Ang Kinang at Panglaw ng Isang Bituin



       “Inay! Inay!” ang sigaw ni Lea habang papalapit sa bahay mula sa paaralan.

       Dumungaw si Aling Tonyang sa kanilang bintana. “O, anak, bakit? May nangyari ba?” bakas ang pag-alala sa mukha nito.

       “Inay!” pumasok ito sa bahay at nagmano sa ina. “Ako ang valedictorian sa graduation!”

       Natuwa si Aling Tonyang at niyakap ng mahigpit ang anak. “Anak, natutuwa ako dahil nagbunga ang mga paghihirap mo sa eskwela. Tiyak na matutuwa rin ang tatay mo pag nalaman niya ito.”

       “Opo, Inay!” dahan-dahan umalis sa pagkakayakap si Lea sa ina. “Inay, magbibihis na ko para mailako ko na po yung mga niluto ninyong banana cue at turon. Susunduin ko na rin sina Jun, Sam at Isay.”

       “O, sige anak. Daanan mo na rin si Tiyo Dennis mo at sabihin na ihahatid ko bukas yung mga gulay na pinapakuha niya.”

       “Opo, Inay!”

       Si Lea ang panganay sa apat na anak ng mag-asawang Cesar at Tonyang. Si Mang Cesar ay isang maintenance crew sa Mabenza Industry na kilala dahil sa paggawa ng mga appliances sa kanilang bayan. Ang kanyang may-bahay naman na si Aling Tonyang ay nagtatanim ng sari-saring gulay at prutas sa kanilang bakanteng lote na kanyang inilalako sa palengke at inihahain sa kanilang hapag. Gumagawa rin siya ng meryenda tulad ng banana cue, turon at lumpia na itinitinda ni Lea pagkagaling sa eskwela.

       Maliit man ang kinikita ng mga magulang, ang lahat ng pangangailangan nilang mga magkakapatid ay naibibigay ng mga ito. Oo, hindi kagandahan at kalakihan ang bahay nila na yari sa tagpi-tagping kahoy at yero, pero ang tahanang binuo ng kanyang mga magulang ay sapat na upang mabuhay sila ng matiwasay at masaya.

       Pagkatapos ng graduation, umuwi ang buong pamilya ni Lea sa bahay at masayang pinagsaluhan ang pansit at lumpia na nakahain sa mesa.

       “Lea, masayang-masaya talaga kami ng nanay mo at nakatapos ka na ng high school. Hindi lang yun, valedictorian ka pa anak. Manang-mana ka talaga sa akin,” masayang sabi ni Mang Cesar.

       “Hmm… Maniwala naman ako. Kung hindi ako nagkakamali ay mahilig ka lumiban sa klase dahil palagi mong inaasikaso ang bukid,” ang sinabi ni aling Tonyang.

       “Eh, noong mga araw na yun ay puro pakopya lang sa blackboard ang titser. Ano naman ang matutunan ko roon? Mga anak, ganito yun. Mahilig akong magbasa nung kabataan ko pa. Mapadyaryo, komiks, at libro, di ko yan pinapalampas. Nagsumikap akong mag-aral sa bahay dahil hindi lahat ng bagay ay kayang ituro ng titser ko. Marami akong katanungan na minsan ay hindi niya masagot.”

       “Po? Pwede ba yun, Itay?” sambit ni Sam.

        “Oo naman, Sam. Kaya’t minabuti ko na hanapin ang mga sagot sa sarili kong paraan. Totoo ang sinabi ng nanay nyo. Mas inasikaso ko ang pagtulong sa mga lolo at lola nyo sa bukid ngunit, ito ang tandaan nyo – hindi ako nagpabaya sa pag-aaral. Gaya mo Sam, naging first honor ako nung nasa elementary ako. At …”

       Naputol ang sinasabi ni Mang Cesar ng tumayo si Aling Tonyang at may kinuha mula sa isang cabinet. “At gaya ng ate mo, naging valedictorian din ang tatay nyo nung nasa high skul siya. Lea, ito ang regalo naming ng tatay mo. Sana pagpasensyahan mo na to.”

       Ngumiti ng matamis si Lea habang kinukuha sa ina ang kahon nababalutan ng pulang supot. Naiiyak siya ng makita niya ang isang pares ng sapatos. “Inay, Itay, salamat po sa regalo nyo. Mahal na mahal ko kayo.”

       “Ate, gagalingan ko rin sa skul. Tutulungan ko rin si Itay,” sabi ni Isay.

       “Ako rin, Ate!” sigaw ni Jun.

       “Mga anak, anuman ang mangyari, ipangako nyo sa kin na magtatapos kayo sa pag-aaral dahil yan lang ang tangi naming maipamamana ng nanay nyo sa inyo.”

       “Opo, Itay! Pangako!” sabay-sabay na sagot ng mga bata.

       “At mahalin nyo ang isa’t isa. Walang ibang tutulong sa inyo kundi kayo-kayo lang din. Magsumikap kayo at hindi magtatagal maaabot ninyo ang inyong pangarap kahit gaano man ito kataas.”

       “Talaga, Itay? Kasi gusto ko po maging engineer. Yung gumagawa ng bahay at building,” ang sabi ni Sam.

       “Karpintero yun ah,” biro ni Jun.

       “Kuya, sabi ni Teacher Ella, yung engineer ay gumagawa ng bahay,” paliwanag ni Sam.

       Natawa na lamang si Mang Cesar. Tumayo ito sa inuupuan at pinalapit ang mga anak. Niyakap niya ang mga ito kasama si Aling Tonyang – isang masayang alaala na babaunin nila habang sila’y tumatanda.

       Gaano man kasaya ang isang pamilya, may mga panahon na dumadanas ito ng paghihirap at pagsubok. Ito ang mga yugto sa buhay na kailangang magpakatatag at magsumikap para malampsan ang kasalukayang kondisyon. Ganoon ang nangyari kina Mang Cesar at sa pamilya niya.

       Isang araw, maaga siyang umuwi buhat sa trabaho. Malungkot siya at tila ba may mabigat na problemang dinadala. Kinagabihan, sa kanilang silid ay kinausap niya ang asawa.

       “Tonyang, nagsara na ang pagawaan. Kailangan ko ng makahanap ng panibagong trabaho nang hindi ako maging pabigat sa pamilyang ito.”

       Niyakap ni Aling Tonyang ang asawa at sinabi, “Cesar, wag kang magsalita ng ganyan. Hindi ka magiging pabigat sa pamilyang ito. Di magtatagal ay makakahanap ka rin ng trabaho. Kung hindi nama’y pwede mo akong tulungan sa palengke.”

       “Salamat at naiintindihan mo ako, Tonyang.” Subalit hindi pa rin nawala ang agam-agam sa isip niya. “Sana nga makahanap na ko ng maayos na trabaho. Papasok na si Lea sa kolehiyo sa isang buwan. Alam mo namang magastos sa kolehiyo. Kahit wala na siyang babayaran sa tuition ay baka hindi pa sapat ang naipon natin para sa pag-aaral niya.”

       “Hindi sapat ang magtulong lang tayo sa palengke. Mahirap na ang panahon ngayon at dumadami na rin ang mga nagtitinda sa palengke kaya kailangan talagang makahanap ako ng trabaho” dagdag pa nito.

       Sinubukan ni Aling Tonyang na palakasin ang loob ng asawa. “Siguro nga tama ka pero meron pa naman tayong panahon para makapag-ipon. Wag kang mag-alala, di Niya tayo pababayaan.”

       “Oo, mabuti’t nandyan ka sa tabi ko Tonyang,” at ginawaran niya ng halik ang asawa bago sila natulog.

       Mabilis na dumaan ang mga araw. Hindi makahanap ng bagong trabaho si Mang Cesar. Saanman siya magaplay, hirap sa paghanap ng trabaho ang kanyang nasasalubong – pagkaubos ng bakanteng trabaho; pagtaas ng mga standards sa ilang kompanya pagdating sa edad, tinapos na kurso, at experience records; pagbagsak ng kompanya at kung anu-ano pa. Sa kabila ng lahat, pinilit ni Mang Cesar na maging matatag para sa kanyang pamilya. Alam niyang hindi siya dapat mawalan ng pag-asa dahil mas kailangan siya ng kanyang mga mahal sa buhay, lalo na ng kanyang mga anak.

       Isang gabi, nakita ang anak na nakadungaw sa bintana. “Lea, hindi ka pa ba inaantok?”

       “O, Itay! Ah, hindi pa po ako inaantok eh. Alam nyo naman ako…”

       “Mukhang malalim ang iniisip mo.”

       Wala siyang nakuhang sagot mula sa anak. Tila ba hindi sya narinig nito. Huminga muna siya ng malalim bago muling nagsalita. “Lea, alam mo bang ang buhay ng tao ay parang isang bituin?” tanong ni Mang Cesar habang katabi ang anak.

       Napakunot-noo si Lea. “Paano nyo naman po nasabi, Itay?”

       “Ganito yun,anak. Sa una, hindi siya masyadong napapansin dahil sa distansya at sa liit niya ngunit sa paglipas ng panahon, lalaki ito at magiging isa sa mga pinakamanining na ilaw sa kalangitan. At bilang inyong ama, responsibilidad ko ang gabayan at tulungan kayo hanggang sa marating ninyo ang panahong yon.”

       “Pero paano po kapag dumating ang panahon na mawala kayo ni Inay sa tabi ko? Hindi ko po alam ang gagawin. Maliliit pa ang iba kong kapatid. Parang hindi ko po kaya.” Nagsimula ng mangilid ang mga luha sa kanyang mga mata.

       “Lea, gaya ng tao, naglalaho rin ang kinang ng isang bituin at tuluyan itong namamanglaw. Hindi na maiiwasan yun.”

       Tumingin siya sa anak. “Kung sakali mang mangyari sa amin iyon, lagi mo lang tandaan na tulad na bituin, gagabayan ka pa rin namin. Kailangan mong maging malakas hindi lamang para sa iyong mga kapatid kundi para rin sa iyong sarili.”

       “Pero Itay…”

       “Lea, marami ka pang pagdadaanan bago maging isang maniningning na bituin. Nakasalalay ang iyong kinang sa mga desisyong gagawin mo. Hindi magtatagal, maaabot mo ang iyong mga pangarap.” Niyakap niya si Lea ng mahigpit.

       Lumipas pa ang mga araw. Sinubukan niyang ituon ang kanyang atensyon sa pagtulong kay Aling Tonyang sa paglalako sa palengke ngunit lalo lang siya nahirapan sa pinagdadaanan. Naging ng matumal nilang benta. Marami na silang kakompetisya at tumaas pa ang presyo ng bilihin.

       Ganumpaman, hindi siya nawalan ng pag-asa. Sinubukan niyang mamasukan sa isang construction site kahit medyo may katandaaan na siya. Noong una’y halos mabuwal siya dahil sa bigat ng trabaho – pagbubuhat ng semento, hollowblocks, at iba pang materyales; paghahalo ng semento, at kung anu-ano pa. Minsan, napapaluhod na siya sa sakit ng katawan. Sa kabila ng lahat, pilit niyang ininda ang lahat para lamang sa kanyang pamilya.

       Nagdaan pa ang mga araw at lalong sinubsob ni Mang Cesar ang sarili sa trabaho. Madalas na ang kanyang pag-oovertime. Maghahatinggabi na kung siya’y umuwi. Pagdating sa bahay, hindi na siya kumakain at diretso ng natutulog. Sa umaga naman, pinapagod naman niya ang katawan sa pagtulong sa palengke bago pumasok sa trabaho.

       “Itay, ayos lang sana kung magtrabaho kayo pero wag naman po sana kayong sosobra sa inyong limitasyon. Matanda na po kayo, baka mamaya …” ang nasabi ni Lea isang gabi ng dumating ang ama buhat sa trabaho.

       “Anak, kung anuman ang ginagawa ko, ang lahat ng ito ay para sa inyo, para sa pag-aaral nyo, para sa kinabukasan ninyong magkakapatid. Wag mo kong alalahanin anak, malakas pa ko, hindi pa ko katulad ng iba na uugod-ugod.” ang sinabi lamang nito.

       Niyakap ni Lea ang ama. “Pero Itay, aanhin ko po ang magandang bukas kung wala naman po kayo sa tabi ko.”

       Napangiti naman si Mang Cesar sa tinuran ng anak. “Hay, talaga ‘tong anak ko, o. Basta anak, ipangako mo sa kin na anuman ang mangyari, mag-aaral kang mabuti ah.”

       “Syempre naman po. Kayo ni Inay ang inspirasyon ko. At kanino pa ba ako magmamana ng kasipagan at katalinuhan? Di ba sa inyo lang ni Inay?” pabiro nitong sabi. “Mahal na mahal ko po kayo ni Inay.”

       “Ikaw din anak, mahal na mahal ka namin ng Inay mo.” Ang huling sinabi nito bago tuluyang pumasok si Lea sa kwarto para matulog.

       Unang araw sa buwan ng Hunyo – dumating na ang araw na kailangan ng umalis ni Lea para mailipat na ang mga gamit nya sa dorm. Naasikaso na nilang mag-ina ang mga kelangan upang makapasok siya sa Maynila. Matagal na niyang naipagpaalam sa ama ang pag-alis ngunit gusto sana niyang makita ito bago yumaon. Hindi naman niya magawang makapagpaalam ng personal sa ama dahil bigla itong nadestino sa Cebu. Mabigat man ang kalooban, umalis si Lea baon ang matinding pagnanasang magpagtagumapayan ang bagong mundo na papasukin niya – ang buhay college.

       Mabilis na lumipas ang tatlong buwan. Naging maayos ang pag-aaral ni Lea sa kolehiyo. At kahit abala, hindi niya nakakalimutang sumulat sa ina. Kung meron nga lang siyang cellphone gaya ng mga nakikilala niya sa unibersidad ay araw-araw niyang itetext ang pamilya upang balitaan at kamustahin ito. Hindi naman siya gaanong nahihirapan pagdating sa mga projects at iba pang kelangan dahil buwanan siyang pinapadalhan ng allowance at sulat ng ina.

       Buwanan kung umuwi si Mang Cesar. Ang sahod na inuuwi niya sa bahay ang pinapadala kay Lea. Samantalang ang kinikita naman ni Aling Tonyang ay napupunta sa mga kapatid niya at iba pang gastusin sa bahay. Pero sa ikaapat na buwan, hindi na ganoon ang nangyari. Hindi umuwi si Mang Cesar. Nagtaka si Aling Tonyang. Inisip niya na baka nadelay lang ang asawa sa pag-uwi nito kahit hindi siya gaanong kampante sa ideyang iyon.

       Kinagabihan, umuwi si Aling Tonyang mula sa magdamag na pagtitinda sa palengke. Papalapit pa lang siya sa bakuran nila’y sinalubong na siya isang lalaki na nakakunot-noo at hindi mapakali.

       “Magandang gabi po, kayo po ba si Aling Tonyang, yung asawa ni Mang Cesar?” ang tanong ng lalaki.

       Ibinaba muna ni Aling Tonyang ang mga dalahin bago hinarap ang nagtatanong. “Oo, ako nga yung asawa ni Cesar. Bakit? Anong kailangan nila?”

       “Ako po si Tonyo, katrabaho po ako ni Mang Cesar.” Binuhat niya ang mga dalahin ng matanda.

       “Ah, ganun ba? Salamat Tonyo sa pagbibit ng mga dalahin ko. Nga pala, bakit di mo kasama si Cesar sa pag-uwi?”

       Hindi umimik ang lalaki na ipinagtaka niya. Maya-maya pa ay nakarating na sila sa pintuan ng bahay. Dali-daling sinalubong ng mga bata ang ina at kinuha ang mga dalahin nito.

       “Salamat, Tonyo. Ano nga pala ang sadya mo rito? Kamusta si Cesar?”

       “Aling Tonyang, kaya po ako naririto ay para sabihin ang nangyari sa asawa nyo po. Wag po sana kayong mabibigla sa sasabihin ko.”

       Biglang kinabahan si Aling Tonyang. “Bakit? May nangyari ba kay Cesar? Ano yon Tonyo? Nasan siya?” Maiyak-iyak na sabi ng matanda.

       “Mabuti pa po ay sa loob na lang ng bahay natin pag-usapan.”

       Lumipas ang isang linggo. Kahit isang kanto na lang ang layo ni Lea sa bahay nila, pakiramdam niya’y ang tagal-tagal pa rin ng byahe. Sabik na siyang makita ang kanyang pamilya, lalo na ang ama nito. Hindi niya maisip kung ano ang sasabihin nito lalo na kapag nalamang College Scholar siya. Mataas ang nakuha niyang average na di baba sa 1.5. Gusto niyang mayakap ang ama at ikwento ang una niyang semester sa kolehiyo.

       Ngunit ganoon na lamang ang kanyang panlulumo nang tumambad sa kanya isang mahabang kahon na nasa loob ng kanilang bahay. Parang gumuho ang kanyang mundo nang mapagsino niya ang nasa loob ng kahon – iyon ay walang iba kundi ang kanyang ama na sana’y yayakapin at pasasalamatan niya. Hindi niya na napigilan pang tumulo ang kanyang mga luha.

       Nalaman niya mula sa ina na namatay ang ama sa isang aksidente sa construction site. Nasa ikatlo itong palapag nang mahulog ito sa hagdanan dahil sa pagkahilo. Ganumpaman, hindi sila masyadong mamomoblema dahil may insurance naman ang ama.

       Saglit na nagpaalam si Lea at lumayo sa kinaroroonan ng puting kahon. Kay daming gumugulo sa kanyang isipan. Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng lakas upang ipagpatuloy ang buhay. Paano na ang kanyang pamilya? Anon a ang bukas na naghihintay sa kanila?

       Maya-maya’y pinagmasdan niya ang kalangitang nagsisilbing himlayan ng mga bituing kasa-kasama ng buwan sa pagbibigay liwanag sa gabing madilim at malumbay. Naalala niya ang sinabi ng ama, “Lea, marami ka pang pagdadaanan bago maging isang maniningning na bituin. Nakasalalay ang iyong kinang sa mga desisyong gagawin mo. Hindi magtatagal, maaabot mo ang iyong mga pangarap.”

       Sayang, ilang taon na lang at maaabot niya na ang kanyang kaningningan bilang isang bituin ngunit wala na ang ama sa kanyang tabi. Pero, kailangang ipagpatuloy ang buhay. Balang araw, magiging doktor siya. Tutulungan niya ang ina sa pagpapaaral ng kanyang kapatid Magsisilbi siyang bituin na gagabay sa mga taong kulang sa kaalaman o hindi nagpapahalaga sa kanilang kalusugan. Ang pagpapakita at pagpapaintindi sa kanila ng kahalagahan ng kalusugan ang magiging pangunahin niyang layunin upang mabawasan ang bilang ng mga namamatay sa sakit o malulubhang karamdaman.

       Maya-maya’y naibaling niya ang atensyon sa isang kumikislap na bituin. “Itay, alam ko po na kahit wala na kayo, isa po kayo sa mga bituin na gumagabay sa akin. Wag po kayong mag-alala, aalagaan ko po si Inay. Pati na ang mga bata. Gaya ng pangako ko po sa inyo, sisikapin ko pong makatapos ng aking pag-aaral. Magiging isang maniningning na bituin ako balang araw. Maaabot ko rin po ang mga pangarap ko…sa tulong ninyo, ng Panginoon at ng aking mga minamahal sa buhay.”

       At ganoon nga ang kanyang ginawa. Upang matustusan ang mga pangangailangan, kumuha siya ng mga pagsusulit para makakuha ng scholarship sa paaralan at pinalad naman siya. Ang lahat ng panggastos niya ay kinukuha niya sa allowance na kasama sa scholarship.

       Para makatulong din sa ina, pumasok siyang waitress sa isang fastfood. Mula umaga hanggang hapon, aral. Pagdating ng ala singko, trabaho naman ang aasikasuhin niya. Hatinggabi na siya nakakabalik sa dorm at nakakapagpahinga. Pagod at puyat man, gumigising siya ng maaga upang makapag-aral at gawin ang iba pang dapat niyang gawin.

       Di nagtagal, nakatapos na si Lea. Kumuha siya ng licensure exam at sa wakas, doktor na siya. Nakilala siya sa buong bansa dahil sa kanyang husay at galing bilang isang surgeon. Napagtapos na rin niya ng pag-aaral ang lahat nga kapatid habang naipagpatayo naman niya ng sariling grocery store ang ina.

       Isang gabi, muli niyang tinunghayan ang asul na kalangitan mula sa kanyang asotea. Sadyang kay ganda nitong pagmasdan ang buwan at mga bituin. At ngayon, isa na siya sa maningning na bituin sa kanyang laranga – tulad ng pangako sa kanyang ama.

       “Itay, wala man kayo sa aking tabi ay alam kong masaya po kayo. Isa na kong maniningning na bituin, Itay,” mangiyak-ngiyak niyang sabi. “Ganundin po sina Jun, Sam, at Isay. Kahit namanglaw man kayo sa mundong ito, hindi pa rin kayo nawala sa aming mga puso’t isipan. Para sa amin, kayo ang aming bituin. Gaya ng talang gumabay sa tatlong hari sa kapanganakan ni Hesus, ginabayan po kami sa aming paglalakbay. Salamat po, Itay.”

 



 

The URI to TrackBack this entry is: https://princessnins.wordpress.com/2010/10/15/ang-kinang-at-panglaw-ng-isang-bituin/trackback/

RSS feed for comments on this post.

2 CommentsLeave a comment

  1. […] maskara. forbiddenlei. aboynamedxander. jasonhamster. punlaangpanulat. iheartf. fielsvd. princessnins. kwentotpaniniwalanihitokirihoshi. goyo. metaporista. andee. dahnjacob. tuyongtintangbolpen. […]

  2. Mashallah ang ganda talaga ng istoryang ito napaiyak aqu 2loy inshallah ganun dn aqu 2lad mu lea.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: