Ang Regalo ko Kay Mama

 

       “Birthday na ni Mama bukas!” sabi ni Noel habang tinitingnan ang kalendaryo. “Ito na ang panahon para i-lechon si Piggy!”

       Binuksan niya ang kanyang cabinet kung saan nakatago ang kanyang alkansyang baboy. “Piggy, kukunin ko na ang ipon ko, ah. Bibili ako ng regalo kay Mama ngayon.”

       Nang bilangin niya kung magkano ang naipon niya, nasiyahan siya dahil sobra pa iyon na pambili ng daster ng ina. Lumabas siya ng kwarto dala ang ipon niya at nagpaalam sa ina, “Mama, labas muna po ako. May pupuntahan lang ako.”

       “O, sige Noel. Umuwi ka ng maaga,” ang sagot ni Aling Lyn na abala sa paglilinis ng kusina.

       Habang naglalakad, iniisip ni Noel kung paano niya sosopresahin ang ina bukas. Nais niyang mapasaya ito sa kaarawan nito.

       Batid niya ang paghihirap ng kanyang mga magulang, lalo na ni Aling Lyn upang mapalaki lamang siya ng maayos. Palaging abala sa trabaho ang kanyang ama kaya ang nanay niya ang laging umaasikaso sa kanya. Araw-araw ay gumugising ito ng maaga para magluto ng pagkain, maglaba, at maglinis ng bahay. Kapag nagkakaroon ng meeting ang mga magulang; at pag may sinasalihan siyang contest o program sa school, naroon lagi ang kanyang ina para suportahan siya. Pati sa mga assignments at projects, tumutulong din ito.

       At para masuklian ang pagmamahal ng mga ito sa sarili niyang paraan, nag-aaral siya ng mabuti at umiiwas na maging pasaway. Tuwing tapos na ang grading period at kuhanan ng kard, lagi siyang nasa Top 3 ng klase. Masunurin siya sa lahat ng inuutos at sinasabi ng mga magulang. Lubos na nagpapasalamat sa Diyos ang mag-asawa dahil nabigyan sila ng anak na gaya ni Noel.

       Papunta na siya ng palengke nang madaanan niya ang bahay ng Tiya Ana niya. Naisip niyang magpatulong sa kanyang tiyahin dahil baka may maganda itong mungkahi para sa kaarawan ng ina.

       Kumatok si Noel. “Tao po! Tao po! Tiya Ana, andito po ba kayo?”

       Bumukas ang pinto. “O, Noel! Napadaan ka, ata. Halika, pasok ka muna,” ang sabi ng butihing matanda.

       Pagpasok nila nakita niya ang pinsan niya na nakahiga sa higaan. May nakalagay na towel sa noo nito at parang may-sakit.

       “Tiya, magpapatulong po sana ako sa inyo dahil kaarawan ni Mama bukas. Pero, mukhang may problema po kayo dito sa bahay,” malungkot niyang sabi habang nilalapitan ang pinsang si Mimay.

       “Ah, oo nga. Kaarawan nga pala ni Lyn bukas. Pasensya ka na Noel, kung pinag-alala pa kita. Kagabi pa nilalagnat si Mimay. Hindi ako makabili ng gamot dahil malayo ang bilihan. Di ko maiwan si Mimay ng mag-isa dito. Wala rin akong sapat na pera para pambili ng gamot,” ang sabi ng tiyahin niya habang pinupunasan ang anak.

       “Ganun po ba?” Naawa si Noel sa pinsan nito. “Tiya, alis muna po ako. Babalik din ako.” At dali-dali itong umalis.

       Makalipas ang ilang sandali, dumating si Noel hawak ang isang supot at inabotsa tiyahin.

       Nagulat na lamang si Tiya Ana ng makita kung ano ang nasa loob ng supot. “Naku, nag-abala ka pa, Noel! Salamat dito sa gamot at goto na binili mo.”

       “Wala pong anuman, Tiya.”

       “Teka, at saan mo naman nakuha ang perang pambili ng mga ito?”

       Yumuko si Noel. “Sa ipon ko po. Bibili sana ako ng daster para kay Mama.”

       “Ganun ba, Noel? Hindi ka na dapat bumili pa ng gamot. Paano ang regalo mo sa nanay mo?”

       Nag-angat ng ulo si Noel at ngumiti. “Tiya, ok lang po yun sa akin. Mas kailangan ni Mimay ang gamot. Pwede ko namang bigyan si Mama ng ibang regalo.”

       Natuwa si Tiya Ana sa pamangkin. “Napakabait mong bata, Noel. Napakaswerte ng iyong ina dahil nagkaroon siya ng mabait at gwapong anak na gaya mo.”

       “Tiya, binola pa ko. Alam ko naman na gwapo ako, matagal na.”

       Nagkatawanan sila magtiyahin. Sa isip ni Noel,di nga siya nakabili ng gusto niyang regalo pero kahit papaano’y napasaya at natulungan niya si Tiya Ana.

       “Nga pala, alis na po ako. May mga gagawin pa po ako sa bahay.”

       “Sige, Noel. Salamat uli. Pakisabi sa nanay mo, happy birthday, ah. Dadaan kami sa inyo kapag mabuti na ang pakiramdam ni Mimay.”

       “Opo. Sana gumaling na po si Mimay,” at umuwi na si Noel.

       Kinabukasan, tinanghali na ng gising si Aling Lyn. Nang siya’y lumabas ng silid, ginala niya ang mga mata sa buong kabahayan. Nilampaso ang sahig. Napunasan na ang mga kasangkapan, pati ang bintana. Pati ang labas, halatang diniligan ang mga halaman at winalisan ang mga kalat.

       Pagpunta niya ng kusina, nakita niyang may nakahanda ng pagkain at may isang kartolina.

       “Happy Birthday, Mama!” ang bati ni Noel at ni Mang Isko.

       Niyakap at hinagkan niya ang kanyang mag-ama. Naluluha pa ito ng umalis sa pagkakayakap.

       “Ma, happy birthday. Alam mo ba, napaka-sweet talaga ng anak mo. Siya halos ang gumawa ng lahat. Pero siyempre, di ako papatalo. Ako naman ang naghanda ng pagkain.”

       Ngumiti si Aling Lyn. Hinaplos ang ulo ng anak. “Talaga? Ang bait naman ng anak ko.”

       “Mama, meron po akong regalo sa inyo.” Inilabas niya ang isang kard at bugkos ng bulaklak.

       “Ako rin, Ma. May regalo rin ako.” Iniabot naman ni Mang Isko ang isang kahon na may lamang damit.

       “Salamat, salamat sa inyong dalawa. Alam ninyo, kahit wala kayong ibigay na regalo ay masaya na ko. Makasama ko lang kayong dalawa ay kontento na ko dahil kayo ang mga pinakamahalagang tao sa buhay ko,” ang sabi ni Aling Lyn habang tinitingnan ang mga regalo.

       “Mahal na mahal namin po kayo, Mama.” At hinalikan ni Noel ang pisngi ng ina.

       “Nga pala, may bisita pa pala tayo,” ang sabi ng ama ni Noel.

       “Happy birthday, Lyn,” ang bati ni Tiya Ana.

       Lumapit si Mimay at yumakap kay Aling Lyn. “Happy birthday po, tita.”

       “May dala nga pala akong turon. Dumaan kasi si Noel sa bahay kahapon. Saka ko lang naalala na kaarawan mo pala ngayon,” ang sabi ni Tiya Ana habang nilalagay sa mesa ang turon.

       “Bakit naman napadaan si Noel sa inyo?” pagtataka niya.

       “Di ba nasabi ni Noel sa iyo? May sakit si Mimay kahapon. Tapos ibinili niya ng gamot at goto ang ipon niya. Dapat sana’y ibibili niya ang naipon niyang pera ng daster kahapon.”

       “Opo, tita. Ang bait nga po ni Kuya Noel.” Tumingin si Mimay kay Noel. “Kuya, salamat ah.”

       “Wala yun, Mimay. Mabuti naman at magaling ka na,” ang sabi ni Noel.

       “Mukhang maraming sopresa sa akin ang anak kong ito, ah,” natutuwang sabi ni Aling Lyn. “Mabuti pa’y kumain na tayo bago pa lumamig ang mga pagkain.”

       At masayang nagsalu-salo sina Aling Lyn, Mang Isko, Tiya Ana, Mimay at Noel. Napakasaya ni Noel. Higit pa sa inaasahan niya ang mga nangyari. Bukod pa roon ay napakarami niyang napaligaya sa simpleng paraan. Sana nga laging ganito, masaya sila at magkakasama.

 



 

Published in: on October 15, 2010 at 2:49 pm  Comments (2)  
Tags: , , , ,

The URI to TrackBack this entry is: https://princessnins.wordpress.com/2010/10/15/ang-regalo-ko-kay-mama/trackback/

RSS feed for comments on this post.

2 CommentsLeave a comment

  1. Binabati kita, ang iyong akda ay napili at napabilang na isa sa mga top 5 finalists ng Saranggola Blog Awards sa kategoryang Kwentong pambata!

  2. ang ganda naman ng kwento nakakaiyak saan ka noel bati ka saana NG GOD


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: