Iiyak na lang

By Barbie and Toys

I
Dati laging nilalaro
Kasa-kasama araw at gabi
Bili man sa mall o sa store
Laruan pa rin naman ako

Minsan dinadala sa school,
Sa kapitbahay o kaibigan mo
Nilalaro, pinahihiram
Ok lang yan sa akin

Pero bakit isang araw
Nagbago ang lahat sa tin
Bigla mo na lang ibinato
Nagkabukol tuloy ako…

Chorus:
Iiiyak na lang,
Iiyak na lang…
Di mo ba alam ako’y nasasaktan?

Iiyak na lang,
Kasi laruan lang
Di mo ba alam ako’y nasisira?

II
Bakit naman nagkaganon?
Ginawa pa kong blackboard
Pinagchop chop chop mo ako
Kaya wala na ko…

(chorus)
(chorus..then fades)



Note:
For Freestyle (Blog)… Song po siya na ipinattern ko sa Iiyak na lang… Just to share. Kahit hindi masama sa qualified entry.

Published in: on October 15, 2011 at 12:47 pm  Leave a Comment  

Ang Aking Knight in Cute Armor

   

   

 

 

 

 

                     Grabe ang pagod ko ngayong araw na ito. Pauwi na ko galing sa trabaho nang maisipan kong magpahangin muna sa plasa. Wala naman akong pasok bukas saka sandali lang naman eh. Umupo ako sa hagdan na malapit sa bantayog ni Rizal. Kakaunti na lang ang mga tao sa oras na ito. May nagtitinda ng balot, chicharon,lugaw at kung anu-ano pa. Mayroon din mga maliliit na grupo ng kabataan, pamilya at ilang magkasintahan. Hay… Kakainggit. Masarap sanang tumambay dito kung may kasama. Paano’y pangsecond shift ako, alas dos hanggang alas diyes.  Sino pa ba ang pwede kong yayain sa ganitong oras? Hindi pwede si Lea, baka tulog na yung bestfriend ko na yun.  Hindi rin naman pwede si James, baka may ginagawa pa yun. Pero hindi naman siguro masama kung magpapasundo ako. Ano kaya?

                     Itetext ko na sana siya nang may nakaagaw ng pansin ko sa hindi kalayuan. Isang babae at lalaki na kumakain ng burger sa isang bench. Tantsa ko’y magkasintahan sila. Nakaakbay kasi yung lalaki sa babae at nagsusubuan pa sila. Ang sweet naman! Pero, parang pamilyar sa akin ang mukha ng lalaki. Kamukha siya nung boyfriend ko.  Hmm… Hindi naman siguro. May tiwala naman ako sa kanya eh. Makauwi na nga lang, baka namimiss ko lang siya  kaya ganito.

                      Tumayo ako at naglakad papunta sa bilihan ng kwek-kwek na medyo malapit sa dalawa. Habang kumakain ako, napatitig ako sa mukha ng lalaki. Nabitawan ko ang hawak kong stick. Hindi ako maaaring magkamali. Si James! Pero bakit? Sinubukan kong palisin ang mga alinlangang namuo sa aking isipan. Mahal ako ni James. Hindi naman niya ako ipagpapalit sa iba dahil wala naman akong naging pagkukulang sa aming relasyon. Baka naman bestfriend niya lang yun. Or childhood friend at ganun na talaga ang turingan nila. Ngunit nagulat na lang ako ng halikan niya ang babae. Hindi ko na napigilan ang paglaglag ng luha mula sa aking mga mata.

                    “Miss, ok ka lang ba?” tanong ni manong na nagtitinda ng kwek-kwek. Hindi ako sumagot. Parang wala lang akong narinig. Hindi ko mailarawan ang sakit na nararamdaman ko. Sa dinami-dami ng lalaking pwedeng manakit sa akin, bakit siya pa? Pwede naman ang holdaper o kahit sinong kriminal, pero siya pa! And worst, super sakit.

                     Wala sa loob ko na lumapit sa dalawa. Napatigil sila sa pagtatawanan.

                     “Ninz …” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil ubod lakas ko siyang sinampal. Nagulat ang babaeng kasama niya.

                     “Ang kapal ng mukha mo! Di ko inakalang magagawa mo sa kin to, James. Bakit? Saan ba ko nagkulang?” Pinunasan ko ang magkabilang pisngi ko bago muling magsalita. “Minahal kita James. Naglalaan naman ako ng time pero bakit? Sana, sinabi mo na lang na ayaw mo na sa akin kaysa naman sa ganito.”

                     Tinitigan ko siya sa kanyang mga mata. Sinubukan kong hanapin ang pagsisi mula roon ngunit bigo ako. Mukhang mas mahal niya ang babaeng kasama  kaysa sa akin. Bumuntong-hininga ako at inipon muna ang lahat ng lakas ng loob ko. “Mahal kita. Pero, mas gugustuhin kong tapusin na ang relasyon natin para maging malaya ka na kahit nasasaktan man ako. Sana maging masaya ka.” Tumalikod na ko at umalis habang umiiyak. Hindi ko na sila nilingon pa. Gusto ko ng umuwi at magpahinga.

                     Kinabukasan. Tanghali na ko nagising. Pumunta ako ng banyo at naghilamos. Tinitigan ko ang aking sarili sa salamin. Namaga ang mata ko dahil sa kakaiyak kagabi. Pero napagisip-isip ko na hindi ko siya dapat iyakan. Isa lang naman ang ibig sabihin kung bakit nangyari ito – hindi kami ang para sa isa’t isa. Mabuti pa’y lumabas na lang ako. Makapaglakad-lakad. Nagsuot ako ng shades para hindi halata ang mga mugto kong mata.

                     Sa SM, tumingin-tingin muna ako sa mga shops. Wala akong nagustuhang bilhin kaya pumunta na lang ako sa KFC para kumain. Hay… Hindi pa rin mabura sa isip ko ang nangyari kagabi. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin pa ang sugat na ginawa niya. Kainis! Makapaglaro na nga lang sa arcade.

                     Papunta ako roon nang may tumawag sa akin. Wow, ang cute naman ng estrangherong ito – pwede na ang deskripsyon na white at handsome. Hindi nga lang pwede ang “tall” kasi di naman siya matangkad. Nakasuot siya ng isang itim na cap, light pink na necktie, asul na maong pants at ang itim na polo shirt nito na may nakasulat na I’m yours, Forever. Nasa loob siya ng isang stuff toy store. Hindi naman siguro masamang makipagkilala. Kaya pumasok ako at lumapit sa kanya.

                     “Hi!” ang ekspresyon na nakita ko sa mga mata niya.

                     “Hi!” ang sagot ko.

                     “Bakit ka malungkot, Miss? Gusto mo ba ng kaibigan? Available ako. Handa akong makinig sa anumang hinain mo. Gusto kong gumaan ang loob mo.”

                     Nice. Mukhang siya ang kelangan ko sa panahong ito. Hindi ko pa kayang sabihin kay Lea kung anong nangyari dahil busy ito. Hmm… I’ll give it a try. Maya-maya’y lumabas na kami sa store ng bago kong kakilala – si Prince. Pumunta kami sa isang tahimik na lugar. Dun sa park ng isang subdivision. Sinabi ko sa kanya kung anong nangyari sa akin. Kung bakit nga ba ako malungkot. Kung bakit ako nag-iisa.  Niyakap ko siya at umiyak. Kahit nakinig lamang siya at hinayaang umiyak ako sa kanyang balikat, parang gumaan na ang pakiramdam ko. Masaya ako dahil nakakilala ako ng isang bagong kaibigan.

                     Pag-uwi ko ng bahay, ipinakilala ko siya sa parents ko. Natuwa ang mga magulang ko. Ang cute naman daw ni Prince. Pagkakain ko ng hapunan, isinama ko siya sa aking kwarto. Inilibot ko siya sa aking roon at muling nakipagkwentuhan. Hindi ako makapaniwala. Parang nakarecover ako agad. First love ko si James. First boyfriend. First kiss. At ang malala, first heartbreak. Pero ok lang, andito naman ang pinaka-cute kong friend. Salamat kay Prince, ang aking knight in cute armor na siyang nagligtas sa akin mula sa mala-monster kong kalungkutan.

                     Kinabukasan, sinalubong ko ang umaga ng may ngiti sa aking mukha. “Good morning, Prince!” bati ko ngunit wala akong sagot na narinig. Tulog pa ang knight ko na katabi ko sa buong gabi. Sabagay, masyado pang maaga ang gising ko. First shift na kasi ako. Dapat ay makapunta na ko sa pick-up point bago mag- 4:30. Inayos ko ang aking higaan at kinumutan si Prince. Nagmamadali akong pumunta sa CR para  maligo. Binilisan ko rin ang pagbibihis, baka mahuli ako. Lumapit ako kay Prince at dinampian ko siya ng halik sa mukha. “Babalik ako mamaya Prince. Diyan ka lang, papasok na ko. Bye.”

                     Pagdating ko sa company, walang bakas ng break-up na nakita sa aking mukha. Ang ganda pati ng mood ko. I feel so inspired sa araw na ito.

                     “Uy, Ninz! Blooming ah,” sabi ni Joan, isa sa mga kasama ko sa linya.

                     “Ahm, thanks pero di mo naman ako kailangang bolahin. Wala pang sahod. Hindi pa kita maililibre ng cheese burger,” ang naisagot ko.

                     “Sus! Hindi bola yun. Totoo naman, eh. Kamusta na ba kayo ng jowa mo?”

                     “Break na kami nung Sabado lang.”

                     Nagulat ang kausap ko. “Talaga? Anong nangyari?”

                     “Mahabang kwento.”

                     “Ikwento mo naman sa akin. Teka, kung nagbreak kayo, bakit ka naman masaya?” curious na tanong niya.

                     “Secret. Mamaya na natin pag-usapan. Malapit na magbell.” At tinungo na namin ang harapan ng linya.

                     Pag-uwi ko sa bahay mula sa trabaho, nakita ko si Prince. Nakaupo sa aking higaan,nakangiti. “Welcome home. Napagod ka ba?”

                     “Hindi ako napagod Prince, kasi isang ngiti mo lang, tanggal na. Pati ang gutom ko.” Natawa na lang ako sa nasabi ko. Ang cheesy!!! Eww. Hindi naman ako mahilig sa ganung lines pero kinikilig naman ako kapag nasasabihan ng boyfriend ko ng ganun. Bad trip! Naalala ko na naman siya. Makapagshower na nga lang . At pumunta na ako sa banyo.

                     Pagkatapos, kinuha ko ang bago kong bili na DVD tape, In the Name of Love ang title. Si Angel Locsin at Aga Mulach ang bida sa pelikulang ito. Pinanood namin ni Prince ang pelikula. In fairness, ang ganda ng movie. Isang love story na kung saan handang magsakripisyo ang bawat isa alang-alang sa kanilang minamahal, kahit buhay pa nila ang kanilang isugal. Naiyak ako. Sana, ganun din ang una kong minahal. Anyway, I need to forget and move on. May ipa naman, eh.

                     I love the movie. Pero mas masarap sanang manood kung kasama ko ang mahal ko. Hay… nga pala, andito si Prince. Nakalimutan ko. Para kaming magboyfriend dahil yakap ko siya habang nanonood kanina. Pero, hindi ko naman masasabi na lovers kami kahit magkasama kami sa kwarto ko. Sapat na ang manatili siya sa aking tabi dahil hindi ako nakakadama ng pag-iisa at pagkalungkot. Tingin ko’y makakaya kong harapin ang bawat bukas ng walang alinlangan, basta kasama ko siya bukod sa mga taong malalapit sa aking puso.

                     Madalas ko siyang kinukwentuhan. Minsa’y kasama ko rin siya pag pumupunta ako sa probinsya. Isinasama ko rin siya kapag nagbibike ako. Kapag namamasyal ako sa mall o naglalakad–lakad, siya ang ginagawa kong escort at bodyguard. Pag nakikita siya ng mga bata, pare-pareho lang ang naririnig ko – ang cute naman! Lagi ko naman nasasabi sa isip ko na “Wow! Hearthrob pala ang escort ko”. Madalas ko rin siyang yakapin, hawakan at halikan pero never naman siyang nangyakap o humalik sa kin. But I’m 100% sure, hindi siya bakla.

                     Lumipas ang maraming araw, linggo at buwan. Nagtuloy-tuloy pa rin naman ang ikot ng aking normal at magulong mundo. Trabaho, pamilya, gimik, hobbies at mga kaibigan…no love life. Kahit kasama ko si Prince, I’m still single and available. We can never be together as lovers pero pwede naman kaming magkasama ng matagal. Ni minsan ay wala akong narinig sa kanya na anumang salita. Ni hindi rin siya gumagalaw. How I wish na sana, nagagawa niya ang mga bagay na iyon. Na sana … pareho kami. But not. Imposible. Si Prince ay isa lamang puting teddy bear na nabili ko sa stuff toy store. Naisip ko na hindi ako masasaktan ng isang teddy bear, kaya naisip kong gawin siyang kaibigan. Oo, hindi ako niya ko nasasaktan but the problem is, he can never talk nor love me back. Ganumpaman, masaya ako na dumating siya sa buhay ko. Mananatiling nakatatak sa aking puso at isip na may isang Prince na nagrescue sa akin mula sa aking unang pagkabigo sa pag-ibig. Hindi ko siya ipagpapalit sa ibang stuff toy kahit mas cute at mas cuddly pa sa kanya. Dahil para sa akin, si Prince lang aking one and only knight… in cute armor.

Published in: on October 15, 2011 at 12:40 pm  Comments (15)  
Tags: , , , , ,

Ang Pamilyang Oso at Aso



                 Ito ay isang kuha ng larawan ng dalawang grupo ng stufftoys… Ang OSO at ang ASO. Maaring may kaunting pagkakaiba sa spelling pero ano nga ba ang istorya sa likod ng larawang ito? Kung anuman iyon, kayo ang humusga. Ito ang aking entry para sa SARANGGOLA BLOG AWARDS Year 3 sa kategoryang “PHOTOBLOG”.

Published in: on October 15, 2011 at 12:37 pm  Comments (1)  

Teddy Bear ko

Sa pagmulat yaring mga mata,

Di ko man inaasahan

Ikaw ang unang nasisilayan;

Di man ako batiin,

O kahit di mo bigyang-pansin,

Hatid mo pa rin sa akin

Ang ngiting walang kasing tamis.


Araw man o gabi,

Umulan man o hindi,

Di pwedeng di makita,

Di maaring di mayakap,

Pagkat ikaw lang nagpapadama

Ng kasiyahang ako man ay di ko maipaliwanag.


Teddy bear ko

Wag ka sanang magtampo

Kung ako man ay hindi makasama

At lahat ng oras ko sa’yo ay mailaan;

May mga dapat pa kong gawin,

Mga bagay na dapat unahin,

Hayaan mo ako’y babawi

Please muli ka ng ngumiti,

Para kacute-tan mo’y hindi na mabawasan.


O Teddy bear,

Sa tuwing ako’y uuwi,

Ikaw lang ang laruan

Aking hanap-hanap;

At iyong pagkatandaan,

Ika’y aking aalagaan

Magkaroon man ng iba

Mananatili ka sa akin

Di lang bilang laruan,

Kundi isang kaibigan,

Kahit ika’y isang teddy bear lamang.



Published in: on October 15, 2011 at 12:30 pm  Comments (1)  
Tags: , , ,

Ang Eroplano ni Carlo

                       

                     “Lando, andyan na yung taxi. Ipababa mo na yung  ibang gamit mo,” sabi ni Lola Mely.

                      “Opo, Nay. Sandali lang,” sagot ni Mang Lando habang chinecheck kung nakaayos na ang lahat ng gamit niya.

                      Ngayon ang alis ni Mang Lando papuntang Dubai. Nakuha siyang general foreman ng isang kompanya para sa malaking project dun. Dalawang taon ang kontrata niya roon. Ang sahod niya ay doble ng kinikita niya sa dating pinapasukan. Kahit malaki man ang sahod, malungkot si Mang Lando.

                      Inabot niya ang picture frame na may picture nilang tatlo – siya, ang asawa niyang si Ella, at ang anak niyang si Carlo. Dalawang taon siyang mawawalay sa kanyang mag-ina. Dalawang taon din niyang di masusubaybayan ang paglaki ng kaisa-isang anak na lalaki.

                      “Pa, andun na sa taxi ang iba mong gamit.”

                      “Salamat, Ma.” Nilingon nito ang asawa na noo’y nasa pinto ng kanilang silid. “Parang ayokong umalis, Ma. Hindi ko ata kayang mahiwalay sa inyo ni Carlo ng dalawang taon.”

                      “Pa, ganun din naman ang nararamdaman namin ng anak mo. Lalo na si Carlo. Andun siya sa kwarto, umiiyak.”

                      Niyakap niya si Aling Ella. “Hayaan mo, Ma. Kakausapin ko siya. Pabuhat mo na lang kay Nestor tong mga gamit ko at ilagay na sa taxi.”

                      Humiwalay sa pagkakayakap ito at dinampian ng halik ang asawa sa labi. “Sige,Pa.”

                      Pinuntahan ni Mang Lando ang anak at nakita itong humahagulgol sa higaan nito. Pitong taon na si Carlo. Mahihirapan siyang ipaiintindi rito ang pag-alis niya. Nasanay kasi itong kasama siya. Tuwing day-off niya ay ipinapasyal niya ito. Minsan naman ay naglalaro sila pagkagaling nito sa trabaho. Sa oras na umalis siya, hindi na nila iyon magagawa.

                      Napabuntong-hininga siya at bumalik sa kwarto nilang mag-asawa. Maya-maya pa’y bumalik siya na may dalang laruan at nilapitan ang anak.

                      “Carlo, tahan na. Andito si Papa.”

                      Umangat ang mukha ni Carlo na basang-basa ng luha. “Papa…”

                      Binuhat niya ang anak at pinunasan ang mukha nito. “Big boy ka na Carlo. Dapat hindi ka na umiiyak. Papangit ka niyan.”

                      Hindi pa rin tumigilang pag-iyak nito kahit biniro niya na ito. Niyakap niya ang anak. “Anak, mamimiss ka ni Papa. Sandali lang naman ako roon.”

                      “Ayoko, Papa. Matagal ang two years po. Hindi yun sandal lang.”

                      Napangiti si Mang Lando. “Alam ko, anak. Pero kailangang magwork ni Papa. Para makapag-aral ka. Para mas marami ang damit at toys mo. Ibibili ka rin ni Mama ng laptop at sarili mong phone. Ayaw mo ba nun?”

                      Pinunasan ni Carlo ang mukha niya. “Gusto ko po. Pero gusto ko rin na kasama ko kayo.”

                      “Anak, please understand. Di ba smart ka?”

                      “Opo, pero…”

                      “Tingnan mo, Carlo. May ibibigay ako sa iyo.” Inilabas nito ang isang laruang eroplano. “Gusto ko, ingatan mo tong airplane. Diyan ako sasakay mamaya.”

                      “Talaga Papa? Sama mo ko.”

                      “Anak,hindi pwede. Magwowork ako. Hayaan mo, sasakay tayo diyan pag-uwi ko. Pupunta tayo ng Disneyland.”

                      “Papa, sige na. Please?”

                      “Carlo, magagalit na ko. Gusto mo bang paluin kita?”

                      Sumimangot ito. “Ok, Papa. Hindi na po ako mangungulit.”

                      Hinaplos niya ang ulo ng anak. “Don’t worry, babalik ako. Basta, alagaan mo tong airplane hanggang sa umuwi ako. Isipin mo na lang na nakasakay ako diyan. Wag mong pababayaang masira. Sige ka, pag nasira yan, baka mag-crash ang airplane sinasakyan ko at hindi na ko makabalik. Ok?”

                      “Ok, Papa. Promise! Pero promise mo rin na lagi po kayong tatawag.”

                      “Promise, Carlo. Papakabitan ko kay Mama mo ng internet yung computer para makapagusap tayo at makita ko kayo.”

                      “Yehey! Ingat, Papa. Mamimiss ko kayo.”

                      “Take care of Mama habang wala ako. Wag mo siyang paiiyakin. Kaw muna ang knight ng Mama mo. At yung promise mo, aalagaan mo rin yung plane.”

                      “Opo, Papa.”

                      Ilang sandali pa’y nakaalis na ang taxi ni Mang Lando. Nasa labas sina Carlo, at ang iba pa nilang kamag-anak. Malungkot pa rin si Carlo pero yakap niya ang eroplanong bigay ng Papa niya.

                      “Bye, Papa. Aalagaan ko ang airplane na ito.” At pumasok na siya sa bahay.

                      Sa pag-alis ng ama, unti-unting nag-adjust si Carlo upang maibsan ang pangungulila niya dito. Madalas niyang nilalaro ang eroplanong ibinigay ng ama kahit marami pa siyang laruan tulad ng mga action figures, robots, at kotse.

                      Ganumpaman, maingat siya sa paglalaro nito. Hindi niya rin ito inilalabas ng bahay. Pagkatapos niya itong paglaruan ay pinupunasan niya ito at inilalagay sa kanyang study table. Nais niyang tuparin ang binitiwan niyang salita sa ama – na aalagaan niya ang eroplanong iyon hanggang sa pagbalik nito. Ngunit, hindi sa lahat ng oras ay siya lamang ang makakapaglaro nito.

                      Isang hapon, pumunta ang mga kaeskwela ni Carlo para gumawa ng kanilang group project. Sa sala niya napagpasyahan gawin ang project.

                      “Sandali lang ha, kukunin ko lang yung iba pa nating gagamitin sa kwarto ko,” sabi ni Carlo

                       “Ok. Salamat, Carlo. Aayusin na rin namin yung iba pang dala namin para sa project,” ang sabi naman ni Jake na siyang lider nila sa grupo. Pagkasabi nito’y umakyat na papunta sa kwarto niya si Carlo.

                      Kinuha ni Carlo ang pentel pen, glue gun, mga pangkulay, dyaryo at iba pang gagamitin para sa kanilang project. Anim sila sa grupo. Bukod sa kanya at kay Jake, kasama niya rin sa grupo sina Dennis, Mark, Jeremy, at Romy. Ang project nila ay isang diorama na inassign sa kanila ng guro nila sa science. Nang makuha niya na ang lahat ng kailangan ay lumabas na siya ng kwarto. Pagkababa niya’y sinimulan na nila ang paggawa ng project.

                Sumapit ang alas-kwatro ng hapon ngunit wala pa si Aling Ella. Maya-maya’y tumayo na si Carlo. “Jake, pahinga muna kayo. Kukuha lang ako ng mamemeryenda sa kitchen. Pwede kayong manood ng tv kung gusto ninyo.”

                “Pwede rin bang tingnan ang room mo?” tanong ni Romy.

                “Sure. Pero tingin lang,” sagot ni Carlo at pumunta na siya sa kusina.

                      Kumuha siya ng tinapay at ham sa refrigerator nila. Gagawa siya ng ham sandwich. Nagtimpla muna siya ng juice bago niluto ang ham. Habang busy sa paghahanda ng meryenda, pumunta sa kwarto ang mga kaklase niya.

                      Namangha ang mga kaklase niya dahil maimis ang kwarto. Ginagala-gala ni Jeremy ang mga mata sa kwarto ni Carlo nang makita niya ang eroplano. Kinuha ito sa study table. “Ang ganda naman ng eroplano ni Carlo!”

                      “Jeremy, wag mong pakelaman niyan. Baka magalit si Carlo. Di ba sabi niya, tingnan lang natin itong room?” saway ni Jake.

                      “Ok lang yan. Hihiramin ko lang naman, eh,” ang sabi naman ni Jeremy. Naglalaro siya nang pumasok si Carlo para tawagin sila. Nagulat si Jeremy at nalaglag niya ang eroplano sa sahig.

                      Nagalit si Carlo at itinulak si Jeremy. Pinulot niya ang eroplano. “Bakit mo pinaglalaruan ito? Di ba sabi ko, tumingin lang kayo?”

                      Tumayo si Jeremy. “Eh bakit mo ko tinulak?”

                      “Dahil pinapakelaman mo ang hindi dapat pakelaman!” sigaw ni Carlo. “Mabuti pa, bumaba na kayo at magmeryenda sa baba. Iwanan nyo muna ako.”

                      “Anong nangyayari dito? Carlo, bakit ka sumisigaw?” ang sabi ni Aling Ella na noo’y kadarating lang.

                      “Bahala ka. Uuwi na lang ako.” Nakita niya ang nanay ni Carlo. “Pasensya na po,” at saka lumabas na si Jeremy.

                      “Good afternoon po,” baling ni Mark sa ginang. “Carlo, dun na lang muna kami sa baba, kakausapin namin si Jeremy. Pagpasensyahan mo na lang siya.” Pagkasabi nito’y bumaba na ang mga kaklase niya.

                      Tinabihan ni Aling Ella ang anak na nakaupo sa kama at naiyak. “Carlo, ano bang nangyari?” Ikinuwento ni Carlo kung anong nangyari – ang pakekelam sa laruan niya at ang pagtulak niya sa kaklase.

                      Napabuntong-hininga si Aling Ella sa narinig. Hinawakan niya ang kamay ng anak at nagsalita, “Anak, alam kong iniingatan mo ang laruan na yan  pero mali ang ginawa mo. Hindi mo dapat itinulak ang kaklase mo. Pano kung nauntog yan at dumugo ang ulo? Ano ang gagawin mo?”

                      “Pero Mama, ok naman siya. Saka pinakelaman  niya ang eroplano ko.”

                      “Mali pa rin ang ginawa mo. Kahit si Papa mo, magagalit rin siya sa ginawa mo. Hindi dahilan iyon para awayin at itulak mo siya. Paano kung gumanti siya at sirain yang eroplano mo?” Tumingin sa kanya ang anak. “Carlo,pwede naman madaan ang lahat sa mabuting usapan. Natuwa lang ang kaklase mo at nilaro yung laruan mo. Hindi naman niya sinasadyang malaglag yan. Dapat hindi mo siya tinulak.”

                      “Sorry, Mama. Di ko na po uulitin.”

                      “Wag ka sa kin magsorry anak. Dun sa kaklase mo ikaw humingi ng tawad. Ito ang tandaan mo, ang laruan pag nasira, napapalitan. Pero, kung kaibigan o kaklase na ang nawala sa’yo, makakahanap ka ng iba pero hindi tulad niya.”

                      “Opo, Mama. Naiintindihan ko na po.”

                      “Mabuti naman. Makipagbati ka na sa kanya, anak. At ishare mo ang laruan mo pag tapos na kayo sa project nyo. Wala naming sinabi si papa mo na wag ipahiram ang laruan mo. Ang sabi niya lang ay ingatan. Saka mas masayang maglaro ng may kasama.”

                      “Ok po. Salamat, Mama. Pupuntahan ko na po si Jeremy.” Bago siya umalis ay hinalikan muna niya ang ina sa pisngi at tumakbo na dala ang kanyang eroplano.



Published in: on October 15, 2011 at 12:25 pm  Comments (5)