Ang Aking Mr. Right

             “Miss, miss!” mahinang sabi ng isang lalaking parang malapit lang sa akin. Sino kaya ang tinatawag nun?

            “Miss, pwede bang makuha ang number mo?” habang tinatapik ang kaliwang balikat ko.

            Lumingon ako sa kanya at tinaasan ng kilay. “Sori, hindi ako namimigay ng number ko sa iba. Maghanap ka ng ibang kukuhanan ng number.”

            “Suplada mo naman!”

            “Suplada? Kung ayaw mo mag-eskandalo ako dito, tantanan mo ako!” Tumahimik ang mahaderong lalaki at lumipat ng upuan.

            Tumingin lang ako sa labas ng bintana. Kung hindi nga lang coding ngayon, hindi sana ako nakasakay sa bus na ito ngayon pauwi.

            Maya-maya pa’y may narinig akong sinabi sa radio ng bus. “Para sa mga nalulungkot ngayong gabi at mga sugatang puso, narito ang isang kanta mula sa Moonstar 88.”

            Ay naku. Pag minamalas ka nga naman. Musical pa lang, alam ko na ang pamagat ng kanta – Ang Pag-ibig kong Ito. Tsk. Tsk. Emo ba ko?

“Umiiyak ang aking pusong nagdurusa
 Ngunit ayokong may makakita

 Kahit anong sakit ang aking naranasan
 ‘Yan ay ayokong kanyang malaman”

            Sa totoo lang, maganda talaga yung kanta. Kaso, naiinis ako. Tinatamaan kasi ako. Yung para bang bull’s eye sa larong dart.

“Mga araw na nagdaan,
Kailanma’y hindi malilimutan
Kay tamis na raw ng pagmamahalan
Ang akala ko’y walang hangganan”

            “Mahal kita, Bella. Happy monthsary!” ang sabi ni Bryan habang hinahaplos–haplos niya pa ang pisngi ko. Nasa plasa kami nung gabing iyon. Ika-anim na buwan na namin bilang magkasintahan. Medyo matagal na rin at habang tumatagal, lalo ko siyang minamahal.

            “Ako rin Bry, mahal na mahal kita. Happy monthsary din!” at niyakap ko siya. Maya-maya pa ay lumayo siya ng kaunti at hinalikan niya ko. Kabilugan ng buwan, at ang hangin ay may kalamigan. Parang sa isang kanta lang na bigla kong naalala. Sana di na matapos ito. Sana, makasama ko pa siya ng mas matagal. Sana, siya nga si Mr. Right ko. Pero nagkamali ako.

            Isang araw. Namamasyal ako noon sa Mall of Asia, naghahanap kasi ako ng ireregalo ko sa birthday niya. Hay. Matagal ko na rin kasi siyang hindi nakikita. Masyado akong naging abala sa trabaho. At para makabawi ako, gusto ko siyang bigyan ng magandang regalo. Napagod naman ako sa kakaikot kaya pumunta muna ako sa baywalk. Tamang tambay lang. Nag-iisip pa ako kung anung pipiliin ko sa mga nakita ko kanina nang biglang may nahagip ang paningin ko sa hindi kalayuan.

            Isang babae at lalaki na nagsusubuan pa ng hotdog sandwich. Yung babae, may hawak na isang palumpon ng pulang rosas. Nagtatawanan pa sila. Tapos, may kinuha yung lalaki mula sa bulsa niya 0at lumuhod.

            Wow! Ang sweet! Pero mas maganda kung sa isang mas romantic place. Ayun, tuwang-tuwa yung girlfriend niya ata sa proposal niya. At base sa nakita ko, tinanggap yun ng babae. Tumayo ang lalaki at niyakap yung girlfriend niya. Tapos naghalikan sila ng matagal. Yuck, PDA talaga?

            Mukhang umabot ata sa kanila yung iniisip ko kaya tumigil sila. Naglakad sila papunta sa direksyon ko. Kumunot naman ang noo ko. Parang kamukha ng boyfriend ko yun ah. Hindi pala ‘parang’. Boyfriend ko pala talaga yung mokong na yun! Arrrrrrrgh!

            Hindi ako umalis sa kinatatayuan ko. Bahala nang magkapatayan! Nang dumaan sila sa tapat ko, bigla kong tinabig si Bryan. Napatingin sila sa akin.

            “Oops, sorry. Sinasadya ko.” Halatang nagulat ang BF ko. “Nga pala, congratulations sa inyong dalawa. Maging masaya sana kayo.” Hinugot ko ang kwintas na may pendant pa na B&B, pinagawa namin dati yun para sa unang monthsary namin. Kinuha ko ang isang kamay ni Bryan at inilagay yung kwintas. “Sana, sinabi mo sa akin.” Gusto kong maiyak pero pinigilan ko. Bago pa siya magsalita ay naglakad na ko palayo.

            “Bella, saglit lang,” nagsalita rin siya sa wakas.

            Tumigil ako sa paglalakad. “Ah, oo nga pala, may nakalimutan ko.” Hindi pa naman ako masyadong malayo sa kanila kaya lumingon ako. “Miss, ingat ka sa kasama mo. Baka mamaya, iwanan ka nang walang pasabi!” Nilakasan ko talaga yun.

            Naglakad na ko nang mabilis. Wala na kong pakelam kung anong nangyayari sa kanila. Ang mahalaga, makalayo na ako. Kamalas-malasan pa. Hindi pa ko nakakarating sa parking lot kung nasaan ang kotse ko, bigla namang umulan. Sabay sa pagtulo ng luha ko, ang malakas na buhos nito. Sabagay, hindi masyadong obvious na umiiyak ako. Bigla akong tumigil sa paglalakad at hinayaan ko na lang na magpaulan ako nung mga oras na yun. 

“Ang pag-ibig kong ito
Luha ang tanging nakamit buhat sa’yo
Kaya’t sa Maykapal
Tuwina’y dalangin ko
Sana’y… kapalaran ko ay magbago”

            Galit na galit ako. Gusto kong sumigaw pero di ko magawa. Nagmukha akong tanga nung mga oras na yun. At hanggang ngayon, parang ramdam ko pa rin ang sakit ng ginawa ni Bryan. Ilang buwan na ang nakakaraan pero bakit ganun? Andito pa rin ang sakit. Naramdaman ko na lang na parang nagbabadyang pumatak na naman ang mga luha ko.

            “Kuya, para!!!!” Muntik na kong lumampas sa bababaan ko. At tumigil nga ang bus.

            Sa wakas, nakauwi rin ako. Kailan kaya darating ang lalaking para sa akin? Sana dumating na siya, para di naman ako ganito. Baka mag-antay lang ako sa wala.

            Kinabukasan, pumunta ako sa Luneta Park. Tamang-lakad kahit wala akong kasama. Nakakainggit ang mga magkasintahan na nakaupo sa may damuhan, naglalakad sa daan, at nagkukuhaan ng larawan gamit ang mga cellphone at camera nila.

           May mga pamilya ring masayang naroroon. Kumakain, nag-uusap, at kung anu-ano pa. Sana ako rin… kung meron pa nga akong pamilya. Yumao na ang mga magulang ko. Nag-asawa na ang ate ko at namalagi na sa Amerika kasama ang sarili niyang pamilya. Buti pa sila. Kasa-kasama na nila ang mga napili nilang maging kasama sa buhay. Biruin mo, kahit wala na sina Mama at Papa, magkasama pa rin sila. Ako? Wala. Mag-isa. Pero sa  totoo lang, mas maigi ang ganito kaysa naman mayroon akong salawahang BF.

            Nang hindi na gaanong mainit, nagpunta ako malapit sa Quirino Grand Stand. May mga nakita akong nagtitinda at mga nagpapalipad ng iba’t ibang saranggola. Hmm… alam ko na ang magandang gawin. Hinugot ko ang nag-iisang perang papel na nasa bulsa ko, isang daang piso. Ayokong magdala ng wallet kapag namamasyal ako. Baka mamaya mawala pa o madukutan ako. Ayun, nakabili ako ng saranggola na malaki at parang agila.

            Ginaya ko kung paano magpalipad ang mga bata. Noong una, nahirapan ako. Pero, mga ilang sandali lang, nakaya ko na yung ginagawa ng mga taong nasa paligid. Natuwa naman ako dahil mataas na ang lipad ng saranggola ko.

            Nang mga oras na iyon, walang paglagyan ang sayang nararamdaman ko. Pakiramdam ko, para na rin akong lumilipad. Hindi ko na napansin na sa pagtaas ng lipad ng saranggola ko ay unti-unti na ring nauubos ang pisi sa pagkakarolyo nito. Maya-maya pa’y lumakas ang hangin. Biglang tinangay ng hangin ang saranggola ko. Kainis naman, hindi pala mahigpit ang pagkakatali ng pisi sa hawakan.

            Takbo, takbo. Hinihingal na ko pero tuloy lang ang pagtakbo ko. Pinagtitinginan na rin ako ng mga tao pero masyado akong abala sa paghabol ng saranggola ko. Alam ko kaya ko ‘yon makuha basta bilisan ko lang ang pagtakbo.

            Nakarating ako sa hagdan. Nagdahan-dahan ako dahil baka malaglag ako. Siyempre, mas importante naman ang buhay ko kaysa sa saranggolang iyon. Natanaw ko na malapit nang tumawid ng kalsada ang saranggola ko. Grabe, ano ba yan! Tao ka bang saranggola ka? Ayaw mo ba sa akin? Bakit ka ganyan? Pinapalipad lang kita. Hindi ba ako pwedeng maging masaya?

            Natigil lang ang pagdadrama ko nang may lumapit na lalaki papunta sa direksyon ko. Hawak niya na ang tali ng saranggola ko. Buti naman may nagmagandang-loob na tulungan ako. Sa totoo lang, napako ako sa kinatatayuan ko. Gwapo yung lalaki. Para siyang artista.

            “Miss, sa’yo ba ‘tong saranggolang ito?” tanong ng Adonis na nasa harapan ko. Binigyan ko na siya ng pangalan. Mukha kasi siyang si Adonis na diyos ng kagwapuhan. Yung tipong isang ngiti niya lang, makalaglag panty na.

            “Miss??? Ayos ka lang ba?” nagtanong ulit siya.

            Tila ba namula naman ako. Para kasing nahalata niyang natulala ako sa kanya. Buti hindi tumulo ang laway ko. “Ahm, oo. Sa akin nga yan. Kanina pa nga ako natakbo kakahabol diyan.” Sa wakas, nakapagsalita na rin ako.

            Lumapit ako para kunin ang pisi ng pasaway kong saranggola. “Salamat.” At sandaling tumigil ang oras nang magkahawak ang aming mga kamay. Parang ayaw niyang bitiwan ang pisi. Ako naman, ayoko pang bitawan ang kamay niya. Nasa langit na ata ako!

            Bigla na lang nabasag ang pagmomoment ko nang magsalita siya. “Sa susunod, huwag kang aanga-anga.” Kumunot ang noo ko sa sinabi niyang iyon. “Kung ayaw mo mawala sa iyo ang isang mahalagang bagay, sa una pa lang pahalagahan mo na ito.”

            Bigla ko na lang kinuha yung pisi sa kamay niya. Antagal pala naming magkaholding hands. Arrghh… Hindi ako papatalo sa lalaking ito, pero naisip ko na dapat pa rin akong maging mabait sa kanya. “Salamat ulit sa pagtulong para makuha ito. Pero hindi ko naman sinasadya na humulagpos ang tali. Hindi ko kasalanan na di pala nakabuhol yun ng mahigpit.”

            “Ganyan din ba ang sasabihin mo ‘pag nawala sa iyo ang taong mahal mo?” seryosong tanong ng lalaking ito.

            Inis. Parang sinampal ako nang marinig ko iyon. “Hindi ko kasalanan ang pag-iwan sa akin ng BF ko. Hindi ko ginusto na bigyan ako ng proyekto ng boss ko na naging dahilan para mabawasan ang panahon ko sa kanya.” Naalala ko si Bryan. Tinetext ko siya. Dumadalaw ako kahit paano sa bahay niya. Saan ba ko nagkulang?

            “Naging tapat ako sa kanya. Nagsumikap para maging handa sa oras na magdesisyon kami na lumagay sa tahimik. Pero anong nangyari? Wala man lang siyang pasabi na may iba na siyang nagugustuhan. At ang masama pa, nakita ko pa nang niyaya niyang magpakasal ang babaeng iyon.”

            Oops! Nadulas na ako. Nadala lang ako nararamdaman ko kanina. Natauhan ako. Bakit kailangan pang sa estrangherong ito ako maglabas ng sama ng loob? “Ay, pasensya na. Nadala lang ako.”

            “Ayos lang, miss. Hindi masama ang magsabi nang sama ng loob. Dahil ‘pag hindi mo nilabas yan, mahihirapan ka lang. Kanina pa nga kita napapansin,” ang sabi niya.

            “Huh? Kanina pa?” Nabigla ako sa sinabi niya. Kanina pa ko rito pero parang hindi ko naman siya nakita. Sa gwapo niyang iyon, hindi ko siya mapapansin?

            “Ah, kalimutan mo na yun. Pasensya na rin sa sinabi ko kanina. Payo ko lang, kung importante sa’yo, gawin mo ang makakaya mo para hindi mawala sa iyo. Para hindi ka naghahabol. Dahil kung hindi, baka huli na ang lahat at tuluyan na itong mawala sa iyo.”

            Ano siya pari? Sermunan daw ba ako. “Kung hindi talaga siya para sa akin, eh di wag. Marami pa namang pogi diyan sa tabi-tabi.”

            “Hindi ba pwedeng yung nasa harapan mo na lang?”

            Bigla akong napangiti. Ayos ang lalaking  ‘tong makabanat ah. Bago pa ako makapagkomento, nagsalita ulit siya.

            “Ako nga pala si James. Pwede ko bang makuha ang pangalan mo?”

            Ayos. Ang lalaki nga naman. Tarayan ko nga ito. “Hindi pwede. Pag kinuha mo ang pangalan ko, eh di wala na kong pangalan.”

            “Wag kang mag-alala. Kahit kunin ko yan, hindi ko papalitan ang pangalan ko ng pangalan mo. Pero, ilalagay ko ang pangalan mo sa puso ko at papalitan ko ang apelyido mo ng apelyido ko.”

            Bigla akong kinilig. Landi!!! Teka, baka eto ang paraan niya para makabihag ng babae. Hmp! Porket gwapo siya at maganda ang pick-up line niya, maiinlove na ko sa kanya? Ayoko nga. Dagdag pa ko sa milyun-milyong babaeng nababaliw sa kanya at… lolokohin niya.

            “Oo, binalik mo ang saranggola ko pero, hindi ibig sabihin nun, ibibigay ko ang pangalan ko. Hindi dahil gusto mo, makukuha mo,” at tumalikod na ko sa kanya para maglakad palayo.

            “Teka, linya yan ni Bea, ah. Pwes, ako naman si John Lloyd. Dahil gusto ko, makukuha ko. At magpupursige ako.” Hala, nahuli ako dun. Hindi ko siya pinansin. Hindi pa ako nakakalayo pero narinig ko siyang sumigaw, “Hindi pa ito ang huli nating pagkikita. At pag nangyari iyon, ibibigay mo na ang pangalan mo.”

            Bahala ka diyan. Hindi ikaw si Nostradamus para masabi kung anong mangyayari. Hay naku, maayos na nga itong saranggola, baka bumagsak pa. Pagkatapos kong ayusin ang saranggola, umuwi na ko sa tinutuluyan kong condo.

            Nang makahiga na ako, hindi ko pa rin matanggal sa isip ko ang lalaking iyon. Bukod sa gwapo, mabait pa. Sayang medyo mayabang, eh. Pero, artista nga kaya siya? At eto pa, ni kailan man, hindi pa ko kinilig ng ganito. Hindi pa mabura sa malandi kong imahinasyon yung mukha niya, yung labi niya, yung katawan niya at yung … teka, pababa ata ng pababa. Hay naku, makatulog na nga. Umalis ka nga James sa utak ko. Sabagay, tama siya. Kung ako si Bea, siya si John Llyod… sa pangarap nga lang. At, nakatulog na ako.

            Lumipas ang dalawang araw, kahit abala ako, lagi ko pa rin naaalala yung lalaking iyon. Magkikita pa kaya kami?

            “Bella, sama ka sa amin. Gagala kami sa Luneta. Marami pa namang event ngayon doon,” yaya ng kaibigan kong si Angel.

            “Ah… hindi ko alam eh. Pilitin mo muna ako.”

            “Pag hindi ka sumama, papasalvage kita!”

            “Hala! Huwag naman. Sabi ko pilitin mo ‘ko, hindi bantaan!”

            Natawa siya. “Halika na nga.”

            At yun nga, nasa Luneta na kami. Lima kami. Kasama ni Angel yung BF niya. Yung isa namang katrabaho namin may ka-date. Ayos… solo ako. Nagyaya pa sila. Pinagmasdan ko ang Dancing Fountain sa Luneta. Wow! Ang ganda naman. Hindi ko namalayang naiwanan na nila ako. Kainis. Lowbat pa ko, pa’no ko sila itetext? Pag minamalas ka nga naman. Sige na nga, tatambay na lang ako dito.

            *Click! Click!* Nabigla ako dahil sa liwanag mula sa camera. Dapat bang isama ako? “Ay, kabayo! Mawalang galang na po! Pwede ba, wag mo itapat sa akin yang bastos mong camera!”

            “Ay, pasensya na miss. Akala ko artista ka, eh,” at ibinaba niya yung camera. Susungitan ko pa nga lang siya pero natigilan ako nang makita ko ang  mukha niya.

            “Sabi ko na sa’yo, magkikita pa tayo. Pwede ko na bang malaman ang pangalan mo?”

            “James?”

            “Wow! Tanda mo pa pala ang pangalan ko.”

            Sa lahat pa ng taong pwedeng makita ko, siya pa. “Oo. Teka, bakit ka ba nandito?”

            “Bakit? Ikaw lang ba may karapatang mamasyal dito?”

            “Hay, naku. Sira na nga ang gabi ko, sinira mo pang lalo. Makaalis na nga!”

            Tumalikod na ko pero naramdaman kong pinigilan ako ng kamay niya. “Sandali lang! Kung galit ka sa ginawa ko o sadyang bad trip ka, sa akin mo na lang ibuhos.”

            Aba, natouch naman ako. Ok na sana, kaso sinabi niyang, “Hindi ko maatim na pumangit ka dahil nakabusangot yang mukha mo.”

            “Ang kapal naman ng mukha mo! Kala mo kung sino kang gwapo… Pare-pareho lang naman kayong mga lalaki, ginagawa ninyo lang palipas oras ang mga babae! Pagkatapos paglaruan, itatapon na lang na parang basura!”

            “Whoa… sandali lang. Hindi ako katulad ng iniisip mo. Pwede namang maging kaibigan mo lang ako. Para kahit paano, hindi ka nag-iisa.” Hinaplos niya ang aking mukha at pinunasan ang luha ko. Hindi ko pala napansin na may tumulong luha mula sa aking mga mata.

            “Alam kong may itinatago kang hinanakit. Ayos lang kahit magalit ka sa akin. O sigawan mo ko. Gawin mo. Para mabawasan ang nararamdaman mo.”

            Tinitigan ko lang siya. Parang natameme ako sa sinabi niya. Bigla ulit siyang nagsalita. “Oo, hindi mo ko kilala. Pero hindi ko malaman sa sarili ko kung bakit hindi ko matiis na makitang nalulungkot ka. Sige lang, gawin mo ang makakagaan sa pakiramdam mo.”

            Nginitian ko siya. Tama siya. Kung tutuusin, may choice naman ako. Pwedeng hanggang kaibigan lang naman siya. Naramdaman ko ang sincerity niya sa sinabi niya. “Salamat. Ako nga pala si Bella. Bella Arnaiz.”

            “James. James Laurence Canta. Salamat. Ibig sabihin ba niyan magkaibigan na tayo?”

            “Ahm… oo. Pasensya ka na. Siguro nga, mukha akong man-hater pero…”

            “Wag ka na magsalita. Alam ko. Hindi mo na kailangan sabihin dahil naiintindihan kita.”

            “Salamat ulit.”

            “Salamat din, Bella.”

            “Para saan?” kumunot ang noo ko. Bakit siya magpapasalamat? Ano ba ginawa ko?

            “Dahil binigyan mo ako ng pagkakataon. Dahil ibinigay mo ang pangalan mo. Dahil… naramdaman ko na kahit paano, nagiging Superman ako sa isang Louise na gaya mo.”

            At dun nga nagsimula ang storya namin… bilang magkaibigan. Madalas kaming magtext. Hiningi niya kasi yung number ko. Syempre binigay ko, pagkakataon ko na to eh… na may makausap na gaya niya. Minsan, parang ang gaan talaga ng pakiramdam ko sa kanya. Hindi dahil sa pinagnanasaan ko siya. Kundi dahil sa binibigyan niya ng liwanag ang araw ko, pati na rin ang nakakaantok kong mga gabi. Malambing siya. Maaalalahanin. Sweet. Macho at malaki ang… puso. 

            Madalas kaming kumain sa labas, manood ng sine at mamasyal sa Luneta. Nagawa kong makapag-move on dahil sa kanya. At isa iyon sa ipinagpapasalamat ko. Simula noon, hindi na ako naiinggit sa ibang magkasintahan na nagdadate. Sa totoo lang, kami na ang kinaiinggitan. Gusto ko na ngang hambalusin yung mga babaeng nagpapa-pansin sa kanya. Kung pwede nga lang siya lagyan ng dog collar, ginawa ko na. Oo, hindi siya aso. Pero gusto kong makita nila na akin siya. Kaso wala akong karapatan para gawin iyon. Lalo na ang magselos. Dahil, hindi kami. Sana nga kami na lang pero hindi naman niya ako nililigawan. Pag tinatanong ko siya tungkol sa buhay pag-ibig, isa lang ang isinasagot niya – malapit na.

            Hay, ang swerte naman ng kung sinumang babae iyon. Sana… ako na lang. Sana, siya na lang ang makatuluyan ko. Sana nga ligawan niya na ako. Para kasing kami pero walang pormalidad. Hindi ko talaga alam kung ano kami. Magkaibigan nga ba kami o magka-ibigan? Parang hindi na ko sanay nang wala siya.

            Isang gabi, habang nasa Luneta kami napansin ko na parang may kakaiba sa kanya.

            “James, may problema ba? Parang hindi ka kasi mapakali.”

            “Ahm, oo. Hindi ko kasi alam kung paano ako magtatapat sa isang babaeng gusto ko. Kaibigan ko siya na minsan nang nasaktan. At ayokong muli siyang masaktan. Hindi ko alam kung paano siya magtitiwala ulit lalo na’t parang mukha akong babaero sa paningin niya.”

            Ouch! Eto na nga ba ang sinasabi ko. “Ah… Wala naman masama kung susubukan mo. Malay mo, inaantay ka lang niya… na magsabi, manligaw. Paano mo malalaman kung wala kang gagawin?” Hay, grabe! Ang hirap magpayo lalo na kung alam mong parang nasasaktan ka dahil iba ang gusto niya.

            “Talaga?  Paano kung kunwari, ako… nanligaw ako sa iyo. Ok lang ba? Ano ang magiging reaksyon mo?”

            Nananadya ba siya? Kung hindi ko lang ‘to kaibigan, hinalikan ko na ito. Este, inupakan pala. Huminga muna ako ng malalim saka sumagot, “Depende sa gagawin mo. Kung sakaling liligawan mo ko, gusto kong maramdaman na ako lang ang mundo mo. Oo, malaking bagay ang hinihingi ko pero malaki rin naman ang itataya ko – ang puso ko. At maging ang isip at kaluluwa ko.”

            “Puwes, Ms. Bella Arnaiz, hindi lang kaibigan ang tingin ko sa’yo. At hindi ako umasa na hanggang magkaibigan lang tayo.” Saglit siyang tumigil at hinawakan ang kamay ko. “Una pa lang kitang makita rito sa Luneta Park noon, parang nakuha mo na ang interes ko. Hindi ko malaman kung bakit, pero gusto kita lapitan at makilala pa. At malaman kung anong nagtutulak sa ‘kin para gawin iyon.”

            Praktis ba ito? Pero mukha naman siyang seryoso. Gusto ko sana magsalita pero muli siyang nagsalita. “Noong panahon na mag-isa ka lang sa Luneta at naglalakad, gusto ko malaman kung bakit nababakas ang kalungkutan sa iyong mga mata. Nung nagpapalipad ka naman ng saranggola, para namang nasiyahan ako ng makita ko ang mga ngiti mo. At gusto ko palaging makita iyon. Hinabol ko ang saranggola mo dahil ayaw kong mainis o malungkot ka.”

            “Huh? Anong ibig mong sabihin?” pagtataka ko.

            “Hindi aksidenteng nakuha ko ang saranggola mo. Hinabol ko rin ito nang hindi mo napapansin. Naisip ko na pagkakataon ko na para makilala ka. At yun nga ang nangyari. Ayoko nang palampasin ang pagkakataong iyon. Dahil… baka mawala ka pa sa akin.” Lumayo siya ng kaunti sa akin at may kinuha sa bulsa niya habang hawak ng isa niyang kamay ang isang kamay ko.

            “Ms. Bella Arnaiz, sana tanggapin mo ako bilang boyfriend mo at pumayag na maging ‘future wife’ ko…”  Inilabas niya ang isang singsing. “Hindi kita sasaktan at gagawin ko ang lahat para lagi kong makita ang saya sa iyong mga mata at labi. Dahil mahal na mahal kita, mula noon hanggang ngayon at magpakailaman.”

            Natameme naman ako sa sinabi niya. Akala ko biro lang. “Nanaginip ba ako?” wala sa loob kong sagot sa kanya.

            Isinuot niya yung singsing sa daliri ko at tumayo. Hinawakan niya ang pisngi ko at dahan-dahang inilapit ang mukha niya. Napapikit na lang ako nang lumapat ang mga labi niya sa akin. Oo, parang dampi lang pero higit pa roon ang nararamdaman ko. Tumigil siya at lumayo. Tinitigan niya ako. “Ngayon, tingin mo ba nananaginip ka pa?”

            Ngumiti ako sa kanya. “Hindi. Tingin ko patay na ako… Nasa langit na ako dahil sa’yo.” Niyakap ko siya at binulungan, “Oo, tinatanggap ko na. Mahal din kasi kita.”

            “Talaga?”

            “Oo, ang bagal mo kasi. Akala ko nga iba ang gusto mo, eh. Baka katulad ka ng iba na sa sobrang gwapo, lalaki pala ang gusto.”

            “Ganun ba? Bakla pala. Pakasal na tayo bukas nang makita mo kung sino ang bakla.”

            Sasagot pa lang sana ako pero hinalikan niya ako. Oo, PDA na kami pero ok lang. Abala naman ang mga tao sa paligid namin dahil sa pagtingin sa maliwanag na fountain. Mahal ko siya. At sigurado na ko na siya na ang aking Mr.Right… wala nang eepal pa. Dahil gaya ng sabi niya dati, hindi ko na dapat pakaawalan ang taong mahalaga sa akin.

           

 



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:

A)  Ako si Nina, Laking Laguna (Freestyle Blog)

B) Himig ng Manlalakbay (Tula)

C) Madyik Sapatos (Kwentong Pambata)

Salamat po sa inyong suporta.🙂



Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Maikling Kwento” ng Saranggola Blog Awards 4.

Saranggola Blog Awards

Ang Saranggola Blog Awards 4 ay hatid ng mga sumusunod:

DMCI Homes

Mobeeu

TARAGIS

The URI to TrackBack this entry is: https://princessnins.wordpress.com/2012/10/15/ang-aking-mr-right/trackback/

RSS feed for comments on this post.

2 CommentsLeave a comment

  1. Who is Mr./Ms. Right? is it someone who you truly admire and perfectly fits your qualifications? or that someone who is loaded with flaws but you are willing to fill the empty spaces to show his/her inner beauty?

  2. 2 thumbs up! sa pagkukuwento.

    Ngayon lang ako ata kinilig habang nagbabasa ng isang kwento, ayos ang mga salitang ginamit, tumatagos may kakaibang atake ang mga salita. Hindi ako magtataka na magkaroon ng isang palabas tunggol dito balang-araw

    Isa sa mga paborito ko, Goodluck sa patimpalak!


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: