at uniporme ng mga kapatid ko. Pumunta ako sa silid-tulugan. Tulog pa rin naman sina Mama at Papa. Tiningnan ko lang si Mama. Bakas sa mukha niya ang pagod at problema. Tama ang sabi ni Nay Bella. Tapos, nagtatampo pa ko sa kanya. Sorry, Mama kung mali yung mga iniisip ko po. Minsan kasi, pakiramdam ko, hindi nyo ko mahal. Sabagay, mas kailangan ng mga kapatid ko ang atensyon nyo po. Pero sana, kahit minsan lang, mahatak ko kayo sa skul para makita at malaman nyo po ang bunga ng pagsusumikap ko sa skul para sa inyo.  At lumabas na ko ng kwarto. Pumunta na lang ako sa hapag-kainan at nagsulat ng note kay Mama na maaga akong papasok ulit ng skul.

           Pag-alis ko ng bahay, una kong pinuntahan sina Vince at tumulung-tulong sa tindahan. Busog naman ako kaya hindi na ko kumain. Sa skul naman, nagrereview lang ako ng mga pinag-aralan sa tatlong araw na wala ako. Hindi ako maaaring magpabaya dahil kailangan ko masungkit ang scholarship para sa pag-aaral ko. Para sa hinaharap ko at ng pamilya ko. Para maiahon ko sila sa kahirapan. Biglang may tumulong luha mula sa mata ko. Bakit ba ganito ang mata ko? Pwede ba tumigil ka? Hindi ko notes ‘to. Saway ko, pero naiiyak talaga ako, eh. Naaalala ko kasi yung mga panahon na umaakyat ako sa stage nung elementary pa ko at nakakasama ko pa si Mama. Tapos kukuhaan nya ko ng picture habang suot yung medal ko at kasama yung guro ko.

           Pero ngayong high skul na ko, ni anino ni Mama, wala. At nasanay na rin naman ako na kung hindi nanay ni Vince ang nagsasabit, yung adviser ko. Sinasabi ko na lang sa sarili ko, ganyan talaga ang buhay – may mga pagkakataong di talaga aayon ang lahat sa kagustuhan natin. Pero hindi ibig sabihin na dapat na tayong tumigil sa kinalalagyan natin bagkus ay magpatuloy.

           “Tol, naiyak ka na naman diyan. Eto panyo ko, wag mong gawing tissue ang notebook ko. Mahirap magre-write,” sabi ni Vince na katabi ko na pala.

           “Tol, kaw pala. Pasensya na, di kita napansin agad.” Pinunasan ko yung bakas ng pag-eemote ko. At iniaabot ang notebook sa kanya. “Kunin mo na ‘tong notebook mo. Tapos na ko magreview, salamat.”

           Bago pa ko makalabas ng classroom, dumating ang iba ko pang mga kaklase. Lumapit sa akin si Apple. “Jen, magsisimula na ang program. Bakit namumula ang mata mo?” Tumingin siya kay Vince. “Tsk. Tsk. Ano na naman ginawa mo kay Jen?”

           “Uy, di ko yan iaano,” sabi ni Vince.

           “Naku, Apple. Wala ‘to. Napuwing lang ako,” pagsisinungaling ko. Pinisil lang ni Apple ang pisngi ko.

           “Jen, di ka magaling magsinungaling. Dito naman kami, saka si Sir Ren. Madami kaming magchicheer sa’yo. Kukuhanan ka naming ng picture. Syempre, proud kami na bibigyan ka ng award ni mayor para sa pagiging “Most Outstanding Student” kasama pa ang pag-abot sa’yo ng certificate sa pagkapanalo mo sa Division Math Quiz Bee,” sabi ni Apple.

           “Alam ko, at nagpapasalamat ako sa inyong lahat. Alam ko, matagal pa ang graduation pero isa lang sasabihin ko, masaya ako dahil kasama ko kayo,” at muli na namang tumulo ang luha ko.

           Dumating si Sir Ren at lumapit sa akin. Mukhang narinig niya ang mga sinabi ko. Hinaplos niya ang ulo ko. “Tahan na, Nene. Andito lang kami. Kami ang pamilya mo sa skul na ‘to. Hindi lang eto basta paaralan dahil parang ito na rin ang pangalawa ninyong tahanan.”

           “Opo, Sir. Salamat.”

           “Saka andito rin ako, si Nanay at si Tatay. Lagi ngang sinasabi sa’yo ni Tatay di ba, feel at home.”

           “Oo na. Teka, asan ang nanay mo?” pagtataka ko.

           “Andito ako. Ne, may supresa kami sa’yo,” sabi ni Nay Bella na nasa pintuan.

           “Ano naman po yun?”

           “Ate!” sabi ng anim na taong gulang kong kapatid habang tumatakbo palapit sa akin. Sa pagkagulat ko, lumuhod ako at niyakap ang kapatid ko.

           “O, Mikoy, bakit ka andito?”

           “Kasama ko si Mama pati si Papa,” sagot ni Mikoy.

           “Saan?”

           Itinuro ni Mikoy kung nasaan sina Mama at Papa. Nakita ko sila sa labas ng room. Lumabas ako at nilapitan sila. Bitbit ni Mama si bunso. “Ma, kala ko ba hindi kayo pupunta? Tapos kasama mo pa si Papa.”

           “Pumunta ang teacher mo at si Aling Bella sa bahay kanina. Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin na may awarding ka ngayon?”

           Yumuko ako at inipon ang lahat ng lakas ng loob ko bago ako nakasagot. “Alam ko naman kasi na abala kayo kaya nung sinabi nyo na wag akong makulit, tumigil na ko. Saka, nasanay na po ako.”

           “Sori, anak kung hindi kita nasasamahan, ah. Alam mo naman sa bahay,” sabi ni Mama.

           “Okey lang po yun,” parang walang pagsidlan ang saya ko. “Ang mahalaga ay nandito na kayo. Salamat po sa pagpunta, Mama, Papa.”

           “Naku, proud ako sa’yo anak. Ngayon nga lang ako nakapunta sa skul mo,” sabi naman ni Papa.

           Tumingin ako kina sa guro at kay Nay Bella. “Sir, Nay, salamat po. The best po talaga kayong dalawa!”

           “Wala yun, Ne. Sya, tumahan ka na. Malapit na magsimula ang program. Pumunta na tayo roon. Baka mainip yang si Vince, siya na ang kukuha ng award mo,” sabi ni Aling Bella.

           “Ay naku! Nanay naman,eh. Meron din naman akong award,” sabi ni Vince. “Punta na nga tayo dun, Tol.”

           Naglakad kami papunta sa court kung saan andun ang program. Masayang-masaya ako dahil kasama ko ngayon ang aking pamilya – si Mama, si Papa, ang dalawa sa kapatid ko, si Aling Bella, si Vince, si Sir Ren at mga kaklase ko. Para sa akin, ang pamilya ko ang nagbibigay sa akin ng lakas para tuparin ang aking mga pangarap. Nasa bahay man ako, o nasa paaralan, masasabi kong may matatawag akong tahanan. Hindi ito nasusukat sa pagiging magkadugo, sa dami ng isang pamilya o sa tagal ng pagsasama. Lalong hindi lang ito basta bahay na tinitirhan ng isang pamilya. Dahil walang halaga ang isang magarang bahay na wala namang puso. Ang tahanan ay hindi nasusukat bagkus ito ang siyang bumubuo sa pagkatao mo.

*********************************************************

Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Maikling Kwento” ng Saranggola Blog Awards 5



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:

A) Bertdey ni Butchoy (SBA 2013 Entry: Kwentong Pambata)

B) Sa Tatlong Anghel ng Buhay ko  (SBA 2013 Entry: Sanaysay)

C) Alaala ng Kamusmusan (SBA 2013 Entry: Tula)

Sana suportahan nyo ako at maraming salamat .🙂



 NAIS KO RIN PONG PASALAMATAN ANG MGA SPONSORS:

 

Published in: on October 15, 2013 at 12:23 pm  Comments (1)  

The URI to TrackBack this entry is: https://princessnins.wordpress.com/2013/10/15/tahan-na-nene/trackback/

RSS feed for comments on this post.

One CommentLeave a comment

  1. help me forget about you


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: