Ang Eroplano ni Carlo

                       

                     “Lando, andyan na yung taxi. Ipababa mo na yung  ibang gamit mo,” sabi ni Lola Mely.

                      “Opo, Nay. Sandali lang,” sagot ni Mang Lando habang chinecheck kung nakaayos na ang lahat ng gamit niya.

                      Ngayon ang alis ni Mang Lando papuntang Dubai. Nakuha siyang general foreman ng isang kompanya para sa malaking project dun. Dalawang taon ang kontrata niya roon. Ang sahod niya ay doble ng kinikita niya sa dating pinapasukan. Kahit malaki man ang sahod, malungkot si Mang Lando.

                      Inabot niya ang picture frame na may picture nilang tatlo – siya, ang asawa niyang si Ella, at ang anak niyang si Carlo. Dalawang taon siyang mawawalay sa kanyang mag-ina. Dalawang taon din niyang di masusubaybayan ang paglaki ng kaisa-isang anak na lalaki.

                      “Pa, andun na sa taxi ang iba mong gamit.”

                      “Salamat, Ma.” Nilingon nito ang asawa na noo’y nasa pinto ng kanilang silid. “Parang ayokong umalis, Ma. Hindi ko ata kayang mahiwalay sa inyo ni Carlo ng dalawang taon.”

                      “Pa, ganun din naman ang nararamdaman namin ng anak mo. Lalo na si Carlo. Andun siya sa kwarto, umiiyak.”

                      Niyakap niya si Aling Ella. “Hayaan mo, Ma. Kakausapin ko siya. Pabuhat mo na lang kay Nestor tong mga gamit ko at ilagay na sa taxi.”

                      Humiwalay sa pagkakayakap ito at dinampian ng halik ang asawa sa labi. “Sige,Pa.”

                      Pinuntahan ni Mang Lando ang anak at nakita itong humahagulgol sa higaan nito. Pitong taon na si Carlo. Mahihirapan siyang ipaiintindi rito ang pag-alis niya. Nasanay kasi itong kasama siya. Tuwing day-off niya ay ipinapasyal niya ito. Minsan naman ay naglalaro sila pagkagaling nito sa trabaho. Sa oras na umalis siya, hindi na nila iyon magagawa.

                      Napabuntong-hininga siya at bumalik sa kwarto nilang mag-asawa. Maya-maya pa’y bumalik siya na may dalang laruan at nilapitan ang anak.

                      “Carlo, tahan na. Andito si Papa.”

                      Umangat ang mukha ni Carlo na basang-basa ng luha. “Papa…”

                      Binuhat niya ang anak at pinunasan ang mukha nito. “Big boy ka na Carlo. Dapat hindi ka na umiiyak. Papangit ka niyan.”

                      Hindi pa rin tumigilang pag-iyak nito kahit biniro niya na ito. Niyakap niya ang anak. “Anak, mamimiss ka ni Papa. Sandali lang naman ako roon.”

                      “Ayoko, Papa. Matagal ang two years po. Hindi yun sandal lang.”

                      Napangiti si Mang Lando. “Alam ko, anak. Pero kailangang magwork ni Papa. Para makapag-aral ka. Para mas marami ang damit at toys mo. Ibibili ka rin ni Mama ng laptop at sarili mong phone. Ayaw mo ba nun?”

                      Pinunasan ni Carlo ang mukha niya. “Gusto ko po. Pero gusto ko rin na kasama ko kayo.”

                      “Anak, please understand. Di ba smart ka?”

                      “Opo, pero…”

                      “Tingnan mo, Carlo. May ibibigay ako sa iyo.” Inilabas nito ang isang laruang eroplano. “Gusto ko, ingatan mo tong airplane. Diyan ako sasakay mamaya.”

                      “Talaga Papa? Sama mo ko.”

                      “Anak,hindi pwede. Magwowork ako. Hayaan mo, sasakay tayo diyan pag-uwi ko. Pupunta tayo ng Disneyland.”

                      “Papa, sige na. Please?”

                      “Carlo, magagalit na ko. Gusto mo bang paluin kita?”

                      Sumimangot ito. “Ok, Papa. Hindi na po ako mangungulit.”

                      Hinaplos niya ang ulo ng anak. “Don’t worry, babalik ako. Basta, alagaan mo tong airplane hanggang sa umuwi ako. Isipin mo na lang na nakasakay ako diyan. Wag mong pababayaang masira. Sige ka, pag nasira yan, baka mag-crash ang airplane sinasakyan ko at hindi na ko makabalik. Ok?”

                      “Ok, Papa. Promise! Pero promise mo rin na lagi po kayong tatawag.”

                      “Promise, Carlo. Papakabitan ko kay Mama mo ng internet yung computer para makapagusap tayo at makita ko kayo.”

                      “Yehey! Ingat, Papa. Mamimiss ko kayo.”

                      “Take care of Mama habang wala ako. Wag mo siyang paiiyakin. Kaw muna ang knight ng Mama mo. At yung promise mo, aalagaan mo rin yung plane.”

                      “Opo, Papa.”

                      Ilang sandali pa’y nakaalis na ang taxi ni Mang Lando. Nasa labas sina Carlo, at ang iba pa nilang kamag-anak. Malungkot pa rin si Carlo pero yakap niya ang eroplanong bigay ng Papa niya.

                      “Bye, Papa. Aalagaan ko ang airplane na ito.” At pumasok na siya sa bahay.

                      Sa pag-alis ng ama, unti-unting nag-adjust si Carlo upang maibsan ang pangungulila niya dito. Madalas niyang nilalaro ang eroplanong ibinigay ng ama kahit marami pa siyang laruan tulad ng mga action figures, robots, at kotse.

                      Ganumpaman, maingat siya sa paglalaro nito. Hindi niya rin ito inilalabas ng bahay. Pagkatapos niya itong paglaruan ay pinupunasan niya ito at inilalagay sa kanyang study table. Nais niyang tuparin ang binitiwan niyang salita sa ama – na aalagaan niya ang eroplanong iyon hanggang sa pagbalik nito. Ngunit, hindi sa lahat ng oras ay siya lamang ang makakapaglaro nito.

                      Isang hapon, pumunta ang mga kaeskwela ni Carlo para gumawa ng kanilang group project. Sa sala niya napagpasyahan gawin ang project.

                      “Sandali lang ha, kukunin ko lang yung iba pa nating gagamitin sa kwarto ko,” sabi ni Carlo

                       “Ok. Salamat, Carlo. Aayusin na rin namin yung iba pang dala namin para sa project,” ang sabi naman ni Jake na siyang lider nila sa grupo. Pagkasabi nito’y umakyat na papunta sa kwarto niya si Carlo.

                      Kinuha ni Carlo ang pentel pen, glue gun, mga pangkulay, dyaryo at iba pang gagamitin para sa kanilang project. Anim sila sa grupo. Bukod sa kanya at kay Jake, kasama niya rin sa grupo sina Dennis, Mark, Jeremy, at Romy. Ang project nila ay isang diorama na inassign sa kanila ng guro nila sa science. Nang makuha niya na ang lahat ng kailangan ay lumabas na siya ng kwarto. Pagkababa niya’y sinimulan na nila ang paggawa ng project.

                Sumapit ang alas-kwatro ng hapon ngunit wala pa si Aling Ella. Maya-maya’y tumayo na si Carlo. “Jake, pahinga muna kayo. Kukuha lang ako ng mamemeryenda sa kitchen. Pwede kayong manood ng tv kung gusto ninyo.”

                “Pwede rin bang tingnan ang room mo?” tanong ni Romy.

                “Sure. Pero tingin lang,” sagot ni Carlo at pumunta na siya sa kusina.

                      Kumuha siya ng tinapay at ham sa refrigerator nila. Gagawa siya ng ham sandwich. Nagtimpla muna siya ng juice bago niluto ang ham. Habang busy sa paghahanda ng meryenda, pumunta sa kwarto ang mga kaklase niya.

                      Namangha ang mga kaklase niya dahil maimis ang kwarto. Ginagala-gala ni Jeremy ang mga mata sa kwarto ni Carlo nang makita niya ang eroplano. Kinuha ito sa study table. “Ang ganda naman ng eroplano ni Carlo!”

                      “Jeremy, wag mong pakelaman niyan. Baka magalit si Carlo. Di ba sabi niya, tingnan lang natin itong room?” saway ni Jake.

                      “Ok lang yan. Hihiramin ko lang naman, eh,” ang sabi naman ni Jeremy. Naglalaro siya nang pumasok si Carlo para tawagin sila. Nagulat si Jeremy at nalaglag niya ang eroplano sa sahig.

                      Nagalit si Carlo at itinulak si Jeremy. Pinulot niya ang eroplano. “Bakit mo pinaglalaruan ito? Di ba sabi ko, tumingin lang kayo?”

                      Tumayo si Jeremy. “Eh bakit mo ko tinulak?”

                      “Dahil pinapakelaman mo ang hindi dapat pakelaman!” sigaw ni Carlo. “Mabuti pa, bumaba na kayo at magmeryenda sa baba. Iwanan nyo muna ako.”

                      “Anong nangyayari dito? Carlo, bakit ka sumisigaw?” ang sabi ni Aling Ella na noo’y kadarating lang.

                      “Bahala ka. Uuwi na lang ako.” Nakita niya ang nanay ni Carlo. “Pasensya na po,” at saka lumabas na si Jeremy.

                      “Good afternoon po,” baling ni Mark sa ginang. “Carlo, dun na lang muna kami sa baba, kakausapin namin si Jeremy. Pagpasensyahan mo na lang siya.” Pagkasabi nito’y bumaba na ang mga kaklase niya.

                      Tinabihan ni Aling Ella ang anak na nakaupo sa kama at naiyak. “Carlo, ano bang nangyari?” Ikinuwento ni Carlo kung anong nangyari – ang pakekelam sa laruan niya at ang pagtulak niya sa kaklase.

                      Napabuntong-hininga si Aling Ella sa narinig. Hinawakan niya ang kamay ng anak at nagsalita, “Anak, alam kong iniingatan mo ang laruan na yan  pero mali ang ginawa mo. Hindi mo dapat itinulak ang kaklase mo. Pano kung nauntog yan at dumugo ang ulo? Ano ang gagawin mo?”

                      “Pero Mama, ok naman siya. Saka pinakelaman  niya ang eroplano ko.”

                      “Mali pa rin ang ginawa mo. Kahit si Papa mo, magagalit rin siya sa ginawa mo. Hindi dahilan iyon para awayin at itulak mo siya. Paano kung gumanti siya at sirain yang eroplano mo?” Tumingin sa kanya ang anak. “Carlo,pwede naman madaan ang lahat sa mabuting usapan. Natuwa lang ang kaklase mo at nilaro yung laruan mo. Hindi naman niya sinasadyang malaglag yan. Dapat hindi mo siya tinulak.”

                      “Sorry, Mama. Di ko na po uulitin.”

                      “Wag ka sa kin magsorry anak. Dun sa kaklase mo ikaw humingi ng tawad. Ito ang tandaan mo, ang laruan pag nasira, napapalitan. Pero, kung kaibigan o kaklase na ang nawala sa’yo, makakahanap ka ng iba pero hindi tulad niya.”

                      “Opo, Mama. Naiintindihan ko na po.”

                      “Mabuti naman. Makipagbati ka na sa kanya, anak. At ishare mo ang laruan mo pag tapos na kayo sa project nyo. Wala naming sinabi si papa mo na wag ipahiram ang laruan mo. Ang sabi niya lang ay ingatan. Saka mas masayang maglaro ng may kasama.”

                      “Ok po. Salamat, Mama. Pupuntahan ko na po si Jeremy.” Bago siya umalis ay hinalikan muna niya ang ina sa pisngi at tumakbo na dala ang kanyang eroplano.



Published in: on October 15, 2011 at 12:25 pm  Comments (5)  

The URI to TrackBack this entry is: https://princessnins.wordpress.com/2011/10/15/ang-eroplano-ni-carlo/trackback/

RSS feed for comments on this post.

5 CommentsLeave a comment

  1. maganda ang mensahe sa kwento mo… keep it up.

  2. konti pa

  3. hindi ko alam pano ako magreact sa kwento =) hehehe

  4. no comment… hahaha

  5. ang ganda ng kwento mo.. medyo naiiyak ako, ewan ko kung bakit… i really like the story…


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: