Madyik Sapatos

             “Uy, field trip na natin bukas!” sabi ni Jane.

            “Oo nga, eh. Dami nating pupuntahan. May Museong Pambata, Avilon Zoo, at Luneta Park. Sasama ka ba Lance?” sabi naman ni Patrick.

            “Ah… eh…,” naputol ang sinasabi ni Lance nang sumingit si Chloe.

            “Si Lance? Sasama? Imposible. Wala nga siyang pambili ng sapatos, eh. Pamfield trip pa kaya?”

            Napahiya si Lance pero sinubukan niyang sumagot, “Hindi, ah. Aalis kami ni Mama. Mamasyal kami.”

            “Owws, baka naman mamamasyal kayo sa Payatas para maghahanap ng bagong sapatos. Hahahaha!” pang-iinsulto ni Chloe.

            Maiiyak na sana si Lance pero biglang dumating ang guro nila. Bumalik ang mga bata sa kani-kanilang upuan. Pagkalapag ng mga gamit na dala ng guro ay bumati ito sa mga bata.

            Tumayo ang mga bata sa klase at sabay-sabay na nagsabing, “Magandang umaga rin po, binibining Vito.”

            “Maari na kayong magsi-upo.”

            “Salamat po,” at umupo na ang mga bata.

            Maya-maya pa’y nagsimula na ang klase. Nakatingin lang si Lance sa bintanang katabi ng kanyang upuan. Iniisip niya yung nangyari kanina.

            Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang makarinig siya ng boses mula sa kanyang gilid. “Lance, pwede ba kitang maistorbo?”

            “Ma’am?” gulat niya.

            “Kanina ka pa ata wala sa sarili mo.”

            Yumuko si Lance. “Pasensya na po, Ma’am Lea.”

            “Ayos lang iyon, Lance. Napansin ko kasi na kanina ka pa nakatingin sa bintana. May maikli tayong quiz pero hindi ka pa nakilos kaya lumapit na ko.”

            Luminga-linga siya at nakitang nagsusulat na ang iba niyang kaklase. “Pasensya na po.” Dali-dali niyang kinuha ang papel at lapis sa kanyang bag.

            “Ganito Lance, kakausapin kita mamaya pagkatapos ng klase. Nasa pisara yung gagawin mo.”

            Nagsimula ng gawin ni Lance ang ipinapagawa ng guro niya. Pagkatapos ng klase, pumunta na siya sa opisina ni Bb. Vito.

            “Ngayon Lance, puwede ko bang malaman ang problema mo? Baka matulungan kita,” nakatuon ang mga mata ni Bb. Vito kay Lance.

            “Ma’am, bukas na po ang field trip pero hindi ako makakasama.”

            “Gusto mo bang sumama sa field trip?”

            “Opo, Ma’am. Pero wala pong pera ang mga magulang ko para sa field trip,” malungkot na tugon ni Lance.

            “Lance… Naiintindihan kita. Huwag kang mag-alala, bibigyan na lang kita ng espesyal na proyekto bilang kapalit ng hindi mo pagsama.”

            “Opo, Ma’am.”

            “Mabait kang bata Lance. Siyam na taon ka pa lang pero naiintindihan mo na ang lagay ng pamilya mo. Mag-aral ka lang ng mabuti at gumawa ng mga tamang desisyon. Darating ang araw, mapupuntahan mo na ang lahat ng gusto mong puntahan.”

            Tila nabuhayan ng loob si Lance. “Talaga Ma’am Lea? Kahit sa Disneyland po?”

            Ngumiti ang guro. “Oo, Lance. Kaya mag-aral ka ng mabuti. Saka huwag kang malungkot. Malay mo, makasama ka bukas. Sige Lance, makakauwi ka na. Alam kong malayo pa ang lalakarin mo pauwi.”

            Napakunot-noo si Lance sa huling sinabi ng guro. “Sige po Ma’am, uwi na ako. Salamat po.”

            Naglalakad na siya pauwi sa kanila. Nasa isip pa rin niya ang sinabi ng guro kanina. “Paano naman kaya ako makakasama? Parang imposible naman ang sinabi ni Ma’am. Hay, naku!” napakamot na lang siya.

            Dahil sa inis niya at gutom, kinuha niya ang tinapay mula sa loob ng kanyang bag. Kakainin na sana niya ito nang may makitang matandang babae na mukhang nanghihina sa tabi ng daan.  

           “Kawawa naman si Lola,” ang nasabi ni Lance sa sarili. Lumapit siya rito at iniabot ang tinapay. Kinuha niya ang bote niya sa bag na may laman pang tubig at ibinigay rin dito. “Lola, kain na po kayo.”

            “Salamat, totoy. Maswerte ang mga magulang mo dahil may anak silang katulad mo.”

            “Wala po yun lola. Sige po, uuwi na po ako.”

            Paalis na sana siya nang tawagin siya ng matanda. Inilabas ng matanda ang isang pares ng itim na rubber shoes.

            Nagliwanag ang mga mata ni Lance nang makita niya ang sapatos. Maganda naman ito lalo kapag nalinisan. “Lola, ibibigay niyo ba talaga ‘yan sa akin?”

            “Oo naman, toy.” Sabay abot ng mga sapatos kay Lance.

            “Salamat po!” Tuwang-tuwa niyang sinabi  sa matanda.

            “Totoy, gamitin mo ang sapatos na iyan para puntahan ang gusto mo. Mag-ingat ka lang sa paggamit nito.”

            “Opo, lola. Sige po, aalis na ko. Salamat po ulit,” pagkasabi nito’y nagtatakbo na si Lance pauwi sa kanila.

            Pag-uwi niya sa bahay, ipinakita niya sa mga magulang ang sapatos. Ikinuwento niya kung saan niya ito nakita. Nung una, hindi naniniwala ang mga magulang niya. Hindi kalaunan, nakumbinsi niya rin ang ina at ama.

            Bago siya matulog, nilinisan niya ang sapatos at nagmukha naman itong bago. Kinuha niya ang isang papel sa bag na naglalaman ng mga detalye sa lakbay-aral bukas. Maya-maya pa’y nakatulog na siya.

           Kinabukasan, nagbihis siya ng maayos at isinuot ang bagong sapatos. Nagpaalam muna siya sa ina na mamasyal siya sa labas. Pumunta siya ng paaralan pero mukhang nakaalis na ang mga kaklase niya. Tinitigan niya ang gabay na nasa papel. Sa Museong Pambata ang unang punta ng mga estudyante.                 

           “Sana makapunta rin ako sa museong ito.” Nagulat si Lance nang mapansin niyang parang naglalaho siya. Pagmulat niya ng mata, napansin niyang wala na siya sa harap ng eskwelahan.

           “Huh? Nasaan na ko?” Naglakad-lakad siya. “Teka…” Tiningnan niya ang nakasulat sa isang pader na pinapasukan ng mga estudyante. “Museong Pambata! Wow, andito na pala ako! Paano ako nakarating dito?” Saglit siyang napaisip. “Hindi kaya dahil ito sa sapatos? Subukan ko nga ulit.”

           Pumikit siya at humiling, “Sana nasa Avilon Zoo na ako at kasama ang mga kaklase ko.” Bigla na namang naglaho si Lance.

Maya-maya pa ay nakarating na siya sa zoo. “Lance!” Napamulat siya ng mata ng marinig niya ang isang pamilyar na boses.

            “Patrick?”

            Tumakbo si Patrick palapit sa kanya. “Paano ka nakarating dito? Hindi ka naman kasama kanina, ah.”

            “Ah, eh… hindi ko rin alam eh,” sagot ni Lance.

            “Mga bata, pumunta na kayo rito. Baka mawala pa kayo,” ang sigaw ni Ma’am Lea.

            “Halika na Lance, sumama ka na sa amin.”

            Habang naggagala sa loob ng zoo, naisip ni Lance na may madyik nga ang sapatos. Pwede siyang makapunta kahit saan. Ganumpaman, nagpatingin-tingin muna siya sa mga hayop na naroroon. Makalipas ang ilang saglit, sinabi ng guro nila na may tatlumpung minuto pa bago umalis ang bus.

            “Gala pa tayo, Patrick!”

            “Sige, Lance. Pero dapat, hindi tayo gaanong lumayo. Baka mawala tayo.”

            “Wag ka mag-alala, ako ang bahala,” sabay akbay niya kay Patrick. Nag-iikot sila nang may madanggil siya na isang bata. “Ay, sori!”

            “Bulag ka ba? Hindi ka kasi natingin sa dinadaanan mo!” Nagkatinginan sila ng batang nabangga niya. “Lance?” Si Chloe pala ang nakabangga niya.

            “Hindi ba mamasyal kayo ng nanay mo? Bakit ka nandito? Naiwan ba kayo ng trak ng basura na susundo sa inyo?” dagdag nito.

            “Trak pala ng basura, ha.” *ummpp!* Tinapakan niya ang sapatos ni Chloe. “Uy, pasensya na. Nadumihan ko yang puting-puti mong sapatos,”pang-aasar niya kay Chloe.

            “Ano ba! Bakit mo dinumihan ang sapatos ko?”

            “Yan ang bagay sa iyo. Ngayon, sabihin mo sa akin, sinong mas maganda ang sapatos sa atin?”

            Inis na umalis si Chloe at tumakbo palayo pero natalisod siya. Tumawa si Lance ng malakas at sumigaw, “Buti nga sa’yo!”

            “Lance, kawawa naman  si Chloe. Dapat hindi mo ginawa yun.”

            “Lagi niya ako inaaway. Buti nga sa  kanya.”

            “Pero mali pa rin iyon,” sabi ni Patrick.

            “Eh di magsama kayo. Kaya ko mamasyal mag-isa!” Naglakad na siya palayo.

            “Lance!”

            Nagpagagala-gala siya sa loob ng zoo. Nang mabagot siya, humiling siya na makapunta sa Luneta Park. Doon siya nagtata-takbo, naglaro, at namasyal. Nakita rin niya ang mga kaklase pero hindi niya ito pinansin.

            Pumunta siya sa isang palaruan sa loob ng parke. Aakyat na siya ng padulasan nang sinabihan siya ng isang babae. “Bata, kailangan mong iwanan yung sapatos mo sa lagayan.”

            Inis man si Lance, sumunod na lang siya. Nawili siya roon sa palaruan. Nang maisipan niya ng umuwi, pinuntahan niya ang lagayan ng sapatos, pero wala ang isang kapares nito. Hinanap niya ang isang kapares ng sapatos ngunit wala ito roon. Nagtanong siya sa babae na naroroon pero wala raw itong alam.

            Sinubukan niyang humiling na umuwi na ngunit walang nangyayari. Hindi siya makakauwi hangga’t wala yung isa pang kapares ng sapatos.

Malungkot na naglakad-lakad si Lance kahit isang paa lang ang suot niyang sapatos. Gabi na. Nakita niya ang iba niyang kaklase na masayang-masaya. May naglalaro, nagkukuhaan ng larawan, at kumakain.   

            *Krrruuu* Kumakalam na ang sikmura niya. Hindi pa nga pala siya kumakain simula pa kanina. Umupo si Lance sa damuhan na malapit sa Dancing Fountains.

           “Lord, gusto ko na pong makauwi. Magpapakabait na po ako. Hindi na po ako uulit,” umiiyak na sabi ni Lance.

           “Lance, ‘wag ka nang umiyak.”

           Nasa harapan niya si Ma’am Lea. Napayakap si Lance sa guro at umiyak nang umiyak. “Ma’am, gusto ko na po umuwi. Nawawala po yung isang kapares ng sapatos ko. Tapos inaway ko pa sina Chloe at Patrick. Patawad po!”

           “Halika, sumabay ka na sa amin. Ihahatid na rin kita sa inyo.”

           Tumahan si Lance at sinamahan siya ng guro papunta sa bus. Naroon si Chloe. Humingi siya ng tawad dito at pati na rin kay Patrick. Sa loob ng bus, binigyan siya ni Chloe ng pagkain. Humingi rin ito ng paumanhin sa kanya. Naiiyak naman si Lance habang nakain. Naisip niyang wala palang maitutulong ang pagiging masama o ang pagganti sa kapwa.

           Pag-uwi niya sa bahay, sinalubong siya ng mga nag-aalalang magulang. Humingi rin siya ng tawad sa mga ito. Ipinaliwanag ni Bb. Vito ang nangyari kay Lance. Buti na lang, nandoon ang guro niya, dahil baka hindi naman maniwala ang nanay at tatay niya sa sasabihin niya.

           Nagpasalamat siya sa guro niya bago ito umalis. Hindi pa nagtatagal, sinubukan niyang habulin ang guro para tanungin tungkol sa proyekto. Ngunit hindi niya na ito naabutan. Nang isasara niya na ang pinto ng bakod nila, may nakita siyang isang pares ng sapatos sa lapag.

           “Salamat po Lord, sa mga sapatos na ito. Kahit wala po itong madyik, alam kong makakapunta pa rin ako sa ibang lugar dahil sa sapatos na ito. At magsusumikap ako, hindi lang para sa akin, kundi para sa bukas ng pamilya ko.”



Pakisuportahan rin po ang iba ko pang entries:

A) Ang Aking Mr. Right (Maikling Kwento)

B) Himig ng Manlalakbay (Tula)

C) Ako si Nina, Laking Laguna (Freestyle Blog)

 

Salamat po sa inyong suporta. :)



Ito ang opisyal kong entry para sa kategoryang “Kwentong Pambata” ng Saranggola Blog Awards 4.

Saranggola Blog Awards

       Ang Saranggola Blog Awards 4 ay hatid ng mga sumusunod:

DMCI Homes

Mobeeu

TARAGIS

Published in: on October 15, 2012 at 11:19 am  Comments (2)  
Tags: , , ,
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.